top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 27, 2023



ree

Gumawa agad ng ingay ang bisitang Sacramento Kings sa kanilang 130-114 panalo sa Utah Jazz sa ikalawang araw ng NBA kahapon mula sa Delta Center. Ito na rin ang unang opisyal na laro ni PBA alamat Jimmy Alapag bilang assistant coach ng Kings at katapat ang koponan ni kabayan Jordan Clarkson.


Umabot sa 110-87 ang lamang ng Sacramento sa dalawang buslo nina Javale McGee na minsan naging kandidato para sa Gilas Pilipinas at Chris Duarte na nagbukas ng huling quarter. Nanguna sa Kings sina Harrison Barnes na may 33 puntos at Domantas Sabonis na may 22 at 12 rebound.


Nasayang ang 24 puntos ni Clarkson. Itinalaga si Alapag noong Agosto at ang kanyang opisyal na tungkulin ay Player Development Coach sa ilalim ni Head Coach Mike Brown.


Nagising ang bisitang Dallas Mavericks sa 2nd half upang mabigo ang San Antonio Spurs at numero unong rookie Victor Wembanyama, 126-119. Triple double si Luka Doncic na 33 puntos, 13 rebound at 10 assist kumpara sa numerong 7’4” Wembanyama na 15 puntos.


Sa ibang laro, pumukol ng three-points na may 13 segundo sa orasan si Donovan Mitchell upang isalba ang Cleveland Cavaliers sa Brooklyn Nets, 114-113. Parehong nagtapos na may tig-27 puntos sina Mitchell at Max Strus.


Wagi ang Boston Celtics sa karibal New York Knicks, 108-104. Malupit si Jayson Tatum sa kanyang 34 puntos at 11 rebound at nag-ambag ng 30 si Kristaps Porzingis sa kanyang unang laro matapos lumipat galing Washington Wizards noong Hunyo.


 
 

ni GA @Sports | October 26, 2023



ree

Sinigurado ng World Champion Denver Nuggets na hindi mababahiran ang kanilang espesyal na gabi at umulit ng panalo sa bisitang Los Angeles Lakers, 119-107 sa unang araw ng bagong taon ng NBA kahapon mula sa Ball Arena. Nalusutan din ng bisitang Phoenix Suns ang Golden State Warriors, 108-104, sa isa pang laro.


Tinanggap ng Nuggets ang mga singsing at itinaas sa kisame ang bandila ng kanilang pinakaunang kampeonato sa 47 taon sa liga. Matatandaan na winalis ng Denver ang Lakers sa West Finals, 4-0, upang harapin ang Miami Heat sa Finals na umabot ng limang laro.

Ipinagpag ng Nuggets ang mabagal na simula at bumanat ng siyam na magkasunod na puntos upang maagaw ang lamang at hindi na nila binitiwan, 16-10. Huling nagbanta ang Lakers sa tres ni LeBron James, 89-92, at 9:42 sa orasan subalit umakyat muli sa 110-96 ang agwat sa dunk ni Aaron Gordon at 3:54 ang nalalabi.

Nagtala si MVP Nikola Jokic ng triple double na 29 puntos, 13 rebound at 11 assist at simulan ang kanyang paghanap ng bihirang ikatlong sunod na parangal. Nag-ambag ng 21 si Jamal Murray at 20 si Kentavious Caldwell-Pope.

Sa kanyang talumpati matapos tanggapin ang kanyang singsing, nangako si Coach Michael Malone sa mga tagahanga na masusundan ang kanilang kampeonato. Ipagtatanggol nila ang titulo na halos walang pagbabago sa listahan ng manlalaro.

Sumandal ang Phoenix sa malaking shoot ng kanilang mga bagong manlalaro na sina Gordon at Jusuf Nurkic sa huling minuto upang itayo ang 108-104 bentahe na may 10 segundo sa orasan.

Isang dosenang laro ang gaganapin ngayon, kasama ang unang laro ni kabayan Jordan Clarkson at Utah Jazz kontra sa bisita Sacramento Kings. Si Jalen Green at Houston Rockets ay dadalaw sa Orlando Magic.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | October 26, 2023



ree

Mga laro ngayong Sabado – MOA

2:00 PM UE vs. UST

4:00 PM NU vs. DLSU

Pumukol ng 3-points sabay ng huling busina si LJ Gonzales upang buhatin ang Far Eastern University laban sa defending champion Ateneo de Manila University, 62-59, sa pagbubukas ng Round Two ng 86th UAAP Men’s Basketball Tournament Miyerkules sa MOA Arena. Pansamantalang inagaw naman ng National University ang liderato matapos ang makapigil-hiningang 64-61 panalo sa host University of the East.

Tinabla ng tres ni Mason Amos ang laro sa 59-59 at may pagkakataon sila subalit itinapon nila ang bola upang buksan ang pinto sa Tamaraws. Linampasan ni Gonzales ang depensa upang makumpleto ang kanilang pagtakas.

Nanguna si Gonzales na may 19 puntos. Tinulungan siya nina Patrick Sleat na may 12 at Jorick Bautista na may 10 puntos. Kumakapit ang NU sa peligrosong 62-61 lamang pero isinayang ng UE ang kanilang mga pagkakataon sa huling minuto. Napilitan silang bigyan ng foul si Jake Figueroa na ipinasok ang dalawang free throw na may limang segundo sa orasan at nagmintis ang huling bato ng Warriors.

Namuno sa Bulldogs si Kean Baclaan na may 18 puntos para sa kanilang ika-limang sunod na tagumpay. Sumunod si Figueroa na may 12 puntos.

Sa unang laro, naging maikli ang maliligayang araw ng University of Santo Tomas at tinambakan sila ng De La Salle University, 100-69. Galing ang UST sa 68-62 panalo sa Far Eastern Unversity noong Linggo, ang kanilang una matapos ang 19 magkasunod na talo buhat pa noong nakaraang taon.

First half pa lang ay itinatak ng numero unong kandidato para MVP Kevin Quiambao ang kanyang kalidad at itinala ang 10 ng kanyang kabuuang 22 puntos na may kasamang 12 rebound. Ito na rin ang pinakamahusay na linaro ng baguhan Jonnel Policarpio na nagsumite ng 14.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page