top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 9, 2025



Photo: SGA via Julius Domondon



Magbubukas na sa Sabado ang ika-44 edisyon ng William Jones Cup sa Xinzhuang Gym sa New Taipei City.


Nakabunot ng liban sa unang araw, puntirya ng Strong Group Athletics na manatili ang tropeo sa Pilipinas at pangkalahatang ika-walo ng bansa.


Bago tumulak papuntang Taiwan, nagdaos ng pampublikong ensayo ang koponan sa College of Saint Benilde.


Nabigyan ng pagkakataon ang mga manlalaro at si Coach Charles Tiu na ibahagi ang kanilang saloobin bago sumabak sa aksyon laban agad sa host Chinese-Taipei A sa Linggo.


Mahalaga ang papel na gagampanan ng import at tanging si Tajuan Agee ang babalik mula nakaraang taon at hindi nakuha si tournament MVP Chris McCullough.


Kahit wala si McCullough ay pumirma ang NBA beterano Andre Roberson na minsang naglaro sa SGA sa ibang torneo at mga bagong sina Ian Miller at ang kapatid ni Andre na si Anthony Roberson.


Malaking bagay para sa mga Pinoy na kakampi ay marami ang kasama sa nagkampeon noong 2024 sa pangunguna nina Keifer Ravena, Rhenz Abando, DJ Fenner, Ange Kouame, Dave Ildefonso, Allen Liwag at Geo Chiu.


Ang iba pang manlalaro ay sina Jason Brickman at Javi Gomez de Liano.

 
 

ni MC @Sports News | July 7, 2025



Photo: Pinapayuhan ni Gilas Pilipinas woman Ella Fajardo ang mga  batang atleta hinggil sa halaga ng sipag, hard work na dapat nilang dalhin sa hardcourt habang nasa  Kingdom Elite Invitational Basketball Camp. (GV)



Kaakibat na ng Gilas Pilipinas Women’s standout at MILO ambassadress Ella Fajardo ang sipag, hard work at minsan ay rejection, at ito ang mga natutunan niyang dala-dala sa court sa Kingdom Elite Invitational Basketball Camp kabisig ang MILO Philippines.


Sa edad niya ngayong 22 at naglalaro sa Gilas Women sa Jones Cup, ibinahagi ni Fajardo ang mga pagsubok na kanyang nalampasan upang maabot ang paglalaro sa pandaigdigang mga torneo, mula sa hindi napapansin ng coaches, hanggang sa mailinya sa mga university players, pinatunayan niyang ang mga bituin na tulad niya ay naglaro mula sa madilim na bahagi ng buhay bago kuminang ang karera. 

 

“Nagdaan din ako sa pinakamalungkot na buhay where I felt that I wasn’t good enough, but through hard work and prayers, I found the strength to keep going and prove myself,” ani Fajardo.


Nagbigay inspirasyon sa lakbay ng kanyang piniling palakasan mula pa sa Milo Best Center clinics, isa na si Fajardo sa nagbabahagi ng kanyang kahusayan sa halos 100 aspiring female basketball players. Nagturo siya sa youth athletes ball-handling, layup drills, at defensive techniques, habang tutok din sa pagtuturo ng core values tulad ng sipag, disiplina at teamwork.


“This camp is my way of giving back to the community that shaped me. I wanted to create an eventwhere young girls can learn the game, build their confidence, and experience the same joy I felt when I was starting out,” aniya.


Isa sa campers ang 12-anyos na si Regina ng La Salle Antipolo, aniya malaki ang nagagawa ng camp upang mas mamotiba pa siya na mangarap ng matayog pa. “Coach Ella is an inspiration to me. Because of this camp, I am inspired to become better and to reach my dreams of becoming a national athlete for the Gilas team.” 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 7, 2025



Photo: Ang Gilas Pilipinas women kahit manaig ay malabo na sa medalya at lalaban na lamang sila sa  ika-3 o ika-apat na puwesto. Tinalo ng mga Haponesa ang Gilas kahapon sa Taipei Peace Basketball Stadium sa Jones Cup. (Circulated image)


Laro ngayong Linggo – Taipei Peace

4 PM Pilipinas vs. Chinese-Taipei B (W) 

    

Isang panalo na lang ang kailangan upang manatili ang William Jones Cup crown sa Japan. Tinalo ng mga Haponesa ang Gilas Pilipinas, 94-74, sa pangalawa sa huling araw ng torneo kahapon sa Taipei Peace Basketball Stadium.

     

Hawak ng mga Pinay ang 46-44 bentahe matapos ang dalawang quarter sa likod muli ng malakas na laro ni Jack Danielle Animam na nagtala agad ng 15 puntos. Mula roon ay kumilos ang Japan na nalimitahan ang Gilas sa 12 lang sa pangatlong quarter upang lumayo at hindi na lumingon, 66-58.

      

Nagtapos si Animam na may 21 at 16 rebound upang lalong tumibay ang pagiging numero uno ng torneo sa pagpitas ng bola. Sumuporta sina Naomi Panganiban na may 14, Louna Ouzar na may 11 at Sumayah Sugapong na may 10. 

      

Balanse ang opensa ng Japan sa pangunguna ni Maika Miura na may 12 at sina Azusa Asahina, Suzuno Higuchi, Ufuoma Tanaka at Haru Owaki na may tig-11. Perpekto pa rin ang Japan sa 4-0. 

      

Wawakasan ng Pilipinas ang kanilang kampanya laban sa Chinese-Taipei B na binubuo ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Kahit manaig ay malabong magawaran ang Gilas ng medalya subalit maaaring pantayan nila ang kartadang 2-3 at ika-apat na puwesto noong nakaraang taon.

        

Bago umalis ang Gilas papuntang Taiwan, naging bahagi si gwardiya Ella Fajardo ng pinakaunang Kingdom Elite Invitational Camp, isang espesyal na kampo na para lang sa kabataang kababaihan kasama ang MILO. Tinatayang 100 atleta ang lumahok kung saan hindi lang ang tamang paraan ng paglaro ang itinuro kundi pati mga aral sa buhay hango sa mga karanasan ni Fajardo sa loob at labas ng palaruan. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page