top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 5, 2024



Sports News

Hindi lamang ang buong mundo ang nagulat kundi si Gilas Coach Tim Cone ay nasorpresa sa kinalabasan ng kanilang laro dahil first time ito na talunin ng Philippine squad ang European team sa isang opisyal na laro mula noong 1960 Olympic Games nang talunin nila ang Spain.


“I’m totally shocked to be sitting here in front of you guys after winning this basketball game,” saad ng Barangay Ginebra mentor sa post-game presser sa Arena Riga. “When I came into camp with the players, I told them: ‘This is what I know best, this is what I can teach best, so we’re gonna live and die with this. I’m just proud that we’re able to do something with it. It’s an offense, if I may say, that plays at a tempo in which you can play defense and that’s why I love it so much. I’m kind of famous for the Triangle but I feel like I’m more of a defensive-oriented coach and that offense just helps me run the defense.”


Ginulat kasi ng bisitang Gilas Pilipinas ang Latvia, 89-80, sa pagsisimula ng kampanya sa 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament kahapon ng madaling araw, oras sa Pilipinas. Kahit minsan ay hindi pinatikim ng mga Pinoy ang lamang sa mga Latvian at ngayon ay bitbit ang toneladang positibong enerhiya papasok sa mahalagang laro kontra Georgia. 


Sinimulan ng Gilas ang laro sa pagbuhos ng unang 8 puntos at inabot ng mahigit 2 minuto bago maka-shoot ang Latvia. Agad bumida ang mga higanteng sina Kai Sotto at June Mar Fajardo at tunay na buwenas ang mga Pinoy sa malayong milagrong three-points ng bagong pasok na si CJ Perez kasabay ng busina ng unang quarter, 32-16. 


Muntikan na lumikha ng triple double si Justin Brownlee na nagtapos na may 26 puntos at tig-9 na rebound at assist. Uminit si Sotto para sa 18 at Ramos na may 12.


Ang panalo laban sa Georgia kagabi ang magpapa-abanse sa Gilas sa  OQT crossover semifinals bilang top seed sa Group A, pero kapag natalo sa 18-points ay maari pa silang makapasok sa semis bilang No. 2 seed.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 5, 2024



Sports News

Kahit bigo ang Gilas Pilipinas sa Georgia, 96-94, sapat na ito upang makapasok sa semifinals ng 2024 FIBA Olympic Qualifier Huwebes ng gabi sa Arena Riga. Ito ay wala pang 24 oras matapos ang kanilang dambuhalang tagumpay sa host at FIBA World #6 Latvia, 89-80.


Nagtapos ang tatlong nabanggit na koponan na pantay sa 1-1 panalo-talo sa Grupo A. Dahil dito, binilang ang kabuuang inilamang sa dalawang laro at lumabas na numero uno ang Latvia (+19), pangalawa ang mga Pinoy (+7) at nahulog ang Georgia (-26). Pinabayaan ng Gilas na umarangkada agad ang Georgia sa 16-0 lamang.


Inabot ng mahigit limang minuto bago naka-shoot si Justin Brownlee ng tres upang mabasag ang katahimikan. Nagising ang mga Pinoy sa third quarter at nagsanib-puwersa sina Brownlee, Dwight Ramos, Chris Newsome at Carl Tamayo upang mabura ang 55-43 lamang ng Georgia at itabla ang laro papasok sa huling quarter, 74-74. Kailangan ng Georgia na magwagi ng mahigit 18 puntos upang mapaboran sa tabla ng kartada at matanggal ang Pilipinas subalit hindi ito nangyari.


May pagkakataon magwagi, huling tinikman ng Gilas ang lamang sa buslo ni CJ Perez, 81-80, at 7:16 sa orasan. Kinapos sa huli at nagtrabaho ang mga NBA player Alexander Mamukeshvili na nagtala ng 26 at Goga Bitadze na may 21 upang maisalba ang panalo subalit nabitin pa rin sila sa huli sa gitna ng matalinong laro ng Pilipinas.


Nanguna muli si Brownlee na may 28 puntos at tig-walong rebound at assist. Sumunod sina Ramos na may 16, Perez na may 14 at Newsome na may 13. Haharapin ng Gilas sa semifinals ang isa sa Brazil, Montenegro o Cameroon mula Grupo B. Maglalaro pa ang Brazil at Cameroon upang matukoy kung sino ang papasok.

 
 

ni Eli San Miguel @Sports News | July 4, 2024



News

Nasungkit ng Gilas Pilipinas ang unang pagkapanalo laban sa World No. 6 Latvia sa Riga City, 89-80, sa FIBA Olympic Qualifying Tournament nitong Huwebes. Ito ang unang pagkapanalo ng Pilipinas laban sa isang European team sa loob ng 64 na taon.


Ang huli ay laban sa Spain noong 1960 Olympics sa Rome. Nagsimula nang malakas ang Gilas sa quarter na may 8-0 na lamang at tumagal ito ng ilang sandali. Gayunpaman, nagsimulang makakuha ng tamang ritmo ang Latvia at pinaiksi ang agwat sa limang puntos lamang, 21-16, na nagbabala ng posibleng comeback.


Ang mga Pilipino, na may matibay na determinasyon, hindi nag-atubiling isagawa ang 11-0 na counterattack, na tinapos ng isang buzzer-beating triple ni CJ Perez upang magtakda ng malaking 16-puntos na abante.


Sa kabilang banda, si Justin Brownlee na unang tumamlay sa mga laro ng Gilas, ay nagbigay ng 26 puntos, siyam na rebounds, at siyam na assists sa isang kahanga-hangang performance.


Dahil sa tagumpay na ito, umabante ng isang hakbang ang Gilas sa semifinals at inaasahang ang isang panalo laban sa Georgia mamaya ay magpapatibay ng kanilang pagpasok sa finals at magkaroon ng tsansa para makatuntong sa Olympics.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page