top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 9, 2024



Sports News

Laro ngayong Martes – Xinzhuang Gym

3 p.m. Thailand vs. Pilipinas 


Kinapos ang huling hirit ng Gilas Pilipinas at nakatakas ang Japan Universiade, 85-83, sa pangatlong araw ng 2024 William Jones Cup sa Xinzhuang Gymnasium ng New Taipei City. Nanatiling perpekto ang mga Haponesa na binubuo ng mga mag-aaral sa pamantasan sa kanilang pangatlong sunod na tagumpay.


Magiting na bumawi ang mga Pinay at binura ang 66-56 bentahe ng kalaban matapos ang tatlong quarter. Bumira ng tatlong three-points si Kate Castillo at sinuportahan ng beteranang si Afril Bernardino at ang baguhang si Naomi Panganiban subalit nagawang umiwas sa disgrasya ang Japan. 


Napagod din ang Gilas sa kahahabol sa buong laro at maganda ang simula ng Japan na tumalon sa 27-17 lamang sa unang quarter. Nanguna sa Japan sina Yumeha Fujisawa at Sato Takako na parehong may 13 puntos. Sumunod si Haruka Yamamoto na may 11 


Nasayang ang numero ni Bernardino na 21 puntos at 11 rebound at hindi napigilang lumagpak ang mga Pinay sa 1-2 panalo-talo. Nag-ambag ng 20 si Jack Danielle Animam. 


Susubukang bumangon muli ng Pilipinas sa pagharap sa Thailand ngayong araw simula 3:00 ng hapon. Kailangan ng mga Pinay ng higanteng milagro at agad tatanghaling kampeon ang may pinakamataas na kartada matapos ang limang laro. 


Sinimulan ng Gilas ang kanilang kampanya sa 60-73 talo sa host Chinese-Taipei White noong Sabado. Nagtala sila ng unang panalo laban sa Malaysia, 74-63, noong Linggo. 


Pagkatapos ng mga Thai, haharapin ng Pilipinas ang Chinese-Taipei Blue sa huling araw ng torneo sa Miyerkules. Hindi na nila hawak ang buong kapalaran at kailangang matalo ang Japan sa Thailand at Malaysia para mabuhayan ng pag-asa na maagaw ang kampeonato.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 9, 2024



Sports News


Buo na ang 12 pambansang koponan na magtatagisan sa Men’s Basketball ng Paris 2024 Olympics sa pagwawakas ng mga 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament kahapon. Tatakbo ang torneo simula Hulyo 27 hanggang Agosto 10. 


Matapos wasakin ang pangarap ng Gilas Pilipinas sa semifinals, itinuloy ng Brazil ang pamamayagpag at binigo ang host Latvia, 94-69, sa Arena Riga. Walang nakapigil kay Bruno Caboclo na nagsabog ng 21 puntos at hinirang na TISSOT Most Valuable Player. 


Sinamahan siya sa All-Star Five (AS5) ng kakamping si Leo Meindl na nag-ambag ng 20 at siyam na rebound. Kasama rin sa pinarangalan si Justin Brownlee ng Pilipinas, Richards Lomazs ng Latvia at Jeremiah Hill ng Cameroon. 


Tutuloy din sa Oympics ang Gresya na tinalo ang bisitang Croatia, 80-69, sa Piraeus. Ipinasok ni MVP Giannis Antetokounmpo ang 23 sabay umani ng malaking tulong kay Georgios Papagiannis na may 19 at Nick Calathes na may 14. 


Ang AS5 ay sina Giannis, Calathes, Ivica Zubac ng Croatia, Luka Doncic ng Slovenia at Chris Duarte ng Dominican Republic. Pinigil ng host Espanya ang nakakagulat na Bahamas, 86-78, sa Valencia. Nanguna sa mga Kastila sina Lorenzo Brown na may 18 at Willy Hernangomez na may 15. 


Si Santi Aldama ng Espanya ang napiling MVP. Binuo ang AS5 nina Hernangomez, Deandre Ayton ng Bahamas, Omari Spellman ng Lebanon at Mikael Jantunen ng Finland.


Sa huling natapos na OQT sa San Juan, nanaig ang host Puerto Rico sa Lithuania, 79-68. Bumanat ng todo ang tambalang MVP Jose Alvarado na may 23 at Tremont Waters na may 18. Ang iba pa sa AS5 ay sina Waters, Marius Grigonis ng Lithuania, Danilo Gallinari ng Italya at Joshua Ibarra ng Mexico.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 8, 2024


Sports News


Sa gitna ng pagkabigo ay nananatiling positibo ang Gilas Pilipinas matapos ang 60-71 pagyuko sa Brazil sa 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament semifinals noong Sabado sa Arena Riga. Hindi nila inaasahan na aabot sila at nakahanda na ang tiket pauwi ng bansa. 


Hindi maitago ni Coach Tim Cone ang panghihinayang, lalo na at nasayang ang kanilang 33-27 bentahe noong halftime matapos lumamang ng 24-12. Ginawang pisikalan ng mga Brazilian ang laro sa pangatlong quarter at iyan ang hudyat ng kanilang pagbagsak. 


Malaking bagay ang pagliban ni Kai Sotto.  Nasaktan ang kanyang tadyang sa laro kontra Georgia kaya napilitang maglaro ng mas matagal sina June Mar Fajardo at iba pa nilang malaki.


Pinagkaisahan ng mga beterano ng NBA Bruno Caboclo at Christiano Felicio si Fajardo. Pinatunayan ng Brazil bakit sila ang #12 sa FIBA Ranking at inihatid ng 41 anyos na dating Los Angeles Lakers point guard Marcelinho Huerta sang mga pandiin na puntos sa huling quarter.


Ang susunod na hakbang ay ipagpatuloy ang programa hanggang 2027 FIBA World Cup sa Qatar at 2028 Los Angeles Olympics. Alam na ng Gilas na kaya nilang sumabay sa mga higanteng bansa. 


Ginawa ng host Latvia ang inaasahan sa kanila at dinurog ang Cameroon sa isa pang semifinal, 72-59, upang itakda ang salpukan sa Brazil para sa nag-iisang tiket patungong Paris Olympics. Nagtala ng 20 si Rihards Lomazs habang 13 si Rolands Smits. 


Ang magwawagi ay ilalagay sa Grupo B kasama ang host Pransiya, 2023 FIBA World Cup kampeon Alemanya at Japan. Ang Men’s Basketball ay gaganapin sa Decathlon Arena para sa group stage simula Hulyo 27 at Accor Arena para sa knockout playoffs simula Agosto 6. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page