top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 22, 2024



Sports News

Nakamit ng Strong Group Athletics ang ika-pitong William Jones Cup para sa Pilipinas at tinakasan ang host Chinese-Taipei Blue sa overtime, 83-79, Linggo ng gabi sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City. Parehong pumasok sa laro na walang talo sa pitong laro ang magkatunggali at ang magwawagi ay agad tatanghaling kampeon.


Bago siya nagpaalam ay ibinigay ni Chris McCullough ang lamang, 80-78, na may 2:43 nalalabi sa overtime matapos mahulihan ng goaltending si 7’0” Brandon Gilbeck. Napulot ni McCullough ang kanyang ika-lima at huling foul nang banggain si Adam Hinton at kinailangang kumapit ng husto ng SGA sa last two minutes.


May pagkakataon ang Taipei pero isang free throw lang ang naipasok ni Ma Chien Hao galing sa ika-lima at huling foul ni Tajuan Agee, 79-80, at 14 segundo sa orasan. Mula doon ay napilitan mamigay ng foul at sinigurado ng mga free throw nina Jordan Heading at DJ Fenner ang tagumpay.


Sa fourth quarter, bumanat ng siyam na sunod na puntos ang SGA na tinuldukan ng three-points ni Keifer Ravena para maagaw ang bentahe, 73-71. Ipinilit ni Gilbeck ang overtime, 73-73 nang ipasok niya ang mintis ni Chen Ying Chun at pitong segundo sa orasan.


Matapos dalhin sa ospital dahil sa masamang nakain, ipiniga ni Agee ang lahat ng kanyang naiiwang lakas para gumawa ng 21 puntos at siyam na rebound. Nag-ambag ng 15 si Fenner at 14 si RJ Abarrientos habang 12 si McCullough na napilitan maglaro kahit marami na ang kanyang foul.


Pumangatlo ang Ukraine (6-2) at sinundan ng Malaysia (5-3), Chinese-Taipei White (4-4) at Japan Under-22 (3-5). Tabla sa 1-7 ang tatlong koponan sa ilalim at ayon sa tiebreaker, nanaig ang United Arab Emirates (+7) sa Brisbane South Basketball League Guardians (+3) at kulelat ang Future Sports ng Amerika (-10).


Ito na rin ang pangatlong Jones Cup para kay Coach Charles Tiu na hinawakan ang Mighty Sports noong 2016 at 2019. Ang iba pang mga kampeonato ng Pilipinas ay inihatid ng 1981 Northern Cement at 1985 San Miguel na parehong ginabayan ng namayapang si Coach Ron Jacobs, 1998 Centennial Team ni Coach Tim Cone at 2012 Gilas Pilipinas ni Coach Chot Reyes.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 19, 2024



Sports News

Laro ngayong Biyernes – Xinzhuang Gym

1 p.m. Strong Group vs. Japan 


Naging mas matatag sa pangalawang half ang Strong Group Athletics upang patahimikin ang Future Sports, 112-90, at maagaw ang pansamantalang solong liderato ng 2024 William Jones Cup Huwebes sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City. Pagkakataon ngayon ni Tajuan Agee na umani papuri at nagtrabaho ng husto upang isalpak ang ika-lima nilang tagumpay sa limang laro. 


Hindi mailabas ng koponang Pinoy ang kanilang matinding simula na katangian ng kanilang unang apat na panalo. Kinuha ng Future Sports ang unang half, 60-56 at iyan ang hudyat para higpitan ng Strong Group ang kanilang depensa.


Binuksan ng Athletics ang pangatlong quarter sa unang anim na puntos upang kunin ang bentahe sa 3-points ni Kiefer Ravena, 62-60 at biglang lumipat ang takbo ng laro pabor sa kanila. Hinigpitan nila ang depensa at linimitahan ang mga Amerikano sa 16 lang habang namayagpag si Agee para sa 11 puntos at kontrolado ng todo ang laban, 89-76. 


Anim na Athletics ang nagtapos na may 10 o higit at ang 112 ang pinakamarami sa torneo. Namuno muli si Chris McCullough na may 24, 18 rebound at 7 assist habang 19 si Agee. Malaki ang ambag ni RJ Abarrientos na 17 puntos. Iba pang pumutok ay sina Jordan Heading na may 11 at Allen Liwag at Ange Kouame na parehong may 10. 


Pinangunahan ang Future Sports ng 40-anyos na si Marcus Elliot ang beterano ng ASEAN Basketball League na may 15. Bumaba ang mga Amerikano sa 1-5. Haharapin ng Strong Group ang hamon ng Japan Under-22 ngayong Biyernes simula 1 p.m.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 18, 2024



Sports News

Laro ngayong Huwebes – Xinzhuang Gym

1:00 PM Future Sports vs. Strong Group 


Ipinamalas ng Strong Group Athletics ang lalim ng kanilang koponan at mga bagong pangalan ang bumanat sa 89-54 nila kontra Malaysia, at manatiling perpekto sa apat na laro sa 2024 William Jones Cup sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City. Itinapal ng koponang Pinoy ang unang talo ng Malaysia at nakibahagi sa liderato kasama ang malinis din na host Chinese-Taipei Blue sa 4-0. 


Mula sa dikitan na unang tatlong quarter, linimitahan ng depensa sa anim na puntos lang sa huling quarter at tuluyang nawalan ng lakas ang Malaysia. Pagkakataon ito para kay Dave Ildefonso, Tajuan Agee, RJ Abarrientos at Ange Kouame na magpatak ng puntos at walang duda sa magiging resulta. 


Patuloy ang pagiging maaasahan ni Chris McCullough at namuno muli na may walo ng kanyang 16 sa unang quarter pa lang habang 12 ang kapwa import Tajuan Agee.  Matapos ang tahimik na ipinakita sa unang tatlong laro, nagising si Rhenz Abando para sa 14 at 10 rebound at DJ Fenner na may 10. 


Dinala ang Malaysia ni John Wesley Murry na may 25 subalit wala siyang inambag noong huling quarter.  umunod ang dating Ateneo Blue Eagle Joe Obasa na may 13 at apat sa anim ng Malaysia sa fourth quarter. 


Haharapin sunod ng Strong Group ang Future Sports ng Estados Unidos ngayong Huwebes simula 1:00 ng hapon.  


Ang Strong Group at Chinese-Taipei Blue na lang ang nalalabing walang talo sa siyam na koponan. Ang may pinakamataas kartada ang idedeklarang kampeon at nagkataon na ang dalawang nangungunang koponan ang maghaharap sa ika-36 at huling laro ng torneo sa Hulyo 21.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page