top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | July 26, 2024



Sports News
Photo: Si Mason Amos ang aasahan ng kanyang bagong koponan. (onesportspix)

Mas lalo pang paiigtingin ang mahigpit na magkaribal sa collegiate basketball na De La Salle Green Archers at Ateneo Blue Eagles sa paglipat ni Gilas Pilipinas forward Mason Amos sa Taft-based ball squad kasunod ng panibagong pahayag nitong hindi pagiging masaya sa dating koponan.


Inamin ng 6-foot-7 stretch forward na maaaring magdulot ng mainit na usapin pagdating sa mga alumnis, Ateneo community at mga supporters ang panibagong litanya sa kadahilanan ng pag-alis sa Katipunan upang hanapin ang bagong tahanan sa defending at reigning University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball champions na La Salle.  


Ayon sa isang report, sinabi ni Amos ang kanyang rason sa kontrobersyal na pagtalon sa mahigpit na karibal matapos ang isang season lamang sa Ateneo, kung saan nabigong makapasok sa Finals ang koponan matapos malaglag sa Final 4 kontra sa back-to-back runner-up na University of the Philippines Fighting Maroons.


Mentally it was draining for me. I’m just gonna be honest about it.  I wasn’t happy there. That’s really the bottom line for me. I don’t want to be somewhere where I’m not enjoying it,” There’s a lot of reasons why I left, but I’ll save that for another time,” paglalahad ni Amos sa panayam ng TV5.


Nauna ng naglabas ng kanyang mainit na pasasalamat ang Filipino-Australian sa kanyang mga dating kakampi at coaches sa social media na papahalagahan ang naging pagsasama at mga nakuhang karanasan at natutunan sa isang taong pamamalagi sa Katipunan-based squad.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 24, 2024



Sports News

Laro ngayong Sabado – Decathlon Arena

5 PM Australia vs. Espanya

7:30 PM Alemanya vs. Japan

11:15 PM Pransiya vs. Brazil

3 AM Gresya vs. Canada (Linggo) 


Isinalba muli ni LeBron James ang Team USA laban sa 2023 FIBA World Cup kampeon Alemanya, 92-86, sa pagtatapos ng USA Basketball Showcase Martes sa O2 Arena ng London. Winalis ng mga Amerikano ang lima nilang laro papasok sa Paris 2024 Olympics na magbubukas ngayong Biyernes. 


Bumira ng 3-points at isa pang buslo si LBJ upang lumayo ang mga Amerikano, 92-84, at 45 segundo ang nalalabi. Mula roon ay hinigpitan ang depensa at naka-shoot na lang ang mga Aleman bago tumunog ang huling busina. Nagtapos si LBJ na may 20 puntos at tumulong sina Joel Embiid na may 15 at Stephen Curry na may 13. Nag-ambag ng 11 si Anthony Edwards at tig-10 sina Jrue Holiday at Anthony Davis.


Nanguna sa Alemanya sina Franz Wagner na may 22 at Daniel Theis na may 20. Haharapin ng mga Aleman ang Japan, Brazil at host Pransiya sa Grupo B ng Olympics. Sunod-sunod na tinalo ng Team USA ang Canada (86-72), Australia (98-92), Serbia (105-79) at Timog Sudan (101-100) bilang bahagi ng paghahanda sa pagtatanggol nila sa gintong medalya. Nabunot ang mga Amerikano sa Grupo C kasama ang Puerto Rico at maghaharap muli sa Serbia at Timog Sudan habang nasa Grupo A ang Canada, Australia, Gresya at Espanya. 


Bago ang laro, iginawad kay LBJ ang karangalan na magdala ng watawat ng U.S. sa pambungad na seremonya, ang una ay galing sa Men’s Basketball. Malalaman pa kung sino ang atletang babae na makakasama niya. 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 24, 2024



Sports News

Dinomina ng Gilas Pilipinas ang Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Qualifiers sa MABA Stadium ng Kuala Lumpur na nagwakas noong Linggo upang maselyuhan ang kanilang tiket patungong 2024 FIBA Under-18 Asia Cup sa Amman, Jordan ngayong Set. 2 hanggang 9. Madaling ipinanalo ng mga Pinoy ang tatlo nilang laro laban sa host Malaysia (97-71), Thailand (87-53) at Indonesia (87-64). 


Pinangunahan ang Batang Gilas ni Andy Gemao kasama sina Joaquin Ludovice, Marc Daniel Burgos, Drei Lorenzo, Earl Medina, Wilhelm Cabonilas, Charles Esteban, Justin Hunter, Hans Castillejos, Carl Manding, Jericho Santos at Mark Esperanza. Head Coach si Josh Reyes kasama ang mga assistant Allen Ricardo, Allan Albano, Dean Castano, Roberts Labagala at JB Sison. 


Nakuha ng Indonesia ang isa pang tiket ng Timog Silangang Asya patungong Amman.  Naunang nakapasok sa torneo ang host Jordan, defending champion Timog Korea, Iran at Lebanon ng Kanlurang Asya, Kazakhstan ng Gitnang Asya, India ng Timog Asya, Tsina, Japan, Mongolia at Chinese-Taipei ng Silangang Asya, Australia at Aotearoa New Zealand ng Oceania at dalawa pang kinatawan mula sa tinatapos na Gulf Basketball Association Qualifier sa Kuwait. 


Ang apat na aabot ng semifinals ay tutuloy sa 2025 FIBA Under-19 World Cup sa Switzerland. Huling lumahok ang Pilipinas noong 2019 edisyon sa Gresya sa bisa ng pagtatapos sa pang-apat sa 2018 Under-18 Asia Cup sa Thailand, ang pinakamataas sa 36 taon. 


Kampeon ang Pilipinas sa unang limang torneo mula 1970 hanggang 1978 noong ito pa ay kilala bilang Asian Basketball Confederation Youth Championship. Naagaw ng Tsina ang korona noong 1980 sa Thailand subalit nabawi ito sa kanila noong 1982 sa Araneta Coliseum at hindi na nasundan.  

 
 
RECOMMENDED
bottom of page