top of page
Search

ni Jeff Tumbado | May 31, 2023




Mahigit 11,000 indibidwal ang labis na apektado sa paghagupit ng Bagyong Betty sa bansa.


Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) base sa pinakahuling update na kanilang natanggap kahapon.


Nasa kabuuang 11,264 katao o 2,859 pamilya mula sa 55 barangay sa Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon), Region 6 (Western Visayas), Region 7 (Central Visayas) at Mimaropa (Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan).


Sa naturang bilang, nasa 5,488 residente ang isinailalim sa paglilikas sa 21 evacuation centers habang nasa 3,864 ang nawalan ng tirahan.


Samantala, naantala rin ang operasyon ng 47 seaports, habang 121 flights, 104 domestic, at 17 international flights ang nagkansela bunsod ng sama ng panahon.


 
 

ni BRT | May 29, 2023




Ipinatupad ang liquor ban sa buong probinsiya ng Isabela, na nasa ilalim ng Signal No. 1 bunsod ng Bagyong Betty.


Pinaiiral na rin ang no sail policy, lalo sa mga coastal municipality gaya ng Palanan, Maconacon, Divilacan at Dinapigue.


Ayon sa Palanan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, "rough to very rough" ang sitwasyon sa kanilang dagat kahapon.


Naabisuhan naman na ang mga barangay official na magpatupad ng preventive evacuation sa mga residenteng nakatira malapit sa dagat.


Samantala, sa Cagayan, ramdam na ang epekto ng Bagyong Betty sa ilang bayan.


Ayon sa Cagayan Provincial Information Office, nakaranas na rin ng manaka-nakang buhos ng ulan at pagbugso ng hangin sa Sanchez Mira, Abulug at Allacapan.


Patuloy umano ang monitoring ng mga local disaster unit sa sitwasyon ng mga bahaing lugar.


Naka-monitor na rin ang Philippine Coast Guard sa sitwasyon sa mga tabing-dagat na lugar gaya ng Aparri, kung saan nagsimula nang makaranas ng maalon na lagay ng dagat.


Sa Solana, nagpatupad na rin ng liquor ban ang lokal na pamahalaan.


 
 

ni Jeff Tumbado | May 25, 2023




Nakalatag na ang ikakasang malawakang preemptive evacuations sa mga baybayin ng Batanes at ilang lugar pa sa Cagayan habang nalalapit sa bansa ang Bagyong Mawar.


Ito ang siniguro ng Office of the Civil Defense (OCD) base na rin sa iniulat sa kanila ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon.


“Based sa forecast, kasi itong tinutumbok n'yan Batanes and parts of Cagayan so possibility pa lang na magkaroon ng preemptive,” pahayag ni OCD spokesperson Assistant Secretary Bernardo Alejandro IV.


Ang posibleng panahon para sa paglilikas sa mga maaapektuhang residente ay nararapat isagawa bago sumapit ang weekend.


Gayunman, sinabi ni Alejandro na ang local disaster risk reduction and management councils sa nakakasakop na lugar ang dapat manguna sa paglilikas sa mas ligtas na lugar.


Nakahanda na rin o nasa “prepositioned” na sa Batanes at Cagayan ang karagdagang supply mula sa Central Luzon.


Samantala, sinabi ng PAGASA na humina ang pagkilos ni Mawar habang nasa labas ito ng Philippine area of responsibility (PAR) kahapon araw ng Miyerkules pero asahan pa rin itong lumakas habang papasok ng bansa.


“‘'Yung binabantayan natin na si dating super typhoon Mawar na nasa labas pa rin ng Philippine area of responsibility... humina ang intensity nito at naging isang typhoon category na lamang,” ayon kay Rhea Torres, weather monitoring chief ng Pagasa.


“Ngunit nag-a-undergo ito o dumadaan sa tinatawag nating eyewall replacement cycle, ibig sabihin bahagyang hihina po ito or posible o mataas ang tsansa na lalakas o babalik ito into a super typhoon category within 24 hours,” dagdag pa nito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page