sa botikang hindi niya pinagtatrabahuhan
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 30, 2022
Dear Chief Acosta,
Napag-alaman ko po na pinaskil at ginagamit ng aking tiyahin ang aking certificate of registration bilang isang pharmacist sa kanyang botika, kahit na hindi naman ako roon nagtatrabaho. Ano po ang maaaring maging kaparusahan niya sa paggamit ng aking lisensya?
Misa
Dear Misa,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 45 ng Republic Act (R. A.) No. 10981, o kilala rin sa tawag na “Philippine Pharmacy Act,” kung saan nakasaad na:
“Section 45. Penal Provisions. - Any person who shall commit any of the following acts shall, upon conviction, be sentenced to pay a fine of not less than two hundred fifty thousand pesos (₱250,000), but not exceeding five hundred thousand pesos (₱500,000) or imprisonment of not less than one (1) year and one (1) day but not more than six (6) years, or both, at the discretion of the court: x x x;
(c) Displaying of the pharmacist’s COR by pharmacy owners/operators in a pharmaceutical establishment where the pharmacist is not employed and practicing;” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit, ang isang taong dini-display sa isang establisimyento ang certificate of registration ng isang pharmacist, na hindi naman nagtatrabaho sa nasabing establisimyento, ay maaaring maparusahan ng pagbabayad ng fine na hindi bababa sa dalawandaan at limampung libong piso (₱250,000) at hindi lalagpas sa limandaang libong piso (₱500,000) o / at pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon at isang araw ngunit hindi lalagpas sa anim na taon, sang-ayon sa magiging desisyon ng korte. Kaya naman, maaaring maparusahan ng mga nabanggit na kaparusahan ang inyong tiyahin dahil sa pagpaskil niya ng inyong certificate of registration sa kanyang botika, kahit na kayo ay hindi naman nagtatrabaho roon.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


