top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 1, 2022


Dear Chief Acosta,


Kung sakaling mahuli ko sa akto ang aking live-in partner na nakikipagtalik sa ibang babae, maaari po ba akong makulong kung sakaling sila ay mapatay ko?


Phoebe

Dear Phoebe,


Para sa inyong kaalaman, ayon sa Article 247 of the Revised Penal Code:

“Any legally married person who having surprised his spouse in the act of committing sexual intercourse with another person, shall kill any of them or both of them in the act or immediately thereafter, or shall inflict upon them any serious physical injury, shall suffer the penalty of destierro.


If he shall inflict upon them physical injuries of any other kind, he shall be exempt from punishment.” (Binigyang-diin)

Ibig sabihin, kinakailangan na kayo ay legal na mag-asawa at hindi nagsasama lamang upang kayo ay hindi mapatawan ng parusang pagkakakulong sa nangyaring pagpatay.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

Law of 2022


ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 29, 2022


Marami sa ating mga kababayan ang nagsasabi na ang pormal na pag-aampon diumano ay para lamang sa mga mayayaman o sa mga may kakayahang makapagbayad sa isang abogado.


Sa katunayan, hindi naman ito mahirap intindihin sapagkat bukod sa nasabing kadahilanan, tunay na isang malaking dagok para sa ilan nating mga kababayan ang malaman pa lamang na kailangan pang padaanin ang pag-aampon sa korte.


Kaya naman maituturing na pagtugon sa pangangailangan ng panahon ang kamakailan lamang na pagsasabatas ng Republic Act (R. A.) No. 11642 o mas kilala sa tawag na “Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act of 2022,” na siyang naging sagot at solusyon sa mga nabanggit na pagsubok sa legal na proseso ng pag-aampon.


Layunin ng batas na ito na mas maprotektahan at mapangalagaan ang kapakanan ng mga bata at mas lubos na mapaigting ang bawat pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapadali at pagpapasimple ng proseso ng pag-aampon.


Ayon sa nabanggit na batas, ang isang bata na idineklarang “child available for adoption,” at makaraan ang tinatawag na “Supervised Trial Custody” sa mga angkop na sitwasyon, ay maaari nang ipetisyon para sa administratibong proseso ng pag-aampon. Alinsunod sa Seksyon 30 at 31 ng nasabing batas, ang petisyon mula sa mga “Prospective Adoptive Parent/s (PAP)” o mag-aampon ay dapat mailahad ang mga sumusunod:


a) Ang PAP o mag-aampon ay isang Filipino citizen na may edad na hindi bababa sa dalawampu't limang (25) taong gulang;

b) Mayroong buong sibil na kapasidad at mga legal na karapatan;

c) Mayroong mabuting moral na katangian at hindi nahatulan ng anumang krimen na may kinalaman sa moral turpitude;

d) Mayroong emosyonal at sikolohikal na kakayahang mag-alaga ng isang bata;

e) Mas matanda nang hindi bababa sa labing-anim na taon (16) kaysa sa batang inampon, maliban na lamang kung ang PAP o mag-aampon ay ang:

1. Biyolohikal na magulang ng inampon; o

2. Asawa ng magulang ng ampon;

f) At panghuli, ay nasa posisyon upang suportahan at pangalagaan ang mga bata matapos sumailalaim sa mga tinatawag na pre-adoption services. (Seksyon 21 at 30 ng R.A. No. 11642)


Ang nasabing petisyon ay ginagawa sa pamamagitan ng isang affidavit o sinumpaang salaysay — kalakip ang mga dokumento na sumusuporta sa mga alegasyon sa petisyon. (Paki tingnan ang Seksyon 24 at 30, R.A. No. 11642.) Dahil dito, kapansin-pansin na sadyang mas pinasimple ng bagong batas ang pag-aampon sapagkat bukod sa administratibo ang prosesong ito, may mandato din ang National Authority for Child Care (NACC) na bumalangkas at gumawa ng opisyal, uniporme, at karaniwan na form para sa mga kinakailangan na dokumentong magbibigay suporta sa petisyon.


Ang petisyon ay isinusumite ng PAP sa Regional Alternative Child Care Office (RACCO) na nakasasakop sa lungsod o munisipalidad kung saan nakatira ang PAP o mag-aampon. (Paki tingnan ang Seksyon 31 ng R.A. No. 11642.) Matapos makumpleto ang mga nabanggit at maisumite ang petisyon, ang Deputy Director for Services ng NACC ay kinakailangang maglabas ng desisyon sa loob lamang ng animnapung araw (60) mula sa pagtanggap ng rekomendasyon ng RACCO sa petisyon.


Ang batas na ito ay hindi lamang mas pinasimple ang proseso ng adoption, kundi mas pinabilis din dahil sa pagkakaroon nito ng tinatawag na – “out of court at localized character of adoption.” Sa katunayan, para sa mga mahihirap o indigent nating kababayan, itinalaga rin ng batas na ito ang ating ahensiya, ang Public Attorney’s Office (PAO) na magbigay ng tulong legal tulad ng pagnonotaryo ng mga sinumpaang salaysay o affidavit kaugnay sa petisyon. (Seksyon 40 ng R.A. No. 11642).


Bukod sa mga nabanggit, nararapat din mabigyan ng atensiyon ang mga sumusunod na probisyon ng R. A. No. 11642:


a) Paghihikayat sa mga aktibidad na may temang adoption;

b) Pagkakaroon ng mandatory disclosure ng adoption sa inampon bago pa nito maabot ang edad na labing-tatlong (13) taon gulang (Paki tingnan ang Seksyon 19 ng R.A. No. 11642)

c) Pagkakaloob ng paid paternity at maternity leave benefits sa mga nag-ampon na magulang (Seksyon 36 ng R.A. No. 11642)

d) Pagkakaroon ng post-adoption services upang mas maunawaan at masubaybayan ang bagong pamilya; at

e) Ang pagpapataw ng kaparusahan sa mga diskriminasyon na may kaugnayan sa pag-aampon o adoption. (Seksyon 54 ng R.A. No. 11642)


Sa kabuuan, ating makikita na ang bagong batas na ito ay hindi lamang tumugon sa proseso ng adoption, at bagkus, maging ang mga pangangailangan ng nag-aampon at ng mga bata — bago at matapos ang proseso ng adoption.


Kaya naman sa tulong ng mas pinadali at pinasimpleng proseso ng adoption, ang karapatan sa isang buo at mapagkalingang pamilya — na sadyang sumasalamin sa bawat pamilyang Pilipino ay tunay na mas napagtibay. Samakatuwid, ang bagong bukas ay mas abot-kamay na sa pamamagitan ng pagpapalakas at pagkilala sa mga karapatan ng bawat bata at taong nagnanais na maging magulang.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 28, 2022


Dear Chief Acosta,

Ako po ay ikinasal noong 1986. Sa loob ng halos 36 na taon na pagsasama namin ng aking asawa ay nakapagpundar kami ng mga ari-arian. Napag-alaman ko noong nakaraang taon na ang isa sa mga lupain na aming naipundar ay kanyang ipinagbili nang hindi ipinapaalam sa akin.


Ano po ang maaari kong gawin?


Lucy

Dear Lucy,

Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay binigyang-linaw ng Republic Act (R. A.) No. 386 o ang New Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Articles 153 at 173 ng batas na ito na:

“Article 153. The following are conjugal partnership property:

(1) That which is acquired by onerous title during the marriage at the expense of the common fund, whether the acquisition be for the partnership, or for only one of the spouses;

(2) That which is obtained by the industry, or work, or as salary of the spouses, or of either of them;

(3) The fruits, rents or interests received or due during the marriage, coming from the common property or from the exclusive property of each spouse. xxx

Article 173. The wife may, during the marriage, and within ten years from the transaction questioned, ask the courts for the annulment of any contract of the husband entered into without her consent, when such consent is required, or any act or contract of the husband which tends to defraud her or impair her interest in the conjugal partnership property. Should the wife fail to exercise this right, she or her heirs, after the dissolution of the marriage, may demand the value of property fraudulently alienated by the husband.” (Binigyang-diin)

Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, at sa kadahilanang kayo ay ikinasal noong 1986, na kung saan ang probisyon ng New Civil Code ang umiiral, ang lahat ng ari-arian na inyong naipundar habang kayo ay kasal, ay maituturing na conjugal partnership property, na kung saan kayong mag-asawa ay parehong may karapatan sa mga nasabing ari-arian.


Kaugnay nito, at sa kadahilanang ipinagbili ng inyong asawa ang isa sa inyong mga ari-arian nang lingid sa inyong kaalaman, maaari kayong magsampa ng kaukulang kaso sa korte upang ipawalang-bisa ang nasabing bilihan, habang ang inyong kasal ay may bisa pa, at sa loob ng sampung (10) taon mula nang naganap ang bilihan o transaksyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page