top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 19, 2022


Dear Chief Acosta,


Nakatakdang mag-renew ng lisensya sa pagmamaneho ng sasakyan ang aking kapatid. Mapapaso na kasi ang dati niyang lisensya next month, kung kaya naghahanda na siya sa pagkuha ng bagong lisensya. Sa kanyang paghahanda ay nakatanggap siya ng magkakaibang mga payo at detalye tungkol sa hangganan ng bisa ng kanyang magiging bagong lisensya. May mga nagsabi diumano kasi sa kanya na sampung taon na ang bisa ng mga bagong lisensya, habang may mga nagsabi naman na limang taon lang ang bisa nito. Nalilito kami kung gaano ba talaga katagal? Ito ba ay may kinalaman kung professional o non-professional ang uri ng lisensyang kinuha? Sa naaalala diumano kasi ng kapatid ko ay tatlong taon lang ang bisa ng lisensya. May batas ba na nagbibigay ng batayan ng hangganan ng bisa ng mga lisensya? - Sean

Dear Sean,


Bilang sagot sa iyong katanungan, tayo ay sasangguni sa Republic Act No. 10930 (RA 10930) na siyang batas na nagsasaayos at nagpapalakas ng panuntunan sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho. Kabilang sa mga nilalaman ng batas ay ang pagpapahaba ng hangganan ng bisa ng mga lisensya. Ipinasa ang batas bilang bahagi ng adhikain ng Estado sa pagtatatag ng mga alituntunin na magpapadali sa paglapit at pagsasaayos ng serbisyo ng gobyerno sa aspeto ng transportasyon. (Sec. 1)


Kaugnay sa iyong katanungan, binago ng batas ang probisyon ng lumang batas sa ilalim ng Sec. 23 ng Republic Act No 4136, na kilala bilang “Land Transportation and Traffic Code”, tungkol sa paglalabas ng mga bagong lisensya at hangganan ng bisa ng mga ito. Naglabas ang Kagawaran ng Transportasyon o Department of Transportation ng Implementing Rules and Regulation (IRR) ng RA 10930 na naglalaman ng pagbabago sa lumang batas para ihayag na:


“Section 6. Validity of Driver’s License. - Except for the student-driver’s permits, all drivers’ licenses shall be valid for five years reckoned from the birthdate of the licensee, unless sooner revoked or suspended. Provided, however, That subject to Section 26 of Republic Act No. 4136, as amended by Batas Pambansa Blg. 398, any holder of a professional or nonprofessional driver's license who has not committed any violation of Republic Act No.4 L36 and other traffic laws, rules and regulations shall be entitled to a renewal of such license for ten years.


Batay sa nabanggit na batas, pinalawig ang hangganan ng bisa ng lisensya para umabot sa sampu o limang taon mula sa buwan at araw ng kapanganakan ng aplikante, kumpara sa nakaraang tatlong taon lamang na bisa ng mga lisensya. Dagdag pa rito, nakasaad din sa batas na ang hangganan ay para sa lahat ng uri ng lisensya sa pagmamaneho, maging professional o non-professional man.


Ang batayan naman kung sampu o limang taon ang bisa ng lisensya ay batay sa kung mayroong tala ng paglabag ng batas pantrapiko ang may-ari ng lisensya. Sampung taon ang ibinibigay na taning ng bisa ng lisensya para sa mga walang tala ng paglabag, habang limang taon ang tagal ng bisa ng lisensya para sa mga may tala ng paglabag. (Ibid.) Mula rito, makikita na mas makikinabang ang mga walang paglabag sa batas trapiko sa pagkuha ng mas mahabang bisa ng lisensya, bilang kapalit na rin ito sa kanilang pagsunod sa batas-trapiko.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 11, 2022


Dear Chief Acosta,


Ako ay kumuha ng loan sa bangko, ngunit hindi ako napagbigyan sapagkat base diumano sa credit history ko sa isa pang bangko na aking nautangan noong nakaraang taon ay hindi ako nakapasa sa kanilang pamantayan. Nais kong malaman kung tama ba ang ginawa ng bangko na nauna kong nautangan na ibigay ang aking impormasyon? - Ria


Dear Ria,


Para sa iyong kaalaman, ang iyong katanungan ay binigyang-linaw ng Section 13 ng Republic Act (R.A.) No. 10173 o kinikilala bilang “Data Privacy Act of 2012,” at ng Section 4 ng Republic Act No. 9510 o kinikilala bilang “Credit Information System Act” na nagsasabing:


Section. 13. Sensitive Personal Information and Privileged Information. – The processing of sensitive personal information and privileged information shall be prohibited, except in the following cases:


(b) The processing of the same is provided for by existing laws and regulations: Provided, That such regulatory enactments guarantee the protection of the sensitive personal information and the privileged information: Provided, further, That the consent of the data subjects are not required by law or regulation permitting the processing of the sensitive personal information or the privileged information;


xxx xxx xxx


Section 4. Establishment of the Credit Information System. - In furtherance of the policy set forth in Section 2 of this Act, a credit information system is hereby established.


a. Banks, quasi-banks, their subsidiaries and affiliates, life insurance companies, credit card companies and other entities that provide credit facilities are required to submit basic credit data and updates thereon on a regular basis to the Corporation. xxx

c. Participating submitting entities are required to submit to the Corporation any negative and positive credit information that tends to update and/or correct the credit status of borrowers. The Corporation shall fix the time interval for such submission: Provided, That such interval shall not be less than fifteen (15) working days but not more than thirty (30) working days. xxx


(m) Accessing Entities shall hold strictly confidential any credit information they receive from the Corporation.” (Binigyang-diin)


Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, ang mga bangko ay nararapat na magsumite sa Credit Information Corporation (CIC) ng basic credit data o ang impormasyong ibinigay ng sinumang aplikante o nakatanggap na ng credit facility nito. Sinabi rin ng batas na ang mga accessing entities ay may obligasyong pangalagaan ang impormasyong kanilang matatanggap mula sa CIC. Ibig sabihin, mayroon silang karapatang silipin ang impormasyon mula sa CIC. Kaugnay nito, ang mga bangko na nagsa-submit ng impormasyon sa CIC ay awtorisado ng huli para silipin o buksan ang basic credit information system nito alinsunod sa Section 3 ng R.A. No. 9510.


Ang nasabing impormasyon ay maaaring magamit ng iba pang bangko na awtorisado ng CIC upang malaman ang credit history at financial condition ng sinumang magnanais na makinabang sa credit facility ng isang bangko.


Ito marahil ang dahilan kung paano nalaman ng pangalawang bangkong iyong uutangan ang nauna mong utang sa isa pang bangko. Kung gayon nga, hindi masasabing ilegal ang pagbibigay ng impormasyon ng bangko na una mong inutangan kung binigay niya ito sa CIC dahil alinsunod ito sa tinatakda ng batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 4, 2022


Dear Chief Acosta,


Ang kapatid ko ay hindi nakakapagsalita dahil sa kanyang kapansanan. Noong nakaraang family reunion namin, sa harap ng lahat ng aming mga kamag-anak ay ginaya at pinagtawanan siya ng isa sa aming mga tito. Dahil dito ay napahiya ang aking kapatid. Nang sawayin namin siya, sinabi niyang wala naman siyang ginagawang masama at hindi iyon labag sa batas dahil nagdyo-joke lamang siya. Tama ba ang sinabi niya? - Halen


Dear Halen,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Republic Act (R.A.) No. 7277 o mas kilala sa tawag na “Magna Carta for Disabled Persons”, na inamyendahan ng R.A. No. 9442 kung saan nakasaad na:


“SEC. 39. Public Ridicule. – For purposes of this chapter, public ridicule shall be defined as an act of making fun or contemptuous imitating or making mockery of persons with disability whether in writing, or in words, or in action due to their impairment/s.

SEC. 40. No individual, group or community shall execute any of these acts of ridicule against persons with disability in any time and place which could intimidate or result in loss of self-esteem of the latter.”


Kaugnay nito, naglabas ang ating gobyerno ng Implementing Rules and Regulations upang ipatupad ang R.A. No. 9442, kung saan tahasang nakasaad na:


“RULE V

PROHIBITIONS ON VERBAL, NON-VERBAL RIDICULE AND VILIFICATION AGAINST PERSONS WITH DISABILITY

Section 7. Chapter 1. Deliverance from Public Ridicule For purposes of this Chapter, public ridicule shall be defined as an act of making fun or contemptuous imitating or making mockery of persons with disability whether in writing, or in words, or in action due to their impairment/s. The following constitutes acts of public ridicule:

Making fun of a person on account of his/her disability even through jokes in a manner that is degrading resulting to the embarrassment of the person with disability in front of two or more persons;

Making mockery of a person with disability whether in oral or in writing;


Imitating a person with disability in public gatherings, stage shows, carnivals, television shows, broadcast media and other forms of entertainments that are offensive to the rights and dignity of persons with disability or any other similar acts;” (Binigyang-diin)

Sang-ayon sa nabanggit, ipinagbabawal ng batas na gawing katatawanan ang tao dahil sa kanyang kapansanan, kahit sa pamamagitan ng joke, sa paraang nakakababa ng pagkatao at makakapagpahiya sa kanya sa harap ng dalawa o mas marami pang tao. Gayundin, ang panunuya at panggagaya sa person with disability sa mga pagtitipon, palabas, karnabal at iba pang uri ng aliwan na nakakayurak sa kanyang dignidad ay ipinagbabawal ng batas. Ibig sabihin, mali ang ginawa ng iyong tito dahil ito ay malinaw na hindi naaayon sa batas.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page