top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 27, 2023


Dear Chief Acosta,


Sa kasamaang-palad, ang aking tatlong taong gulang na apo ay maagang naulila nang lubos. Bilang kanyang lola, maaari ko ba siyang legal na ampunin upang ako na lamang ang kanyang maging magulang? - Donalyn


Dear Donalyn,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Sections 4 (hh) at 22 (h) ng Republic Act No. 11642 o mas kilala sa tawag na The Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act, kung saan nakasaad na:


“Section 4. Definition of Terms.

(hh) Relative refers to someone other than family members, within fourth (4th) degree of consanguinity or affinity;


Section 22. Who May be Adopted. – The following may be adopted:

(h) A relative of the adopter.”


(Binigyang-diin)


Sang-ayon sa nabanggit, isa sa mga pinapayagang mag-ampon sa isang naulilang bata ay ang kanyang mga kamag-anak o relative sa loob ng fourth (4th) civil degree of consanguinity o affinity. Ibig sabihin, maaari mong legal na ampunin ang iyong apo, sapagkat ikaw ay relative niya o kamag-anak sa loob ng fourth civil degree of consanguinity o affinity.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 25, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang aking asawa ay naglilingkod sa financing company. Makalipas ang ilang taon ng kanyang paglilingkod ay binigyan siya ng “service vehicle” na may depreciated value na Php 500,000. Nang sumunod na taon, siya ay muling kumuha ng panibagong “service vehicle.” Ngunit dahil mas mataas ang presyo nito ay pinagbayad siya ng “equity” na katumbas ng hihigit sa Php 500,000.


Nang sumunod na taon, nais niya sanang kumuha ng panibagong “service vehicle”, ngunit ang nais na ng kumpanya ay hati sila. Hindi ba ito makokonsiderang paglabag sa prinsipyo ng non-diminution of benefits? - Rima


Dear Rima,


Ang iyong katanungan ay sinagot ng Korte Suprema sa kasong Home Credit Mutual Building and Loan Association v. Ma. Rollette G. Prudent (G.R. No. 200010, Aug 27, 2020, Ponente: Honorable Associate Justice Mario V. Lopez), kung saan sinabi ng Korte Suprema na hindi makokonsiderang diminution of benefits ang “car plan” na hindi pa nag-ripen patungo sa company practice. Ayon sa Korte Suprema:


“(T)he non-diminution rule applies only if the benefit is based on an express policy, a written contract, or has ripened into a practice. In this case, Rollette's claim that the car plan was part of her hiring package was unsubstantiated. Admittedly, Home Credit has no existing car plan at the time Rollette was hired. Rollette's employment contract does not even contain any express provision on her entitlement to a service vehicle at full company cost.


Therefore, it is incongruous for the CA to conclude that the grant of a service vehicle was part of Rollette's hiring package.


Similarly, we find that the car plan has not ripened into a company practice. As a rule, "practice" or "custom" is not a source of a legally demandable or enforceable right. In labor cases, however, benefits which were voluntarily given by the employer, and which have ripened into company practice, are considered as rights and are subject to the non-diminution rule. To be considered a company practice, the benefit must be consistently and deliberately granted by the employer over a long period of time. It requires an indubitable showing that the employer agreed to continue giving the benefit knowing fully well that the employee is not covered by any provision of law or agreement for its payment. The burden to establish that the benefit has ripened into a company practice rests with the employee.


Here, the labor tribunals correctly held that Home Credit's act of giving service vehicles to Rollette has been a company practice - but not as to the non-participation aspect. There was no substantial evidence to prove that the car plan at full company cost had ripened into company practice. Notably, the only time Rollette was given a service vehicle fully paid for by the company was for her first car. For the second vehicle, the company already imposed a maximum limit of P660,000.00 but Rollette never questioned this. She willingly paid for the equity in excess of said limit. Thus, the elements of consistency and deliberateness are not present. (Emphasis Ours)


Sa kaso ng iyong asawa, kailangan niya munang tingnan kung ang pagbibigay ng “service vehicle” ay boluntaryong ibinibigay ng kanyang employer sa loob ng mahabang panahon para maituring itong company practice. Gayundin, kailangang tingnan ang halagang sinasagot ng kanyang employer base sa company practice. Kung mapatutunayan ang mga ito, maaaring ituring na paglabag ng Art. 100 ng Labor Code o ang prinsipyo ng non-diminution of benefits ang nangyari sa iyong asawa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 22, 2023


Sa hirap ng buhay na nararanasan ng mga mamamayang Pilipino ay natututo ang bawat isa upang paghandaan ang kinabukasan ng kanilang mga minamahal sa buhay at kapamilya. Ang naranasang pandemya ng buong sanlibutan ay nagpamulat din sa isipan ng bawat isa na ang buhay ay talagang napakaiksi lamang at kinakailangang paghandaan ang kinabukasan ng mga maiiwang minamahal sa buhay, lalung-lalo na ang mga anak.

Naging prayoridad ng mga magulang ang paghandaan ang mga pangangailangan ng kanilang mga supling para kapag dumating ang araw na mangailangan ang mga ito subalit wala na sila, mayroon silang maaasahan.


Malimit na ang pagkuha ng mga “PRE-NEED PLANS” para mapaghandaan ang anumang panganib o pangangailangan na maaaring dumating sa pamilya.


Ang pre-need plans ay tumutukoy sa mga kontrata, kasunduan, o instrumento para sa kabutihan ng mga planholders na magbibigay ng serbisyo, pagbabayad ng napagkasunduang kabayaran o pagbibigay ng iba pang benepisyo sa araw ng aktwal na pangangailangan o sa napagkasunduang araw (maturity date), kapalit ang pagbayad ng buo (cash) o paghuhulug-hulog (installment) ng katumbas na halaga ng nasabing plan. Kasama rin dito ang mga insurance coverage kagaya ng life, pension, education, at interment.


Ang planholder ay isang tao (natural/juridical) na bumili ng pre-need plan mula sa isang pre-need company para sa kapakinabangan ng mga itinalagang benepisyaryo (beneficiaries).

Upang maprotektahan ang mga pre-need planholders at siguruhing hindi sila malinlang, ipinasa ng Kongreso ang Republic Act (R.A.) No. 9829 o mas kilala sa titulong “Pre-Need Code of the Philippines”. Ayon sa batas na ito, ang isang pre-need company ay kinakailangang magsumite sa Insurance Commission ng “Registration Statement for Sale of Pre-need Plans” sa loob ng apatnapu’t limang (45) araw pagkatapos mabigyan ng lisensya upang makapagnegosyo para sa bawat pre-need plan na balak nitong ibenta sa publiko.

Ito ay aaprubahan lamang ng Insurance Commission kung masusunod ang lahat ng registration requirements na itinalaga ng Komisyon. Maging ang mga sales counselors ay kinakailangang makakuha ng lisensya mula sa Insurance Commission bago sila makapagbenta ng anumang uri ng pre-need plan sa publiko.


Ang mga pre-need plans ay kinakailangang maanunsyo o maipatalastas at maibenta sa publiko nang walang halong panlilinlang.


Nararapat lamang na sabihin ang lahat sa mamimili kung ano ang sakop ng benepisyong matatanggap mula sa nasabing plan. Mayroong kaparusahan ang paglabag sa mga alituntunin na ito at maaaring maging dahilan ng paghahabla ng planholder para mabawi ang perang ibinayad na may kasamang interes.


Bukod pa rito, maaari pang makasuhan ng Komisyon ng kasong kriminal o administratibo ang mga lalabag sa batas.


Kung ang panlilinlang ay isinagawa ng isang pre-need company, ito ay magbabayad ng multang nagkakahalaga ng P100,000.00. Kapag ang paglabag ay naulit, ang nasabing paglabag ay magiging dahilan upang kanselahin ang lisensya ng nasabing kumpanya.


Sakaling ang planholder ay hindi makabayad, siya ay may animnapung (60) araw para bayaran ang mga hindi nito nabayaran.


Ang hindi pagbayad nito ay nangangahulugan na paso na ang kanyang pre-need plan, subalit bibigyan pa rin ang planholder ng palugit na dalawang taon para buhayin ulit ang kanyang plan.


Sa loob ng dalawang taon na ito ay hindi maaaring kanselahin ng pre-need company ang plan. Kailangan din na magbigay ng notice of cancellation sa planholder sa loob ng tatlumpung (30) araw matapos ang palugit na araw para ma-reinstate ang plan bago mapatupad ang kanselasyon ng kontrata.


Karapatan ng bawat planholder na hilingin, pagkatapos na mag-mature ang policy, ang kabayarang katumbas ng benepisyong nakapaloob sa pre-need plan maliban kung ito ay babayaran ng installment. Ang pre-need company ay kinakailangang magbayad sa benepisyaryo sa loob ng 15 araw.


Kapag hindi ito nakapagbayad sa loob ng nasabing panahon, ang planholder ay maaaring maningil ng interes na katumbas ng dalawang beses sa legal rate ng interes, maliban lamang kung ang hindi nito pagbabayad ay dahil sa ang claim ay isang panlilinlang.


Karapatan ng planholder na maghain ng legal na aksyon upang mabawi niya ang kanyang pera sa sandaling nalugi ang pre-need company.


Kapag ang sinasabing pagkalugi ng kumpanya ay isa lamang panloloko, ang planholder ay maaaring maghain ng reklamo laban sa mga opisyal o controlling owners ng kumpanya.


Ang Insurance Commission ang may solong hurisdiksyon at kapangyarihan para dinggin at desisyunan ang lahat ng claims na may kinalaman sa pre-need plans. Kapag ang halaga ng benepisyo ay hindi hihigit sa P100,000.00, ang desisyon ng Komisyon ay magiging pinal at maaari nang ipatupad agad.


Ang desisyon ng Insurance Commission na may kaugnayan sa pag-aayos ng mga claims at maging ng paggamit nito sa kanyang mandato bilang isang regulatory agency ay maaaring iapela sa Court of Appeals ng sinumang naapektuhan ng nasabing desisyon. (Sec. 56, Republic Act No. 9829).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page