top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | February 10, 2023


Ang tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, bukod sa mapanghamon, ay mabigat dalhin sa damdamin at isipan. Isa sa mga dahilan ay ang pagkakaroon namin ng mga kliyente na mga magulang na may mga anak na vaccinees na yumao na at may mga anak din na bagama’t buhay ay may mga nararamdaman na sa kanilang kalusugan.


Binabalikat nila ang tila bangungot na walang humpay na nambabalisa – hindi lamang sa kanilang pagtulog kundi higit pa, kung gising na gising ang kanilang diwa – hinggil sa sinapit ng kanilang mga anak.


Katulad nito ang pakiramdam ng mag-asawang Jerwin at Dina Deang ng Tarlac City, kaugnay sa pagtuturok ng Dengvaxia sa kanilang mga anak na si Joan Deang, at ang kuya niyang survivor na si Danny Boy Deang.


Sabi nina G. at Gng. Deang sa kanilang salaysay, “Labis pa ang pag-aalala namin ngayon dahil ang kuya niya ay nabakunahan din. Labis ang pagdadasal namin na biyayaan siya ng Maykapal ng magandang kalusugan. Mahal na mahal namin ang aming mga anak at hindi na namin kakayanin pa kung mayroong masamang mangyari kay Danny Boy dahil sa hindi nila pag-iingat na pagbabakuna ng Dengvaxia.”


Si Joan, 14, at namatay noong Setyembre 2, 2019. Siya ang ika-146 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic

examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Joan ay tatlong beses na naturukan ng nasabing bakuna sa kanilang paaralan. Una, noong Marso 30, 2016; pangalawa noong Oktubre 18, 2016; at pangatlo noong Hunyo 14, 2017. Ang nasabing pagkakabakuna sa kanya ay walang pahintulot ng kanyang mga magulang, ganundin ang pagkakabakuna sa kanyang kuya na si Danny Boy. Subalit, si Danny Boy ay isang beses lamang naturukan dahil sinabi nito kina G. at Gng Deang na natakot na siyang magpaturok dahil masakit diumano ito. Narito ang kaugnay na detalye hinggil pagkakabakuna kina Joan at Danny Boy, ayon sa kanilang mga magulang,


“Hindi nila ipinaalam sa amin na ang aming dalawang anak ay babakunahan ng Dengvaxia.


Hanggang sa matapos ang pangalawa at pangatlong pagbabakuna ng Dengvaxia kay Joan ay wala pa rin kaming kaalam-alam. Kung nabigyan kami ng pagkakataong malaman kung ano’ng puwedeng maging epekto nito sa aming mga anak, siguradong hindi kami papayag na sila ay mabakunahan ng Dengvaxia, subalit kami ay napagkaitan nito.”


Sa iba’t ibang petsa ng Agosto 2019, narito ang mga naramdaman ni Joan na nagpahirap sa kanyang murang katawan hanggang sa siya ay bawian ng buhay:


  • Agosto 17 - Ligo siya nang ligo. Napansin din ito ng kanyang mga magulang. Anila, “Taliwas sa dating masunuring pag-uugali ng aming anak, biglang tumigas ang kanyang ulo nang araw na ‘yun. Nagpatuloy ang pag-uugali niyang ito ng mga sumunod na araw.”

  • Agosto 23 - May lagnat siya. Hindi niya rin nakikilala ang kanyang mga magulang. Masakit ang kanyang ulo, tiyan at kasu-kasuan. Masakit din ang kanyang mga paa kung ilalakad niya ang mga ito, kaya kailangan siyang alalayan sa paglalakad. Dinala siya sa isang barangay health center sa Tarlac. Ayon sa health worker na tumingin sa kanya, may lagnat at pasma lang siya. Siya ay niresetahan ng paracetamol at bumuti naman ang kanyang pakiramdam matapos niyang uminom ng gamot.

  • Agosto 24 - Bumalik ang kanyang lagnat. Hirap din siyang ilakad ang kanang bahagi ng kanyang paa. Pinainom ulit siya ng paracetamol, subalit hindi na bumuti ang kanyang kalagayan.

  • Agosto 27 - Dinala siya sa isang ospital sa Tarlac. Masakit ang kanyang buong katawan. Isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri. Agad siyang dinala sa intensive care unit (ICU) ng ospital dahil hirap siyang huminga.

  • Agosto 28 at 29 - Hindi na siya makakain. Siya rin ay comatose na at kinabukasan, walang nagbago sa kanyang kalagayan. Ayon sa doktor, kailangan siyang operahan sa ulo dahil nagkatubig ang kanyang utak. Nakatakda siyang operahan noong Setyembre 2, 2019.

  • Agosto 30 hanggang Setyembre 2 - Malala pa rin ang kanyang kondisyon. Hindi nawala ang mataas niyang lagnat sa mga nasabing araw at hindi na rin siya nagising. Alas-2:00 ng hapon noong Setyembre 2, 2019, nang bigla siyang nahirapang huminga. Tutubuhan dapat siya, pero hindi pumayag ang kanyang mga magulang. Naging kritikal ang kanyang kalagayan at pagsapit ng alas-3:00 ng hapon, tuluyan na siyang pumanaw.


“Noong namatay ang aming anak, aming tinanong ang doktor kung ano ang sanhi ng kanyang pagpanaw, subalit hindi kami nasagot ng doktor. Napakasakit para sa aming pamilya ang dagliang pagpanaw ni Joan. Wala siyang naging malalang sakit at hindi kailanman nagkaroon ng karamdaman na nangailangan siyang dalhin sa ospital, maliban lamang nitong kamakailan kung saan siya ay pumanaw. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia vaccine na ito sa aming anak na si Joan sa kuya niyang si Danny Boy at iba pang mga bata.


“Kung hindi nabakunahan si Joan, marahil ay nabubuhay pa siya ngayon, kaya kinakailangan na may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna kay Joan.


Dapat lang na managot sila sa kanilang kapabayaan.”


Nilapitan ng mag-asawang Deang ang PAO at PAO Forensic Team upang makatulong sa kanila na mapanagot sa batas ang mga kinauukulan. Kami naman ay dagling tumugon at patuloy na tumutulong sa mga aspetong kailangan pa rin ang aming serbisyo. Ang malusog, maliksi, at marunong sa gawaing bahay na si Joan noong siya ay nabubuhay ay hindi na maibabalik pa.


Ang kanyang paglisan ay dagok sa kanyang pamilya na kahit sa matagal na panahon ay hindi na makakalimutan, sapagkat buhay ang nawala— buhay ng isang batang marami pa sanang pangarap na tutuparin. At dahil dito, lalong nararapat na mapanagot ang mga hindi nagbigay-halaga sa naging desisyon ng mag-asawang Deang para sa kanilang mga menor-de-edad na anak hinggil sa pagtuturok ng nasabing bakuna.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 9, 2023


Dear Chief Acosta,


Mayroon bang pinagkaiba ang resignation at constructive illegal dismissal? Nagbitiw kasi sa trabaho ang aking nobya dahil may hindi siya kasundo sa kanilang opisina at hindi na rin diumano akma sa prinsipyo niya ang ilan sa mga nangyayari sa kanilang trabaho. Nag-turn over siya ng trabaho nang maayos bago ang huling araw niya ng pagpasok. Sabi kasi ng kaibigan niya, maaari diumano siyang magreklamo ng constructive illegal dismissal, ngunit sa palagay ko ay hindi uubra ito dahil kusa naman siyang nag-resign.


Gusto kong payuhan ang nobya ko dahil baka mauwi lamang sa wala kung magrereklamo siya. –Juben



Dear Juben,


Hindi lingid sa kaalaman nating lahat na wala naman talagang perpektong trabaho. Hindi rin lahat ng trabaho, kumpanya o organisasyon, kabilang ang ating mga makakatrabaho ay may prinsipyo na kahanay ng ating mga prinsipyo. Maraming mga posibleng sanhi nito, ngunit nasa atin pa rin kung paano natin tatanggapin at haharapin ang pagkakaibang ito.


Kung sadyang hindi akma ang personal na paniniwala ng manggagawa sa mga bagay na may kaugnayan sa kanyang trabaho, binibigyan siya ng ating batas ng pagkakataon sa pamamagitan ng resignation, na legal na umalis sa kanyang pinapasukan. Ito ay upang makahanap siya ng ibang trabaho o pagkakakitaan na magbibigay sa kanya ng sense of fulfillment o higit na katuparan ng kanyang mga mithiin at pangarap. Sa ilalim ng Artikulo 300 ng Labor Code of the Philippines, as amended,


“ART. 300. (285) Termination by employee. - (a) An employee may terminate without just cause the employee-employer relationship by serving a written notice on the employer at least one (1) month in advance. The employer upon whom no such notice was served may hold the employee liable for damages.”


Sa kabilang banda, kung ang mga akto o pakikitungo ng employer ay sobrang taliwas, hindi lamang sa karaniwang prinsipyo kundi pati na rin sa iniaatang ng ating mga batas, na sadyang wala nang ibang option ang manggagawa kundi magbitiw na lamang, ito ay maaaring maikonsidera na constructive illegal dismissal. Para sa higit na kaalaman ng pagkakaiba ng resignation at constructive illegal dismissal, ipinaliwanag sa kasong Panasonic Manufacturing Philippines Corp. (formerly Matsushita Electric Philippines Corp.) vs. John Peckson (G.R. No. 206316, March 20, 2019), sa panulat ni Kagalang-galang na dating Associate Justice Andres B. Reyes, Jr.:


“Constructive dismissal vis-a-vis its relation to forced or voluntary resignation, was discussed in Gan v. Galderma Philippines, Inc., et al. to wit:


Constructive dismissal is defined as quitting or cessation of work because continued employment is rendered impossible, unreasonable or unlikely; when there is a demotion in rank or a diminution of pay and other benefits. It exists if an act of clear discrimination, insensibility, or disdain by an employer becomes so unbearable on the part of the employee that it could foreclose any choice by him except to forego his continued employment. There is involuntary resignation due to the harsh, hostile, and unfavorable conditions set by the employer. The test of constructive dismissal is whether a reasonable person in the employee's position would have felt compelled to give up his employment/position under the circumstances.


On the other hand, "[r]esignation is the voluntary act of an employee who is in a situation where one believes that personal reasons cannot be sacrificed in favor of the exigency of the service, and one has no other choice but to dissociate oneself from employment. It is a formal pronouncement or relinquishment of an office, with the intention of relinquishing the office accompanied by the act of relinquishment. As the intent to relinquish must concur with the overt act of relinquishment, the acts of the employee before and after the alleged resignation must be considered in determining whether lie or she, in fact, intended to sever his or her employment.”


Naibahagi mo sa iyong sulat na kusang nag-resign sa trabaho ang nobya mo dahil may hindi siya kasundo at hindi na rin akma sa prinsipyo niya ang ilan sa mga nangyayari sa kanyang trabaho. Subalit tila hindi siya ginipit ng kanyang employer upang mapilitan siyang magbitiw.


Maliban dito, inihabilin niya nang maayos ang trabaho niya bago ang kanyang huling araw ng pagpasok. Ang mga ito ay makokonsidera bilang mga indikasyon ng boluntaryong pagbibitiw o resignation, at taliwas sa constructive illegal dismissal.


Gayunman, kung isusulong niya ang paghahain ng reklamo ay kinakailangang mayroon siyang maipakita na angkop at sapat na ebidensya hinggil dito, alinsunod sa mga aspeto ng constructive illegal dismissal na nabanggit sa itaas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 8, 2023


Dear Chief Acosta,


Taun-taon ay tumatanggap ako ng limang araw na vacation leave na may suweldo sa aking amo. Mas kaunti ito kumpara sa mga kaibigan ko na nakakatanggap ng parehong benepisyo na sampung araw kada taon. Ang iba ko pang kaibigan ay walang vacation leave, ngunit tumatanggap sila ng Service Incentive Leave. Hiniling ko ito sa aking amo, pero tumanggi siyang ibigay dahil natatanggap ko na diumano ang parehong benepisyo. May karapatan ba ako sa Service Incentive Leave? – Rodrigo


Dear Rodrigo,


Nakasaad sa Artikulo 95 (b), Kabanata III, ng Labor Code of the Philippines, kung kailan ang isang empleyado ay hindi karapat-dapat sa Service Incentive Leave:


“Article 95. Right to Service Incentive Leave – (a) Every employee who has rendered at least one year of service shall be entitled to a yearly service incentive leave of five days with pay.


(b) This provision shall not apply to those who are already enjoying the benefit herein provided, those enjoying vacation leave with pay of at least five days and those employed in establishments regularly employing less than ten employees or in establishments exempted from granting this benefit by the Secretary of Labor and Employment after considering the viability or financial condition of such establishment.”


Sa pangkalahatan, ang bawat empleyado na nagbigay ng hindi bababa sa isang taon ng serbisyo ay may karapatan sa taunang Service Incentive Leave na limang araw na may bayad. Ang taliwas sa panuntunan ay kapag ang isang empleyado ay tumatanggap na ng limang araw na vacation leave na may suweldo.


Batay sa iyong salaysay, nakakatanggap ka ng limang araw na vacation leave na may suweldo mula sa iyong amo bawat taon. Samakatuwid, batay sa nabanggit na batas, hindi ka karapat-dapat na makakuha ng Service Incentive Leave dahil nakatatanggap ka ng limang araw na vacation leave na may suweldo taun-taon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page