top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 19, 2023


Sa ating tradisyon, ang huling respeto na ating inihahandog sa ating mga mahal sa buhay ay iyong sila ay ating maipalibing at madala sa kanilang huling hantungan nang maayos. Subalit, may mga pagkakataon na dahil sa mga pangyayari sa ating buhay ay nagkakaroon ng usapin ukol sa kung sino ang may karapatang maglibing sa isang mahal sa buhay. Ang ating batas ay mayroong sinasabi ukol dito kung sakaling dumating ang panahon na ito ay magiging isang usapin. Nakasaad sa Article 305, Title X ng ating New Civil Code ang mga sumusunod:


“Art. 305. The duty and the right to make arrangements for the funeral of a relative shall be in accordance with the order established for support, under Article 294. In case of descendants of the same degree, or of brothers and sisters, the oldest shall be preferred. In case of ascendants, the paternal shall have a better right.”


Kung ating pagninilayan ang nabanggit na probisyon ng batas, makikita natin na ang may obligasyon at karapatan para magsagawa ng pag-aayos para sa paglilibing sa isang kaanak ay ayon sa ayos o order kung sino ang mayroong karapatang mabigyan at may obligasyong magbigay ng suporta. Sinu-sino nga ba ang mga taong ito na binabanggit ng batas? Ang probisyon ng ating New Civil Code na naglalaman kung sino ang may obligasyong magbigay ng suporta sa kanilang mga mahal sa buhay ay nakapaloob sa Article 305, ngunit ito ay inamyendahan o binago na ng Article 195 ng ating Family Code kung saan nakasaad ang sumusunod:

“Art. 195. Subject to the provisions of the succeeding articles, the following are obliged to support each other to the whole extent set forth in the preceding article:


(1) The spouses;

(2) Legitimate ascendants and descendants;

(3) Parents and their legitimate children and the legitimate and illegitimate children of the latter;

(4) Parents and their illegitimate children and the legitimate and illegitimate children of the latter;

(5) Legitimate brothers and sisters, whether of full or half-blood.”


Samakatuwid, kapag nagkaroon ng usapin kung sino ang may karapatan na magpalibing ng isang mahal sa buhay, binibigyan ng batas ng prayoridad ang legal na asawa ng namatay at susunod dito ang kanyang mga lehitimong mga ninuno at inapo. Sa kawalan ng mga ito ay susunod ang iba pang mga taong itinakda ng batas, katulad ng mga lehitimong kapatid, kahit na ito ay full o half-blood.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 16, 2023


Dear Chief Acosta,


Pumirma ako ng kontrata para magtrabaho bilang kasambahay sa loob ng isang taon pero winakasan ito ng amo ko bago matapos ang termino dahil nakita niya ako sa kamera na nangungupit. May karapatan ba ang amo ko na wakasan ang aking kontrata bago matapos ang termino nito? - Jolina


Dear Jolina,


Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 32 ng Republic Act No. 10361, o mas kilala sa tawag na “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay,” na hindi maaaring wakasan ng amo ng kasambahay ang kontrata bago matapos ang termino nito maliban sa mga dahilan na ibinigay sa Seksyon 34 ng nasabing batas.


Kaugnay nito, ang Seksyon 34 ng nabanggit na batas ay nagbibigay ng mga dahilan para sa pagwawakas ng amo sa kontrata ng kasambahay:


“SEC. 34. Termination Initiated by the Employer. – An employer may terminate the services of the domestic worker at any time before the expiration of the contract, for any of the following causes:


(a) Misconduct or willful disobedience by the domestic worker of the lawful order of the employer in connection with the former’s work;

(b) Gross or habitual neglect or inefficiency by the domestic worker in the performance of duties;

(c) Fraud or willful breach of the trust reposed by the employer on the domestic worker;

(d) Commission of a crime or offense by the domestic worker against the person of the employer or any immediate member of the employer’s family;

(e) Violation by the domestic worker of the terms and conditions of the employment contract and other standards set forth under this law;

(f) Any disease prejudicial to the health of the domestic worker, the employer, or member/s of the household;

(g) Other causes analogous to the foregoing.”


Malinaw na nakasaad sa nasabing batas na maaaring wakasan ng amo ang serbisyo ng kasambahay, anumang oras bago matapos ang kontrata, dahil sa paggawa ng krimen o pagkakasala ng kasambahay laban sa kanyang amo o pamilya nito. Samakatuwid, may karapatan ang amo mo na wakasan ang iyong kontrata bago matapos ang termino nito dahil ang pangungupit na ginawa mo ay itinuturing na krimen laban sa iyong amo.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 14, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay mayroong live-in partner mula noong 2015. Siya ay naunang ikinasal sa ibang babae, ngunit matagal na silang hindi nagsasama. Kamakailan lang ay lumabas na rin ang desisyon sa korte kung saan napawalang-bisa na ang kanilang kasal. Ngayon ay nais naming magpakasal at nabalitaan kong ang mga magkasintahang naninirahan sa iisang bubong bilang mag-asawa ay maaari nang hindi kumuha ng marriage license bago magpakasal. Kami ba ay kuwalipikado rito sapagkat kami ay halos walong taon nang magkasama sa iisang bahay? - Nerisa


Dear Nerisa,


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 34 ng ating Family Code:


“ARTICLE 34. No license shall be necessary for the marriage of a man and a woman who have lived together as husband and wife for at least five years and without any legal impediment to marry each other. The contracting parties shall state the foregoing facts in an affidavit before any person authorized by law to administer oaths. The solemnizing officer shall also state under oath that he ascertained the qualifications of the contracting parties and found no legal impediment to the marriage.”


Sang-ayon sa nabanggit na batas, ang pagkuha ng marriage license ay hindi na kailangan bago magpakasal kung ang mga partido ay naninirahan na sa iisang bubong bilang mag-asawa sa loob ng limang taon na walang kahit anong legal impediment o hadlang na pakasalan nila ang isa’t isa. Ang pagbilang ng limang taong pagsasama ay magsisimula palang kung wala nang legal impediment sa kanilang dalawa.


Sa iyong sitwasyon, nagsimula palang tumakbo ang pagbilang ng limang taon simula nang napawalang-bisa ang kasal ng iyong nobyo sa kanyang dating asawa. Dahil kamakailan lang nawala ang bisa ng kanyang kasal, kulang kayo sa itinakdang limang taon ng pagsasama nang walang legal impediment. Kaya naman, hindi pa kayo kuwalipikado sa ilalim ng nasabing probisyon. Kailangan pa rin ninyong kumuha ng marriage license gaya ng ibang mga nais magpakasal.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page