- BULGAR
- Sep 9, 2023
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 8, 2023

Mga laro ngayong Biyernes – MOA
4:45 p.m. Serbia vs. Canada
8:40 p.m. USA vs. Alemanya
Kinumpleto ng Canada ang apat na mga kalahok sa semifinals ng 2023 FIBA World Cup matapos ang 100-89 panalo sa Slovenia Miyerkules ng gabi sa punong Mall of Asia Arena. Sigurado na ang Canada sa pinakamataas nilang naabot sa kasaysayan ng torneo at sisikapin ngayong araw na makapasok sa championship laban sa malakas na Serbia at susundan ng salpukan ng Team USA at walang talong Alemanya.
Tabla ang first half, 50-50, at kumilos ang mga Canadian sa third quarter at lumayo, 80-71. Biglang uminit ang laban nang palabasin si Dillon Brooks.
Wala pang isang minuto ay si Luka Doncic ang itinapon matapos ang kanyang pangalawang technical foul na may 6:37 sa orasan. Sinubukan humabol ng Slovenia subalit masyadong malaki ang 94-77 bentahe ng Canada.
Halimaw si Shai Gilgeous-Alexander na nanguna sa lahat ng kategorya 31 puntos, 10 rebound, apat na assist at dalawang agaw. Kahit hindi itinapos ang laro, nanguna si Doncic sa kanyang 26 puntos habang 22 si Klemen Prepelic. Nangako si Doncic na babawi sila sa Lithuania na inilaro kahapon para sa ika-lima hanggang ika-walong puwesto.
Nakatutok ang Team USA na mauwi ang kanilang ika-anim na kampeonato matapos ang 1954, 1986, 1994, 2010 at 2014 at umalis sa tabla kasama ang dating Yugoslavia na may lima din. Nakamit ng Alemanya ang tanso noong 2002 sa Indianapolis, Indiana at nais din nila ito higitan.
Sa bisa ng tagumpay ng Canada ay inihatak din nila ang Alemanya at Serbia papasok sa Paris 2024 Olympics. Nauna na ang Japan, Australia, Timog Sudan, Canada, Amerika at host Pransiya habang may apat pang upuan para sa mga magwawagi sa mga Olympic Qualifying Tournament sa 2024 kung saan kasali ang Gilas Pilipinas.






