top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 12, 2023



ree

Ibinaba na ang telon sa matagumpay na 2023 FIBA World Cup. Tatatak sa isipan ang ginintuang pagwalis ng Alemanya ng lahat ng kanilang walong laro patungo sa kanilang unang kampeonato na tinuldukan ng 87-83 panalo laban sa Serbia noong Linggo ng gabi sa harap ng mahigit 12,000 tagahanga sa Mall of Asia Arena.


Ipinamalas ni Dennis Schroder kung bakit siya ang nahirang na Most Valuable Player ng torneo at ipinasok ang huling 5 puntos ng mga Aleman at puksain ang banta ng mga Serb. Tuluyan siyang nagtapos na may 28 puntos habang may 19 ang galing kay Franz Wagner.


Kasama rin si Schroder sa All-Star Five na sina Bogdan Bogdanovich ng Serbia, Shai Gilgeous-Alexander ng Third Place Canada, Anthony Edwards ng U.S. at Luka Doncic ng Slovenia. Nasa All-Second Team sina Wagner, Arturs Zagars ng Latvia, Simone Fontecchio ng Italya, Jonas Valanciunas ng Lithuania at Nikola Milutinov ng Serbia.


Napiling Best Defensive Player si Dillon Brooks ng Canada, ang masasabing paboritong kontrabida ng torneo ayon sa dami ng kantiyaw na tinanggap niya sa mga manonood.


ree

Kahit kinilala sa depensa, bumuhos ng 39 puntos si Brooks sa 127-118 na double overtime na panalo ng Canada sa Team USA at makuha ang pinakamataas nilang puwesto sa World Cup na pangatlo.


Si Josh Giddey ng Australia ang tumanggap ng unang Rising Star Award para sa mga ipinanganak mula 2002 pataas. Kinilala si Coach Luca Banchi bilang Best Coach matapos niyang gabayin ang Latvia sa ika-5 puwesto sa kanilang pinakaunang World Cup.


Samantala, inilipat na ng Pilipinas kasama ang Japan at Indonesia sa Qatar ang karapatan na maging host ng susunod na World Cup sa 2027. Ito na ang pangatlong sunod na World Cup na gaganapin sa Asya kasama ang Tsina noong 2019.


Kahit nagtapos sa ika-24 sa 32 kalahok ang Gilas Pilipinas, pinatunayan ng mga Filipino ang kanilang husay na magsilbing host ng isang malaking pandaigdigang palaro. Hindi malayo na mapili muli ang Pilipinas para sa ibang mga torneo ng FIBA sa hinaharap.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 11, 2023



ree

Naisalba ng Canada ang ikatlong puwesto matapos ang makapil hiningang 127-118 panalo kontra Team USA sa huling araw ng 2023 FIBA World Cup sa Mall of Asia Arena.


Ito na ang pinakamataas na naabot ng koponan sa kasaysayan ng torneo.


Ipinilit ni Mikal Bridges ang overtime, 111-111, sa kanyang milagrong three-points matapos pulutin ang sariling mintis sa free throw. Subalit nasayang ito ang araw talaga ng Canada.


Binuksan nina RJ Barrett at Shai Gilgeous-Alexander ang overtime sa limang magkasunod na puntos, 116-111. Dumoble ang lamang sa 125-115 na may 26 segundo sa orasan upang makumpleto ang pagpapahiya sa mga Amerikano ng kanilang kapitbahay sa Hilaga.


Nag-iwan ng matinding ala-ala si SGA para sa mga Pinoy at nagsabog ng 31 puntos at 12 assist. Nag-ambag ng 23 puntos si Barrett. Maliban sa tanso, nakamit din ng Canada ang isang upuan sa Paris 2024 Olympics. Huli silang napabilang sa palaro noong Sydney 2000 kung saan ang isa sa manlalaro ay si Rowan Barrett na ama ni RJ.


Nanguna muli sa Team USA si Anthony Edwards na may 24 puntos. Sumunod si Bridges na may 19 puntos. Sa muling pagkabigo ng mga Amerikano, lumakas ang panawagan na ipadala sa sunod ang kanilang mga superstar. Ayon kay Coach Steve Kerr, lumiit na ang agwat ng husay ng mga bansa at hindi na ito 1992 kung saan inilampaso ng orihinal ng Dream Team ang Barcelona Olympics.


Sa mga consolation games, nauwi ng Latvia ang ika-limang puwesto nang talunin ang kapitbahay Lithunia, 98-63, noong Sabado ng gabi. Nalimitahan ng Latvia ang kalaro sa siyam na puntos lang noong third quarter at hindi na ito nakabangon.

Pinaglalabanan ng Serbia at Alemanya ang kampeonato kagabi.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 8, 2023



ree

Mga laro ngayong Biyernes – Duenas Gym

5 p.m. Kapampangan vs. Binan

7 p.m. Camsur vs. Taguig


Hahataw na ang inaabangang best-of-three semifinals ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup ngayong Biyernes sa Jun Duenas Gym sa Signal Village, Taguig City. Ipagtatanggol ng host Taguig Generals ang kanilang tahanan laban sa bisitang Camsur Express sa 7 p.m.. habang magsusubukan ang KBA Luid Kapampangan at Tatak GEL Binan ng 5 p.m.


Nanaig ang Generals sa una nilang tapatan sa Express, 101-90, noong Hulyo 28 sa Colegio de Sebastian. Gumanti ang Cam Sur at inukit ang 120-114 overtime panalo noong Agosto 4 sa Angelis Resort na pumutol din sa perpektong 6-0 kartada ng Taguig.


Asahan na magiging mainit muli ang shooting ng mga koponan at nandiyan sina Edzel Galoy, Dan Anthony Natividad, Mike Jefferson Sampurna, Fidel Castro at Lerry John Mayo na handang gumawa ng 10 o higit na puntos para sa Taguig. Kokontrahin ito nina Verman Magpantay, Fredson Hermonio, Alwin Margallo, Joshua Ayo, Jayson Orada at Francis Austin Redondo.


Pantay din sa 1-1 ang tapatan ng Kapampangan at Tatak GEL noong elimination na parehong ginanap sa Duenas Gym. Binuksan ng Luid ang torneo sa 100-98 pagtakas noong Hunyo 30 subalit nakabalik ang Binan sa muling pagkikita, 94-91, noong Agosto 11.


Sasandal muli ang Luid kay guwardiya Lhancer Khan, ang numero uno sa puntusan sa NBL na 26.0 bawat laro, kasama sina Miko Santos at Marc Jhasper Manalang. Mahusay ang ipinakita nina Danny Diocampo, Vinny Begaso at Daniel Austria sa unang dalawang laro subalit kailangang taasan ni Alexander Villacorta ang puntos na 10.5 lang kumpara sa 17.7 kapag iba ang nakakalaban.


Lilipat ang mga serye sa Fuerte Sports Complex sa Pili, Camarines Sur para sa Game 2 sa Set. 13.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page