top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 15, 2023


ree

Mga laro ngayong Miyerkules – Novadeci

9 am CUP vs. Enderun

10:30 am St. Clare vs. OLFU

12:30 pm NEU vs. HAU

2:00 pm MLQU vs. UMak


Niyanig ng City University of Pasay ang pundasyon ng 21st National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Men’s Basketball matapos patumbahin ang walang talo at defending champion St. Clare College of Caloocan, 75-71, Lunes sa Novadeci Convention Center sa Novaliches. Nakamit ng Eagles ang kanilang ika-limang panalo sa pitong laro at pinutol ang kaligayahan ng Saints na dating walang bahid sa unang anim.


Naging pagalingan mag-shoot ng free throw ang huling tatlong minuto. Itinayo nina kapitan Steven Kurt Meneses at Warren Sienes ang 73-69 lamang na may 11 segundong nalalabi.


May pagkakataon ang Saints matapos bigyan ng foul si Ahron Estacio habang tumitira ng tres at pinasok ang unang dalawa subalit sinadyang mintisin ang pangatlo. Hindi ito tumama sa ring para ibalik ang bola sa CUP at sinelyuhan ni Luigi de Leon ang tagumpay sa dalawang free throw at nagtapos na may 22 puntos.


Sa pagkabigo ng St. Clare, nanatiling perpekto sa 7-0 at inagaw ang solong liderato ng Our Lady of Fatima University sa bisa ng 81-54 tambakan sa Holy Angel University.


Bumanat ng anim na three-points si Marvel Jimenez para sa 18 puntos habang walang nakapigil sa higante Mamadou Toure na 14 at 12 rebound.


Nilampasan ng AMA University ang hamon ng New Era University, 70-67, sa likod ng 24 puntos at 10 rebound ni Earl Ceniza at Nikon Alina na may 20. Hawak ng Kings ang 63-50 bentahe sa huling tatlong minuto at kumapit sa gitna ng huling hirit ng Hunters.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 15, 2023


ree

Mga laro ngayong Miyerkules – MOA

11:00 AM UE vs. ADMU

1:00 PM UP vs. UST

4:00 PM DLSU vs. FEU

6:00 PM NU vs. AdU


Hahanapin ng mga nangungunang University of the Philippines at National University ang twice-to-beat bentahe sa 86th UAAP Men’s Basketball laban sa hiwalay na kalaro ngayong Miyerkules sa MOA Arena. Magsisilbi rin itong paghahanda para sa higanteng salpukan ng dalawang paaralan sa huling araw ng elimination ngayong Linggo sa parehong palaruan.


Inaasahan na madaling lalampasan ng UP (10-2) ang kulelat na University of Santo Tomas (1-11) sa 1:00 ng hapon. Tinambakan ng Fighting Maroons ang Tigers, 110-79, sa una nilang pagkikita noong Oktubre 14.


Mas magiging mahigpit ang labanan ng Bulldogs (10-2) at Adamson University (5-7) sa tampok na laro sa 6:00 ng gabi. Pumapalag pa ang Soaring Falcons upang mabuhay ang lumiliit nilang pag-asa na makuha ang ika-apat at huling upuan sa Final Four.


Twice-to-beat din ang hahanapin ng rumaragasang De La Salle University (9-3) kontra Far Eastern University (3-9) sa 4:00 ng hapon. Anim na sunod na ang tagumpay ng Green Archers kasama ang 86-76 pagwagi sa host University of the East noong Linggo.


Kahit natalo ang UE (4-8), maaari pa sila makahabol sa Final Four at matutulungan nila ang sarili kung mananaig sila sa defending champion Ateneo de Manila University (6-6) sa 1:00 ng hapon. Mahihirapan ang Warriors matapos patawan ng isang larong suspensiyon ng liga si sentro Precious Momowei sa bisa ng kanyang pangalawang unsportsmanlike foul sa laban kontra DLSU.


Kung magkakaroon ng tabla, magtatakda ng playoff kung ito ay para sa pangalawang twice-to-beat o para sa ika-apat at huling puwesto. Ang iba pang mga tabla ay gagamitan ng quotient.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 13, 2023


ree

May bagong reyna ang Philippine Football matapos mauwi ng Kaya Iloilo ang korona ng 2023 Philippine Football Federation (PFF) Women’s League laban sa Manila Digger FC, 1-0, Sabado ng gabi sa Rizal Memorial Stadium. Inihatid ni reserba Sheen Nicole Ramores ang nag-iisang goal sa ika-86 minuto at iyon ay sapat kontra sa mga huling banta ng kalaro.

Sa laban para sa Third Place, nanaig ang Far Eastern University sa dating kampeon De La Salle University, 2-1. Nagpalitan ng goal sina Carmela Altiche ng FEU (34’) at Angelica Teves ng DLSU (49’) bago ipinasok ni kapitana Dionesa Tolentin ang nagpapanalong goal sa ika-53 minuto.


Napili para sa Golden Ball o Most Valuable Player si Shelah Mae Cadag ng Kaya habang ang kanyang kakamping si Charisa Marie Lemoran ang Best Midfielder. Nagtabla para sa Golden Boot o pinakamaraming goal sina Teves at Isabella Bandoja ng Tuloy FC na parehong may 19.


Ang iba pang tumanggap ng parangal ay sina Ayishatu Naa Simpson ng Manila Digger bilang Golden Glove o Best Goalkeeper habang Best Defender si Jonela Albino ng FEU.


Nauwi ng Manila Nomads ang Fair Play Award.


Agad nagdiwang ang lahat at naglaro ng All-Star game Linggo ng hapon sa Vermosa sa Imus City. Nagpadala ng kinatawan ang lahat na lumahok na 10 koponan.


Patungo sa kampeonato, tinalo ng Kaya ang DLSU sa semifinals, 2-1 at wakasan ang tatlong magkasunod na tropeo ng Lady Archers. Iba ang kuwento sa kabila at kinailangan ng Manila Digger ang penalty shootout laban sa FEU, 4-3, matapos hindi makalikha ng goal sa takdang 90 at karagdagang 30 minuto. Nagtapos ng pantay sa taas ng elimination round ang Kaya, FEU at Manila Digger na may parehong 22 puntos mula sa 7 panalo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page