- BULGAR
- Jan 10, 2024
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 10, 2024

Photo: Utah Jazz / IG
Gumana muli ang laro ni Gilas Pilipinas Jordan Clarkson at tinulungan ang bisitang Utah Jazz na gulatin ang Milwaukee Bucks, 132-116, sa tampok na laro sa NBA kahapon sa Fiserv Forum. Nakaganti rin ang Indiana Pacers sa numero unong Boston Celtics, 133-131, salamat sa mga free throw ni Benn Mathurin.
Tumanggap ng foul si Mathurin galing kay Kristaps Porzingis na may 0.6 segundo sa orasan at kalmang ipinasok ang dalawang free throw upang ibalik sa Pacers ang lamang, 133-131. May pagkakataon ang Celtics subalit hindi nila nakumpleto ang huling tira sabay tunog ng busina.
Nanguna si Mathurin na may 26 puntos bilang reserba at nahanap muli ang kanilang malupit na opensa. Malaking bawi ito para sa Pacers na natalo sa Boston noong isang araw, 101-118. Bumira ng 21 si Clarkson bilang reserba upang tulungan si Lauri Markkanen na may 21 din at 14 rebound. First quarter pa lang ay umarangkada ang Jazz, 41-23, at nasayang ang triple double ni Giannis Antetokounmpo na 25 puntos, 10 rebound at 11 assist at hinanap ng Bucks ang shooting nang lumiban na si Damian Lillard.
Kinailangan ng Chicago Bulls ang overtime upang masugpo ang Charlotte Hornets, 119-112. Inangat ni Coby White ang kanyang laro para magtapos na may 27 habang parehong double-double ang mga malalaking kakamping sina Andre Drummond na 21 at 15 rebound at Nikola Vucevic na 21 at 10 rebound.
Samantala, hindi na maglalaro ngayong taon si Ja Morant ng Memphis Grizzlies at ooperahan siya sa balikat. Siyam na beses nang naglaro si Morant matapos magsilbi ng 25 laro suspensiyon bunga ng paglabas ng baril sa publiko.
Tinapos din ng NBA ang suspensiyon ni Draymond Green ng Golden State Warriors na nawala ng 12 laro bunga ng kanyang paghampas sa mukha ni Jusuf Nurkic ng Phoenix Suns noong Disyembre.






