top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | January 21, 2024



ree

Mga laro ngayong Linggo – Fuerte Sports Complex

5 p.m. Taguig vs. Binan

7 p.m. Muntinlupa vs. Cam Sur

 

Itinapal ng Cam Sur Express ang unang talo sa defending champion Taguig Generals, 99-88, sa tampok na laro ng 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup sa Fuerte Cam Sur Sports Complex sa Pili Biyernes ng gabi.  Tatlo na rin ang magkasunod na tagumpay ng Tatak GEL Binan at tinambakan ang Muntinlupa Chiefs, 124-83. 


Parehong kilala sa kanilang mabagsik na opensa, nagtapos ang malamyang first half sa 40-32 pabor sa Taguig.  Iyan ang hudyat para kay Best Player Fredson Hermonio upang magsabog ng 16 ng 25 puntos sa third quarter at itabla ang iskor papasok sa huling quarter, 67-67. 


Umabot sa 89-73 ang bentahe ng Express matapos ang tres ni Pete Andrei Rito at isa pang buslo ni Hermonio at 5:21 sa orasan.  Nagawang lumapit ng Generals, 88-95, subalit hindi na sila pumuntos sa huling minuto at sinigurado ng mga puntos nina Jayson Orada at Alwin Margallo ang resulta. 


Maliban kay Hermonio ay bumanat si Verman Magpantay ng 10 ng kanyang 23 sa fourth quarter.  Nag-ambag sina Rito ng 14 at Orada ng 12 para sa kanilang pangatlong tagumpay sa limang laro habang nagwakas sa 4-0 ang perpektong kartada ng Taguig.


Tahimik na umaangat sa liga ang Tatak GEL na tatlo na ang panalo para sa kabuuang 4-2 panalo-talo.  Kinailangan nila ang mahusay na laro ng mga reserba upang malupig ang Chiefs na lumubog sa kanilang ika-apat na sunod matapos mapagwagian ang kanilang unang laro.


Tumalon ang Muntinlupa sa maagang 12-7 lamang subalit biglang napako sila at bumanat ng 20 sunod na puntos ang Binan para maagaw ang lamang at hindi na nila binitawan ito, 27-12.  

 
 

ni Anthony Servinio @Sports | January 17, 2024



ree

Bilang paghahanda para sa kanilang unang paglahok sa 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup Indonesia sa Abril, sasabak ang Philippine Women’s Football National Team sa pagbabalik ng 2024 MIMA Cup ngayong Pebrero 5 hanggang 8 sa San Pedro del Pinatar, Espanya.  Nakatakdang harapin ng Filipinas ang mga bigatin ng Europa na Inglatera, Scotland at Sweden. 


Unang haharapin ng mga Pinay ang Inglatera sa Pebrero 5 habang maglalaro ang Scotland at Sweden.  Paglalabanan ng mga magwawagi ang kampeonato sa Pebrero 8 pagkatapos ng Battle For Third. 


Huling ginanap ang MIMA Cup noong 2022 kung saan nagkampeon ang Poland laban sa Canada, Belgium at Sweden.  Ang torneo ay pinapalakad ng IAST Sports, ang parehong grupo sa likod ng 2023 Pinatar Cup na nilahukan ng Pilipinas bago sila naglaro sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa New Zealand. 


Gaya ng Pilipinas, ginagamit ng kanilang mga makakalaro ang torneo bilang paghahanda para sa 2024 UEFA Under-17 Women’s Championship sa Mayo.  Ang mga continental championship ay magsisilbing qualifier para sa 2024 FIFA Under-17 Women’s World Cup sa Dominican Republic ngayong Oktubre. 


Hindi pa ginaganap ang bunutan para sa Asian Cup subalit naghahanda ang Filipinas na laruin ang defending champion Japan, Hilagang Korea, Tsina, Timog Korea, Thailand, Australia at host Indonesia.  Tanging ang unang tatlo lang ang tutuloy bilang kinatawan ng Asya sa World Cup. 


May balak na magdaos ng ilan pang mga FIFA Friendly o lumahok sa isa pang torneo sa Marso.  Gaganapin ang Asian Cup mula Abril 7 hanggang 20 


Samantala, sa Enero 20 ang huling araw ng pagsumite ng listahan ng manlalaro para sa 2024 Philippines Football League (PFL).   

 
 

ni Anthony Servinio @Sports | January 15, 2024



ree

Photo: Screen grabbed from Milwaukee Bucks / Facebook


Pumukol ng three-points si Damian Lillard na may dalawang segundong nalalabi upang ihatid sa Milwaukee Bucks ang 143-142 panalo kontra Sacramento Kings sa NBA kahapon mula sa Fiserv Forum.  Nagtala rin ng hiwalay na mahalagang resulta ang numero uno ng West Minnesota Timberwolves at World Champion Denver Nuggets. 


       Nagtapos na may siyam ng kanyang kabuuang 29 puntos sa overtime si Lillard.  Nagtapos ang fourth quarter sa 128-128 matapos ang free throw ni De’Aaron Fox na nanguna sa Kings na may 32. 


      Sinapawan ng pagbayani ni Lillard ang matinding palitan buong laro nina Giannis Antetokoumpo at Domantas Sabonis na parehong nagtala ng triple double.  Nagsumite si Giannis ng 27 puntos, 10 rebound at 10 assist kumpara sa 21, 13 at 15 ni Sabonis. 


       Balik sa taas ng West ang Timberwolves sa bisa ng 109-105 panalo sa LA Clippers salamat sa 22 ng 33 ni Anthony Edwards sa second half.  Saglit lumamang ang Clippers, 45-44, subalit naka-shoot si Edwards bago magsara ang first half at hindi na nila binitawan ito, 46-45.

 

       Tiniyak ng Denver na manatiling malapit sa paghabol sa Minnesota at tinalo ang Indiana Pacers, 117-109.  Parehong nag-ambag ng tig-25 sina Nikola Jokic, Jamal Murray at Michael Porter Jr. para umangat sa 28-13 at pangatlo sa West sa likod ng Timberwolves (28-11) at Oklahoma City Thunder (27-11). 


       Uminit para sa 34 si Devin Booker at itulak ang Phoenix Suns laban sa Portland Trail Blazers, 127-116.  Patuloy na ipinamalas ng Suns ang kanilang kakayahan kapag magkakasama at malusog sina Booker at Bradley Beal at Kevin Durant na nagtala ng 23 at 21. 


     Samantala, tinambakan ng Miami Heat ang Charlotte Hornets, 104-87, kasabay ng gabi ng parangal para sa alamat na si Dwyane Wade.  Inihayag ng Heat na magpapatayo sila ng rebultong tanso ni Wade sa labas ng Kaseya Center bilang pagkilala sa kanyang mahabang karera na nagbunga ng tatlong kampeonato.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page