- BULGAR
- Jan 31, 2024
ni Anthony Servinio @Sports | January 31, 2024

Bunga ng makasaysayang gintong medalya sa 19th Asian Games Hangzhou, itinalaga ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) si Tim Cone bilang head coach ng Gilas Pilipinas simula sa qualifiers para sa 2025 FIBA-Asia Cup ngayong Pebrero. Kasabay nito ay agad naglabas ng 12 pangalan na bubuo ng koponan na haharapin ang Hong Kong, Chinese-Taipei at New Zealand sa Grupo B.
Magbabalik mula sa nagtagumpay na koponan ay mga PBA MVP June Mar Fajardo at Scottie Thompson, Chris Newsome, CJ Perez, Calvin Oftana at Justin Brownlee. Balik-Gilas din sina Kai Sotto, AJ Edu, Jamie Malonzo, Dwight Ramos, Carl Tamayo at Kevin Quiambao.
Nilinaw ni Coach Cone na kailangan lang ipahinga ni Malonzo ang kanyang tuhod matapos ito mapilayan noong Game 3 ng kanilang PBA Commissioner’s Cup semifinals laban sa San Miguel Beer noong Linggo. Sa kaso ni Brownlee, hihintayin nila ang hatol ng kinauukulan matapos masurian ng ipinagbabawal na gamot noong Asian Games.
Sina Fajardo at Perez na lang ang abala sa PBA Finals at hihintayin umuwi ang mga naglalaro sa Japan na sina Sotto, Edu at Ramos. Nandito na sina Tamayo matapos pakawalan ng kanyang koponang Hapon at Quiambao na kagagaling lang ng Dubai kasama ng Strong Group Athletics.
Nakatakdang lumakbay ang Gilas sa Hong Kong para sa unang laro ngayong Pebrero 22. Susunod ang pagdalaw ng Chinese-Taipei sa Pebrero 25 sa Philsports Arena.
Ang iba pang laro ay gaganapin sa Nobyembre at Pebrero ng 2025. Tanging ang unang dalawa sa anim na bawat grupo ay tutuloy sa torneo habang paglalabanan ng anim na pumangatlo ang huling apat na puwesto.
Ang 2025 FIBA-Asia Cup ay gaganapin mula Agosto 5 hanggang 17 sa Saudi Arabia.






