top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 10, 2025



Photo: Pinangunahan ni Green Media events race organizer ng Takbo para sa kalikasan Water Run series Ms. Jenny Lumba ang media launching ng patakbo na idinaos sa Max Rest. SM Manila kamakailan. ( A. Servinio)


Tubig ay buhay. Lalarga ang Water Run – ang ikalawang yugto ng 2025 Takbo Para Sa Kalikasan – ngayong Hulyo 20 sa MOA.


Mula sa mainit na pagtanggap ng pambungad na karera na Fire Run noong Mayo 4 sa Luneta, inaasahang mas marami ang kalahok ngayon dahil gaganapin ito sa mas malawak na lugar. Patunay ito ng paglaki ng serye na itinatag noong 2018.          


Para sa Water Run, susubukan ng mga mananakbo ang tampok na kategoryang 18 kilometro. Magkakaroon din ng patakbo na 10 at limang kilometro.


Marami sa tatakbo ng 18 ay mga tumakbo rin ng 16 kilometro sa Fire Run. Malaking hamon para sa lahat ang makabuo ng apat na medalyang kahoy.           


Pagkatapos ng Water Run ay nakatakda ang Air Run sa Setyembre 28 at ang engrandeng pagtatapos ng serye sa Earth Run sa Nobyembre 16. May espesyal na TPSK Pampanga Edition sa Oktubre 5 sa Clark.         


Maaaring magpalista na sa mga piling sangay ng Chris Sports sa MOA, Megamall, SM Bicutan, Trinoma, Glorietta 3 at One Bonifacio High Street at online sa My Run Time.  Tulad ng dati, may pagkakataon na lumahok sa virtual race para sa mga hindi makakapunta sa lugar at araw mismo ng karera at makukuha pa rin ang parehong medalya at t-shirt.


Hinihikayat muli ang lahat na magdala ng sariling lalagyan ng inumin. Bilang fun run na nagtataguyod ng pag-aalaga sa Inang Kalikasan ay mahalaga na mabawasan ang iiwanang kalat na tinatayang umaabot sa mahigit 10,000 na baso at mga basyong boteng plastik.


Ang BULGAR ay opisyal na media partner ng buong TPSK serye. Muling mamimigay ng mga regalo para sa mga minamahal na tatakbong nagbabasa at may pagkakataon na makasama ang sobrang kulit pero mabait na si Bulgarito.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 26, 2025



Photo: Ininumang nang i-shoot ni Jalen Williams ng Oklahoma City Thunder ang bola habang nakadepensa si Rudy Gobert ng Minnesota Timberwolves sa yugtong ito ng laban sa Game 3 ng Western conference finals ng 2025 NBA Playoffs sa Target Center kahapon. (Data Skrive) 


Umiwas na mapahiya ang Minnesota Timberwolves sa harap ng kanilang mga tagahanga at tinambakan ang bisitang Oklahoma City Thunder, 143-101, sa Game 3 ng 2025 NBA Western Conference Finals kahapon sa Target Center. Nakatulong ng malaki ang paglaro sa sariling tahanan at naitala ng Timberwolves ang unang panalo matapos bumagsak sa unang dalawa. 

       

Ipinasok ni OKC sentro Isaiah Hartenstein ang unang 4 puntos ng laro at mula roon ay puro Minnesota na ang lumikha ng ingay hanggang kunin ang unang quarter, 34-14, sa likod ng 16 ni Anthony Edwards. Hindi na nakaporma ang OKC at lalong lumaki ang agwat sa 129-84 bago ang huling 4 na minuto at tinatapos na ng mga reserba ang laro. 

       

Kahit hindi na naglaro sa huling quarter si Edwards, pinangunahan pa rin niya ang Timberwolves na may 30 puntos buhat sa limang tres sa 30 minutong paglalaro.  Bumawi si Julius Randle at nagtala ng 24 matapos gumawa ng 6 lang sa huling laro.

      

Ibinangko si Randle ni Coach Chris Finch sa huling quarter ng Game 2 noong Biyernes.  Hindi na pinalaki ang usapin at nanindigan si Randle na tanggap niya ang ginawa ng coach. 

      

Matapos magsabog ng kabuuang 69 sa unang 2 laro, 14 lang si MVP Shai Gilgeous-Alexander na kapantay ni reserba Ajay Mitchell.  Sumunod si Jalen Williams na may 13. 

       

Ang Game 4  ay ngayong Martes sa parehong palaruan. Dahil sa resulta, tiyak na may Game 5  sa Huwebes sa Paycom Center. 

        

Samantala, layunin ng rumaragasang Indiana Pacers na lalong ipitin ang New York Knicks sa Game 3 ng East Finals ngayong Lunes sa Gainbridge Fieldhouse. Malupit ang ipinakita ng Pacers sa tagumpay sa unang dalawang laro sa Madison Square Garden. 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 8, 2025



Photo: Buttler, Curry at Hield - Golden State Warriors FB


Baligtad na ang mundo ng 2025 NBA Playoffs Conference Semifinals at wala pa ring panalo ang mga paboritong koponan sa kanilang mga tahanan. Nanaig ang mga bisitang Golden State Warriors at Indiana Pacers. 

        

Nalampasan ng Warriors ang hamon ng maagang pagkawala ni Stephen Curry upang tambakan ang Minnesota Timberwolves sa Game 1, 99-88. Lumikha ng Milagro si Tyrese Haliburton para takasan muli ng Pacers ang Cleveland Cavaliers sa Game 2, 120-119 at itayo ang 2-0 bentahe. 

       

Nasaktan ang hita ni Curry at napilitang umupo na may 8:19 pa sa pangalawang quarter at lamang ang GSW, 30-20. Hindi na siya bumalik subalit inangat ng mga kakampi ang laro at lumaki ang agwat sa 76-53 sa pangatlong quarter at sapat na iyon.

        

Nakahanap ng tagasalba ang GSW kay Draymond Green na may 24 puntos, Jimmy Butler III na may 20 at 11 rebound at Buddy Hield na may 18. Kabuuang 13 minuto lang si Curry subalit mayroon na siyang 13 mula sa tatlong tres. 

        

Nanguna sa Minnesota si Anthony Edwards na may 23 subalit nalimitahan siya sa isang free throw sa unang 2 quarter. Ang Game 2 ay sa Biyernes sa Target Center pa rin.

         

May 12 segundong nalalabi, ipinasok ni Haliburton ang unang free throw buhat sa foul ni Ty Jerome at sadyang minintis ang pangalawa, 118-119. Nakuha ang offensive rebound at tumira ng himalang 3-points na may isang segundo sa orasan at hindi na nakaporma ang Cleveland. 

         

Ipinasok ni Haliburton ang 11 ng kanyang 19 sa huling quarter. Namuno sa Pacers sina Myles Turner at Aaron Nesmith na parehong may 23 habang 19 din si Bennedict Mathurin. Nasayang ang 48 ni Donovan Mitchell. Lilipat ang serye sa Gainbridge Fieldhouse para sa Game 3 sa Sabado at Game 4 sa Lunes.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page