top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | February 23, 2024



ree


Mga laro ngayong Biyernes – Fuerte Sports Complex


6:30 p.m. Cam Sur vs. Zambales 



Kinuha ng host Cam Sur Express ang mahalagang 84-71 panalo sa Game One ng 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup semifinals kontra sa palaban na Zambales Eruption Miyerkules ng gabi sa siksikang Fuerte Cam Sur Sports Complex sa Pili.  Ang Game Two ng seryeng best-of-three ay ngayong Biyernes sa parehong palaruan simula 6:30 n.g.  


Sumandal ang Express kay Verman Magpantay na napiling Best Player na may 22 puntos.  Inihatid ni Magpantay ang pandiin na three-points na sinundan ng isa pang buslo upang masiguro ang tagumpay, 80-66, at 1:17 sa orasan. 


Malaking tulong din ang ambag sa opensa nina Kyle Philip Domagtoy na may 14 at Neil Justine dela Cruz na may 13.  Gumawa ng 11 si Jayson Orada sabay hakot ng 15 rebound. 


Nakasabay ang Zambales sa Cam Sur at huling hinawakan ang lamang, 21-19, maaga sa second quarter.  Mula sa 24-24 tabla, bumira ng 5 sunod na puntos si Magpantay para maging 29-24 at tuloy-tuloy ang arangkada ng mga Bikolano. 


Mahigpit ang depensa ng Eruption at ang 84 ang pinakaunting puntos ng Express ngayong torneo matapos magtala ng 103 bawat laro noong elimination.  Subalit hirap maka-shoot ang Zambales at sinayang ang pagkakataon sa pagmintis ng 23 o higit kalahati ng kanilang 45 free throw. 


Bumawi si Lyndon del Rosario at gumawa ng 23 matapos malimitahan sa anim lang noong huli nilang tapatan sa elimination noong Pebrero 11 Sa Taguig.  Sumunod sina Charles Gloria at Frankie Dorde na parehong may tig-14.  Sisikapin ngayon ng Eruption na pantayin ang serye at ipilit ang winner-take-all Game 3 na nakatakda sa Pebrero 27 sa kanilang tahanan sa Zambales. 


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 21, 2024



ree


Laro ngayong Miyerkules – Pinatar Arena


10 p.m. Pilipinas vs. Finland


Bago ang 2024 Pinatar Cup ay maglalaro ng FIFA Friendly ang World #38 Philippine Women’s Football National Team kontra #27 Finland ngayong Miyerkules simula 10:00 ng gabi, oras sa Pilipinas, sa Pinatar Arena sa Espanya.  Ito ang unang pagkikita ng dalawang bansa. 

 

Mga baguhan, inangat at nagbabalik na mga mukha ang itatampok ng Filipinas.  Kabuuang 27 manlalaro ang ipinatawag ng Philippine Football Federation (PFF) para sa tatlong laro ngayong Pebrero. 


Tututukan ang mga matitinik na forward na sina Sarina Bolden, Chandler McDaniel at Bella Flanigan para lumikha ng mga goal.  Titingnan din ang kakayahan nina Alexa Marie Pino na inangat mula Under-17 Filipinas, Isabella Bandoja ng Tuloy FC at Dionesa Tolentin ng Far Eastern University na isa sa mga balik-Filipinas. 


Nandiyan pa rin si Olivia McDaniel para sa mahalagang puwesto ng goalkeeper subalit sasamahan siya ngayong ng mga teenager na sina Leah Bradley ng Under-17 at Nina Meollo ng Ipswich Town FC sa Inglatera. 


May tatlong bagong defender sa katauhan nina Rhea Chan ng Cal Poly-Humboldt, Katana Norman ng University of Portland at Aiselyn Sia ng Under-17.  Babalik ang mga beteranang sina Hali Long, Jessika Cowart, Sofia Harrison Maya Alcantara, Angie Beard at Reina Bonta. 


Pamumunuan muli ni kapitana Tahnai Annis ang midfield kasama sina Sara Eggesvik, Quinley Quezada, Katrina Guillou, Jessica Miclat, Jaclyn Sawicki at Meryll Serrano.  Tanging si Gianna Camille Sahirul ng Florida International University ang idinagdag ni Coach Mark Torcaso. 


Sa Pinatar Cup, nabunot ang Filipinas at #25 Scotand sa semifinals sa Pebrero 24 habang magkikita ang Finland at #44 Slovenia sa isa pang laro.  Ang mga magwawagi ay magtutuos para sa kampeonato habang ang mga hindi papalarin ay maglalaro para sa ikatlong puwesto kaya maaaring magtatapat muli ang Filipinas at Finns sa Pebrero 27.


 
 

ni Anthony Servinio @Sports | February 21, 2024



ree


Laro ngayong Miyerkules – Fuerte Sports Complex


6:30 p.m. Zambales vs. Cam Sur 


Hahanapin ng host Cam Sur Express ang daan patungong 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup Finals sa Game 1 ng best-of-three semifinals laban sa bisitang Zambales Eruption ngayong Miyerkules simula 6:30 n.g.  Mabigat na paborito ang Express at hindi pa sila natatalo ngayong torneo sa tahanang Fuerte Sports Complex sa Bayan ng Pili


Tinalo ng Zambales ang Cam Sur sa una nilang tapatan, 94-90, noong Disyembre 17 sa Villar Coliseum sa Las Pinas City.  Malaking aral ang napulot ng Express sa pagkabigo at mula roon ay nagwagi sa sumunod na anim na laro na ang huli ay isang matinding 110-53 pagbawi sa Eruption noong Pebrero 11 sa Duenas Gym sa Taguig City. 


Aasa muli ang Cam Sur kay Joshua Irvin Ayo, Kyle Philip Domagtoy, Jayson Orada at Pete Andrei Rito na mahusay ang ipinakita sa dalawa nilang laro.  Isa pang dapat abangan ay si Verman Magpantay na kahit mababa ang numero niya kontra Zambales ay umaangat ito kapag naglalaro sa harap ng kanyang kapwa-Bikolano. 


Para sa Eruption, malaki ang nakapatong sa balikat ni Lyndon del Rosario na numero uno sa NBL-Pilipinas pagdating sa puntusan.  Matapos magsabog ng 35 sa unang laro, nalimitahan siya sa anim lang kaya mahalaga na matulungan siya nina Ian Elbancol, Charles Gloria at Frankie Dorde. 


Ang Game 2 ay nakatakda ngayong Biyernes sa parehong palaruan at oras.  Kung kailangan, ihahayag ang lugar at petsa ng Game 3. Pasok na sa best-of-five finals ang defending champion Taguig Generals at naghihintay na lang ng makakalaro.  Winalis ng Generals ang La Union PAOwer, 2-0, noong Enero, 2023 para sa korona.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page