top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | March 19, 2024



ree


Hindi isa kundi tatlong lungsod – Laoag, Batangas at Mandaue – ang sabay- sabay magsisilbing mga punong abala sa engrandeng pagbubukas ng 2024 MILO Marathon ngayong Abril 7!  Ito ang unang pagkakataon na magaganap ito para sa bagong kabanata ng mahabang kasaysayan ng numero uno at pinakaprestihiyosong karera sa bansa. 

       

Matapos ang pandemya, balik sa kinagawiang kalendaryo ang patakbo.  Kasunod ng tatlong pambungad na yugto, susunod ang inaabangang Metro Manila Leg sa Abril 28 sa Mall of Asia at 10 iba pang qualifier sa lahat ng sulok ng Pilipinas patungong National Finals sa Cagayan de Oro sa Disyembre 1. 

       

Bilang paghahanda, nagdaos ang tagapangasiwa ng serye Runrio ng isang pampublikong ensayo noong Marso 17 sa Ayala Triangle ng Makati City. Sa pangunguna nina Coach Rio dela Cruz at Coach Jenny Guerrero, iginiit nila ang halaga ng preparasyon para sa kahit anong distansiya na lalahukan sa 42, 21, 10, lima, tatlo o isang kilometro.

       

Dagdag ni Coach Rio, plano nilang gawing regular ang pagdaos ng mga kaparehong ensayo.  Maaaring antabayanan ang mga petsa at lugar sa social media ng Runrio at MILO. 

        

Ginaganap na ang pagpapalista online sa Race Roster.  Abangan din ang pagpapalista ng mga lokal na organizer sa mga yugto sa mga lalawigan. Ang iba pang mga karera sa Luzon ay Puerto Princesa (Mayo 12), Legazpi (Hunyo 2), Imus (Setyembre 22) at Tarlac (Nobyember 24).  Ang mga karera sa Visayas at Mindanao ay sa Tagbilaran (Setyembre 29), Roxas (Oktubre 6), Iloilo (Oktubre 20), Bacolod (Oktubre 27), General Santos (Nobyembre 10) at Davao (Nobyembre 17). 

       

Samantala, magsisimula rin sa Abril 7 ang inaabangang Hoka Trilogy Run Asia sa MOA.  Ang malaking pagbabago ngayong taon ay hindi lang sa Metro Manila gaganapin ang mga karera kundi pati rin sa mga lalawigan at mga bansa sa Timog Silangang Asya.  


 
 

ni Anthony Servinio / VA @Sports | March 17, 2024



ree


Itinalagang team captain ng binuong Philippine men’s football team ng bagong coach na si Tom Saintfiet ang beteranong goalkeeper na si Neil Etheridge para sa nakatakda nilang pagsabak sa FIFA World Cup 2026 qualifier kontra Iraq sa Marso 21 at 26.


Kasama ni Etheridge sa 28-man roster ang pitong players na sasalang sa unang pagkakataon bilang mga seniors na sina Theo Libarnes ng Far Eastern University ang magkapatid na Matthew Baldisimo ng York United at Michael Baldisimo ng San Jose Earthquakes, Jeremiah Borlongan, at Chima Uzoka ng Dynamic Herb Cebu FC, Mark Swainston ng Kaya FC-Iloilo at Andres Aldeguer ng  Central Connecticut University.


“We have a well-balanced group,” ani Saintfiet. “We have a good team to face Iraq, but we need to play professionally and try to steal some points.”


Kakalabanin ng PMNT ang Iraq team na galing sa panalo sa unang dalawa nilang laro kontra Indonesia, 5-1, at Iran, 1-0, noong nakaraang November window.


“We have a balanced team to face a strong opponent. We are both experienced and young in the mix. It’s important we look at players who can do the job and who we think could be ready for this task in every position,” dagdag pa ni Saintfiet.


Ang iba pang miyembro ng team ay sina goalkeepers Patrick Deyto at Kevin Ray Hansen; defenders Amani Aguinaldo, Pocholo Bugas, Marco Casambre, Jesse Curren, Simen Lyngbo, Jesper Nyholm, Christian Rontini, Daisuke Sato, Jefferson Tabinas at Paul Tabinas; midfielders Justin Baas, Kevin Ingreso, Oskari Kekkonen, Mike Ott, OJ Porteria, at Santiago Rublico at forwards Jarvey Gayoso at Patrick Reichelt.       

 
 

ni Anthony Servinio @Sports | March 16, 2024



ree


Nakamit ng Taguig Generals ang bihirang Grand Slam o tatlong magkasunod na kampeonato matapos talunin ang Cam Sur Express, 94-85, para sa 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup sa puno at maingay na Fuerte Cam Sur Sports Complex sa Bayan ng Pili Miyerkules ng gabi.  Winalis ng Generals ang seryeng best-of-five, 3-0, kasama ang 88-81 at 91-85 na tagumpay sa unang dalawang laro na ginanap sa Taguig City.

      

Ipinasok ni guwardiya Harvey Subrabas ang tatlong magkasunod na buslo sa simula ng 3rd quarter upang itayo ang pinakamalaking bentahe ng Taguig, 62-38.  Unti-unting humabol ang Cam Sur sa pangunguna ni kapitan Arnaldo Magalong hanggang naging dalawa na lang ang agwat sa shoot ni Jayson Orada kasabay ng hudyat ng last 2 minutes, 85-87.

       

Iyan ang huling hirit ng Express at bumira ng dalawang mahalagang tira si forward Noel Santos na sinundan ng isa pa kay Lerry John Mayo upang maging 93-85 at 49 segundo sa orasan.  Hinirang na Finals MVP si Mayo dala rin ng kanyang pagiging Best Player sa Game 1 at 2. 

       

Pumasok bilang mga reserba sina Dan Anthony Natividad at Edziel Galoy upang mamuno sa atake ng Generals na may 21 at 17 puntos.  Sinundan sila ni Subrabas na may 15. 

      

Ayon kay Coach Bing Victoria, maipagmamalaki ang ipinakita ng Generals lalo na at ito ay sa tahanan ng kalaban.  Inamin niya na talagang nahirapan sila sa Express, dikit ang mga laro at kinailangan ng matinding 4th quarter para maselyuhan ang panalo.

       

Magpapahinga saglit ang NBL-Pilipinas at babalik para sa mas pinalaking 2024 President’s Cup ngayong Abril.  Ang Taguig ay ang defending champion at hahanapin nila ang pangkalahatang ika-limang tropeo.  


 
 
RECOMMENDED
bottom of page