top of page
Search

ni Anthony Servinio @Sports | April 12, 2024



ree

Asahan ang kakaibang anyo at piyesta sa 2024 APO Half Marathon Race To Rescue For PAWS ngayong Linggo, Abril 14 sa Liwasang Ulalim ng Cultural Center of the Philippines.  Ang patakbo ay hatid ng kapatirang Alpha Phi Omega katuwang ang Green Media Events upang makatulong sa Philippine Animal Welfare Society. 


Tampok na distansya ang 21 kilometro na ilalarga simula ng 3 p.m.  Ang iba pang kategorya ay 10, 5 at 3 km at lahat ng mga kalahok ay kailangang tapusin ang kanilang karera bago ang 7 a.m. upang mabuksan muli ang mga daan sa trapiko. 


Maliban sa kinagawian na tubig at iba pang inumin, ito na siguro ang unang fun run sa bansa na may himpilan na maghahain ng lechon.  Magkakaroon din ng itlog, sari-saring prutas, kendi at tsokolate sa kahabaan ng ruta. 


Lahat ng tatawid ng finish line ay gagawaran ng medalya at tatanggap ng t-shirt at mga regalo mula sa mga sponsor.  May dagdag na tuwalya rin ang unang 1,500 na dadating. Maaari pang magpalista sa mga sangay ng Chris Sports sa Mall of Asia, Megamall, SM Sucat, Trinoma, Glorietta 3 at One Bonifacio High Street.  May online din sa My Run Time. 


Para sa mga hindi makakapunta sa araw mismo ng karera, may Virtual Race.  Tumakbo lang sa parehong araw at isumite ang katibayan ng oras at distansya para sa parehong medalya at t-shirt.  Ang malilikom na pondo ay mapupunta sa kanilang mga proyekto lalo na sa PAWS na bumabantay sa karapatan ng mga hayop.


Samantala, gaganapin sa Sabado, Abril 13 ang NATSA-TESDA Tek-Bok Run sa CCP din na isa pang patakbo ng Green Media.  Mayroon itong karera sa lima, tatlo at isang kilometro.

 
 

ni Anthony Servinio @Sports | April 12, 2024



ree

Ito na ba ang katapusan ng pagiging “amateur” ng Olympics?  Nagpahayag ang World Athletics na gagawaran nila ng $50,000 (P2.825-milyon) ang bawat magwawagi ng gintong medalya sa Paris 2024 Olympic Games sa Hulyo.


Malinaw na ang mga kampeon sa nakatakdang 48 event lang ang tatanggap ng premyo pero kailangan din silang pumasa sa drug test bago makuha ito.  Para sa mga relay, hahatiin ang $50,000 sa apat na kasapi ng koponan. 


 Iyan pa lang ang simula at palalawakin ito sa Los Angeles 2028 kung saan tatanggap din ang mga magtatapos ng pilak at tanso.  Ang pondo ay kukunin ng World Athletics mula sa makukuha nilang bahagi ng kabuuang kikitain ng Olympics.


Ang makasaysayang desisyon nito ay kabaligtaran sa mga alituntunin ni Baron Pierre de Coubertin at kanyang mga kasama noong itinatag nila ang modernong Olympiada noong 1896 sa Athens.  Sa maagang kasaysayan ng palaro ay may ilang mga atleta na binawian ng medalya matapos silang mapatunayan na tumanggap ng salapi kapalit ng paglaro ng sports subalit sa paglipas ng panahon ay may ilang mga sports na pumayag na maglaro ang mga propesyunal tulad ng basketball noong Barcelona 1992. 


Matagal din na nagbibigay ang mga pamahalaan at National Olympic Committee ng insentibo sa mga kampeon.  Sa kaso lang ni Tokyo 2020 gold medalist weightlifter Hidilyn Diaz, may inilaan na P10-milyon para sa kanya sa ilalim ng Batas Republika 10699 at tinatayang kabuuang lampas P50-milyon mula sa pribadong sektor kasama ang ilan pang regalo gaya ng mga sasakyan, bahay at lupa. 


Sa gitna ng usapin ay umusbong muli ang hinala na may kinalaman ito sa plano ng Pangulo ng World Athletics Sebastian Coe ng Gran Britanya na tumakbong Pangulo ng International Olympic Committee (IOC) oras na mapaso ang termino ni Thomas Bach ng Alemanya sa 2025.  Hindi ito tanggap dahil bawal ang pampublikong pangangampanya.          

 
 

ni Anthony Servinio @Sports | April 6, 2024



ree

Mga laro ngayong Sabado – Rizal Memorial


3 p.m. Manila Digger vs. Army

5 p.m. Dynamic Herb vs. Loyola (Cebu)

5:30 p.m. Air Force vs. Mendiola 1991

8 p.m. Tuloy vs. Maharlika Taguig

 

Aapaw ang aksiyon sa unang araw ng 2024 Philippines Football League (PFL) tampok ang tatlong laro sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila at isa sa Borromeo Sports Complex sa Cebu.  Bibisita ang nagbabalik na Loyola FC sa tahanan ng Dynamic Herb Cebu FC sa isang maagang tapatan ng mga paborito simula 5 p.m.  


Nagtapos na pangalawa ang Cebu sa 2023 PFL at naging daan upang makalaro sila sa AFC Cup laban sa mga bigatin ng Timog Silangang Asya.  Naging bahagi ang Loyola ng unang taon ng PFL noong 2017 bilang Meralco Manila at nagtala ng pinakamataas na kartada subalit nabigo sa #4 Global sa semifinals.


Mula sa pitong koponan noong nakaraang taon, biglang lumaki ang PFL sa 15 na simbolo ng patuloy ng pag-usbong ng Football sa bansa.  Nararapat lang na dalawang baguhan – Manila Digger at Philippine Army – ang magtatapat sa unang laro sa Rizal Memorial simula 3 p.m.  


Susundan ito ng isa pang nagbabalik na Philippine Air Force kontra Mendiola FC 1991 sa 5:30 p.m.  Naglaro ng isang taon ang PAF sa liga noong 2019 at nagtapos ng ika-anim sa pitong kalahok subalit determinado ang mga kasalukuyang Airmen na baligtarin ang resulta ngayon. 


Wawakasan ang araw ng sagupaan ng Tuloy FC at ang bagong anyong Maharlika Taguig sa 8 p.m.  Aabangan ang mga kabataan ng Tuloy na ilan ay may bitbit na karanasan sa pambansang koponan laban sa Maharlika na lumipat ng tahanan galing Maynila. 


Maglalaro ng isang round o tig-14 beses ang mga koponan at ang may pinakamataas na kartada ng kokoronahan sa Hulyo.  Ang kampeon ng PFL ang kakatawan sa bansa sa 2024-2025 AFC Champions League 2 at sa 2024-2025 Shopee Cup ASEAN Club Championship.

 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page