top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 13, 2024


Sports News
Photo: SGA / FB

Sisimulan ng Strong Group Athletics ang kanilang kampanya sa 43rd William Jones Cup ngayong Sabado laban sa pambansang koponan ng United Arab Emirates simula 1:00 hapon sa Xinzhuang Gym ng New Taipei City.  Layunin ng koponan na dagdagan ang anim na kampeonato ng bansa sa taunang torneo na parangal sa dating Secretary-General ng FIBA. 


       Itataya ni Coach Charles Tiu ang kanyang perpektong 16-0 kartada sa paggabay sa Mighty Sports sa dalawang Jones Cup noong 2016 at 2019.  Ang iba pang kampeonato ng Pilipinas ay dumating noong 1981, 1985, 1998 at 2012. 


       Ang koponan ay pangungunahan ng beteranong si Keifer Ravena.  Ang iba pang mga kakampi ay sina Ange Kouame, Geo Chiu, Jordan Heading, Rhenz Abando, RJ Abarrientos, Dave Ildefonso, DJ Fenner at Caelan Tiongson na lahat ay may karanasan maglaro bilang import sa ibang bansa. 


       Kinuha rin ng SGA ang mga mag-aaral na sina Allen Liwag at Winston Ynot ng Saint Benilde at Jonathan Manalili ng Letran.  Ang mga import ay ang tambalan ng mga 6’9” Tajuan Agee at dating San Miguel Beerman Chris McCullough na hindi itinatago ang pagnanais na maging Filipino at maglaro sa Gilas Pilipinas. 


        Ang nagkampeon noong nakaraang taon ay ang University of California-Irvine Anteaters na winalis ang walong laro.  Ito ang pagbabalik ng Jones Cup matapos matigil noong 2020 hanggang 2022 bunga ng pandemya at ang Pilipinas ay kinatawanan ng Rain Or Shine Elasto Painters na nagtapos na ika-7 na may 2-6 panalo-talo.


         Samantala, kahit nawala ang medalyang tanso sa katatapos na Jones Cup ng kababaihan ay nag-uwi ng konswelo ang Gilas Pilipinas at pinarangalan si Jack Danielle Animam bilang kasapi ng First Team.  Kasama niya sina MVP Haru Owaki, Rakuko Miyahiro at Natsuki Kinoshita ng kampeon Japan Universiade at Supavadee Kunchuan ng Thailand. 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 7, 2024


Sports News
Photo: VolleyballWorld / FB

  Itinumba ng Puerto Rico ang mabigat na paboritong Belgium sa semifinals ng 2024 FIVB Challenger Cup for Women kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.  Tatlong set lang ang kinailangan – 25-19, 25-15 at 25-16 – para sa pinakamalaking gulat ng torneo. 


       Agad pumorma ang Puerto Rico sa likod nina Diana Reyes, Paola Nicole Santiago at ang 18 anyos na si Grace Mar Lopez.  Ipinakita ng Puerto Rico ang lalim ng koponan at sina Stephanie at Wilmarie Rivera ang namayani sa pangalawang set bago tinapos nina Santiago at Lopez ang trabaho. 


      Umatake si Santiago para sa kabuuang 13 puntos habang sumuporta si Lopez na may 10.  Si Pauline Martin ang nagtaguyod sa FIVB World #13 Belgium na may siyam na puntos lang.


      Hihintayin na ng mga FIVB #15 Puerto Rican ang magwawagi sa kabilang semifinal sa pagitan ng Czech Republic at Vietnam para sa kampeonato at tiket sa 2025 Volleyball Nations League (VNL) ngayong Linggo.  Ang Belgium at ang isa pang matatalong koponan ay paglalabanan ang pangatlong puwesto.


       Samantala, babawi ang Alas Pilipinas mula sa kanilang pagkatalo sa Vietnam noong Biyernes at sunod na tututukan ang kanilang pagsabak sa Southeast Asian Volleyball League (SEA V.League) o ang dating kilala bilang ASEAN Grand Prix.  Magkikita muli sila ng mga Vietnamese at ang iba pang bigatin ng rehiyon Thailand at Indonesia sa dalawang yugto sa Vietnam mula Agosto 2 hanggang 4 at sa Thailand mula 9 hanggang 11. 



 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 7, 2024


Sports News
Photo: OneSports / YT

Isang malamyang third quarter ang nagdikta ng kapalaran ng Gilas Pilipinas at tuluyang silang gumuho kontra Brazil, 71-60, sa semifinals ng 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament Sabado ng gabi sa Arena Riga. Naglaho ang pangarap ng mga Pinoy na makapasok sa Paris Olympics at maghihintay muli ng apat na taon para sa Los Angeles 2028.


Humataw ang Brazil para sa unang limang puntos ng laro sa mga buslo ng mga NBA player Gui Santos ng Golden State Warriors at Bruno Caboclo na dating Houston Rockets. Hindi nagpatinag ang Gilas at nagawang baliktarin ang laro at itayo ang 24-12 bentahe maaga sa second quarter sa shoot ni June Mar Fajardo at kumapit para maging 33-27 sa halftime.


Biglang dumating ang disgrasya at hindi maipasok ng mga Pinoy ang bola at kinuha ng mga Brazilian ang pagkakataon na magsabog ng unang 14 puntos ng third quarter, 41-33. Inabot ng mahigit anim na minuto bago gumalaw ang iskor ng Gilas sa shoot ni Fajardo subalit pagmamay-ari talaga ng Brazil ang laro.


Sinubukan paganahin ni Dwight Ramos ang mga kakampi at bumanat ng three-points upang buksan ang huling quarter, 39-51. Sumandal ang Brazil sa napapanahong tira ng 41 anyos na dating Los Angeles Laker point guard Marcelino Huertas at Caboclo para kontrahin lahat ng tangkang bumalik ng Gilas.


Double-double si Caboclo na 15 puntos at 11 rebound habang may 13 at pitong assist si Huertas. Nanguna muli sa Pilipinas si Justin Brownlee na may 15 ngunit nalimitahan sa tatlo lang sa second half at sinundan ni Ramos na may 13 habang hindi naglaro si Kai Sotto matapos masaktan ang tadyang sa huling laro kontra Georgia.


Hihintayin ng Brazil ang magwawagi sa pagitan ng host Latvia at Cameroon sa kabilang semifinal. Ang magwawagi ang tanging tutuloy sa Paris kung saan ilalagay sila sa Grupo B kasama ang host Pransiya, 2023 FIBA World Cup kampeon Alemanya at Japan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page