top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 28, 2024


Sports News
Photo: One Sports / FB

Pinatunayan muli ni Carlos Yulo bakit ang Floor Exercise ang kanyang paboritong disiplina at pasok na siya sa finals nito sa Men’s Artistic Gymnastics ng Paris 2024 Linggo ng madaling araw sa Accor Arena. Pasok din siya sa finals ng Vault at All-Around upang manatili sa daan patungong mahigit sa isang medalya.

Ginawaran ng 14.766 puntos ang Pinoy at naluklok agad sa ikalawang puwesto. Tanging si Jake Jarman ng Gran Britanya ang tumalo sa kanya sa 14.966.


Isa sa mga unang tumalon sa Vault si Yulo at ang kanyang kabuuang iskor na 14.683 ay sapat upang ilagay siya sa pang-apat na puwesto sa likod nina Harry Hepworth ng Gran Britanya (14.766), Aurel Benovic ng Croatia (14.733) at Jarman (14.699). Mahusay ang unang talon ni Yulo na umani ng 14.800 subalit hinila siya pababa ng pangalawang talon na binigyan ng 14.566 ng mga hurado.


Kinailangang hintayin matapos ang lahat ng kalahok kung may makakahigit sa puntos ng Pinoy at alisin siya sa unang walo. Mabuti na lang at ang magkakabayan na sina Nazar Chepurnyi (14.833) at Igor Radilov (14.700) ng Ukraine lang ang tumalo kay Yulo kaya pasok pa rin siya bilang ika-anim.


Hindi pinalad si Yulo sa ibang mga disiplina. Ika-40 siya sa Pommel Horse (13.066), ika-49 sa Rings (13.000), ika-19 sa Parallel Bars (14.533) at ika-27 sa Horizontal Bar (13.466).


Kung ipagsasama ang lahat na nalikom niyang puntos sa anim na disiplina, mayroon siyang 83.361 upang umakyat sa ika-siyam na puwesto sa All-Around. Ang unang 24 ang tutuloy sa finals at limitado sa tig-dalawa bawat bansa.


Sa Hulyo 31 nakatakda ang All-Around finals simula 11:30 ng gabi. Ang finals sa Floor Exercise ay sa Agosto 3 simula 9:30 ng gabi at tutuldukan ni Yulo ang kanyang kampanya sa Vault finals sa Agosto 4 simula 10:24 ng gabi, lahat sa Accor Arena pa rin.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 27, 2024


Sports News
Photo: Joanie Delgaco / Olympics 2024

Nagtapos na pang-apat si Joanie Delgaco sa kanyang karera sa Women’s Single Sculls ng Paris 2024 Olympics bilang unang Filipino na sumalang sa aksiyon Sabado. Hindi pa tapos ang laban para sa dating Volleyball player na lumipat sa Rowing at dadaan siya sa Repachage ngayong Linggo simula 3:00 ng hapon.


Umoras si Delgaco ng 7:56.26 sa likod nina Karolien Florijn ng Netherlands (7:36.90), Aurelia-Maxima Katharina Janzen ng Switzerland (7:41.15) at Nina Kostanjsek ng Slovenia (7:46.30). Ang unang tatlo ay pasok na sa quarterfinals habang si Delgaco at mga dinaig niya na sina Nihed Benchadli ng Algeria (8:06.62) at Majdouline El Allaoui ng Morocco (8:30.47) ay dadaan sa Repachage ngayong araw.


Si Viktorija Senkute ng Lithuania ang nagtala ng pinakamabilis na oras sa kabuuang 32 kalahok na 7:30.01. Pangalawa si Tara Rigney ng Australia (7:30.71) at pangatlo si Kara Kohler ng Estados Unidos (7:32.46) upang maging mga maagang paborito na mag-uwi ng medalya.


Makakaharap ni Delgaco sa Repachage sina Evidelia Gonzalez ng Nicaragua (8:23.25), Yariulvis Cobas ng Cuba (8:11.13), Pham Thi Hue ng Vietnam (8:03.84) at Akoko Komlanvi ng Togo (8:44.88). Kung oras ang batayan, mabigat na paborito ang Pinay dahil siya lang ang mas mababa sa walong minuto.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 27, 2024


Sports News
Photo: POC - Philippine Olympic Committee - Olympic.PH / FB

Lumihis sa kinagawiang tradisyon ang isang nararapat na pambungad na seremonya para sa Paris 2024 Olympics, ang pangatlong pagkakataon magsisibing punong abala ang lungsod matapos ang 1900 at 1924. Pumarada ang mga atleta sa maulan na Ilog Seine imbes na sa loob ng stadium balot ang umaapaw na enerhiya papasok sa pinakamalaki at prestihiyosong palaro sa mundo.


Dumating ang kumpit sakay ang Team Pilipinas sa pangunguna ng mga boksingero Nesthy Petecio at Carlo Paalam na itinalagang magdala ng watawat. Kasama nila ang mga delegasyon ng Poland at Puerto Rico.


Unang pumarada ang Gresya kung saan isinilang ang Olympics at sinundan ng mga bansa ayon sa kanilang pangalan sa wikang Pranses. Ang host Pransiya ang huling pumasok.


Nanabik ang lahat sa paglahad kung sino ang binigyan ng karangalan na sindihan ang apoy na simbolo ng palaro at napunta ito kay Marie-Jose Perec ng Athletics at Teddy Riner ng Judo. Bago noon, isa-isang ipinasa ang sulo ng mga alamat kabilang sina Rafa Nadal at Amelie Mauresmo ng Tennis, Tony Parker ng Basketball at ang 100-taong anyos na si Charles Coste na nag-uwi ng ginto sa Cycling Team Pursuit noong London 1948.


Kasabay ng palabas sa Paris ay sabay ginanap ang seremonya sa Tahiti kung saan gaganapin ang Surfing sa Karagatang Pacifico. Tatakbo ang Olympics hanggang Agosto 11.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page