top of page
Search

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 23, 2022

ree

Matapos ang tatlong taong paghinintay ay gaganapin ang ikalawang edisyon ng FIBA 3x3 Asia-Pacific Super Quest ngayong Abril 30 at Mayo 1 sa Solenad ng Santa Rosa City, Laguna. Isang dosenang koponan mula sa lahat ng sulok ng kontinente ang aasahan na lalahok sa unang yugto ng serye ng mga malaking pandaigdigang palaro ngayong taon sa Pilipinas.


Ilan sa mga maagang nagpahayag ng kanilang paglahok ay dalawang koponan mula sa Mongolia na Zaisan MMC Energy at Sansar MMC Energy at Tangerang ng Indonesia. Ang Mongolia ang numero unong bansa sa Asya sa 3x3, habang ang Tangerang ay kagagaling lang sa kampeonato sa ASEAN Basketball League International Champions Cup noong nakaraang linggo sa Bali, Indonesia gamit ang pangalang Indonesia Warriors A.


Tulad sa unang Super Quest, maaaring magpadala ng hanggang dalawang kinatawan ang Pilipinas. Napipisil na isa sa mga ito ang Cebu Chooks na kinabibilangan ng numero unong manlalarong Pinoy na sina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang, Mike Harry Nzeusseu at Brandon Ramirez.


Ayon kay Ronald Mascarinas ng Chooks To Go Pilipinas 3x3, bilang isang global partner ng FIBA ay hindi lang layunin nila na pataasin ang antas ng 3x3 sa bansa kundi pati na rin sa Timog-Silangang Asya. Dahil dito, inaasahan na sasali ang iba pang bansa na naghahanda para sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam sa Mayo.


Maliban sa gantimpalang $10,000 (P523,850) para sa kampeon at $5,000 (P261,925) para sa pangalawa, bibigyan din sila ng tiket patungo sa World Tour Manila Masters na nakatakda para sa Mayo 28 at 29. Kumpirmado na ang paglahok sa Manila Masters ng Liman Huishan NE at Ub Huishan NE ng Serbia at Antwerp ng Belgium na siyang kasalukuyang Top Three koponan sa FIBA 3x3 World Ranking at ang pausbong na Warsaw Lotto ng Poland.



 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 23, 2022

ree

Hindi sumuko ang bisitang Memphis Grizzlies at itinumba ang Minnesota Timberwolves, 104-95, at makamit ang 2-1 lamang sa kanilang seryeng best-of-seven sa NBA Playoffs, kahapon sa Target Center. Isang panalo na lang ang kailangan ng Golden State Warriors sa kanilang serye sa Denver Nuggets matapos manaig, 118-113.


Lumamang agad ang Timberwolves, 12-0, at pinalaki ito hanggang 26 sa second quarter, 47-21. Mula roon ay nagtulungan sina Desmond Bane at Ja Morant hanggang matabla ang laban, 90-88, sa dalawang free throw ni Brandon Clarke at 5:27 sa orasan.


Sinigurado ng Grizzlies na hindi masasayang ang pinaghirapan at ipinasok ni Dillon Brooks ang 3-points na sinundan ng pandiin na shoot ni Morant na nagtayo ng 104-92 lamang at 50 segundong nalalabi. Tumira ng tres si Anthony Edwards ng Minnesota para sa huling iskor.


Bumira ng 26 puntos si Bane buhat sa pitong tres, habang 20 puntos si Clarke. Triple-double si Morant na 16 puntos, 10 rebound at 10 assist. Lamang ang Nuggets, 111-109 at nagpasok ng tres si Andrew Wiggins na sinundan ng shoot ni Stephen Curry at 3-point play ni Jordan Poole para sa siguradong 117-111 lamang at 31 segundo sa orasan.


Kailangan na ng Denver na walisin ang apat na sunod na laro upang makapasok sa West semis.


Hiyang si Curry sa bagong papel bilang reserba at nagsabog ng 27 puntos sa 30 minuto, habang 27 puntos din si Jordan Poole. Hindi isinama ni Coach Steve Kerr si Curry sa First 5 sa unang dalawang laro ng serye kung saan gumawa siya ng 16 at 34 puntos.


Sa isa pang serye, umabante ang bisitang Dallas Mavericks sa Utah Jazz, 2-1, matapos ang 126-118 tagumpay. Patuloy ang pag-angat ng laro ng Mavs sa gitna ng patuloy na pagliban nina Luka Doncic at Tim Hardaway, Jr.



 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 22, 2022

ree

Inagaw ng defending champion Kaya FC Iloilo ang solong liderato ng 2022 Copa Paulino Alcantara matapos ang kumbinsidong 4-0 panalo sa Azkals Development Team Miyerkules nang gabi sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Sa naunang laro, hindi sapat ang 90 minuto para sa Mendiola FC 1991 at Stallion Laguna FC at nagtapos sila sa 0-0 tabla.

Nakamit sa wakas ni Robert Lopez Mendy ang kanyang unang goal ngayong taon sa ika-20 minuto bunga ng magandang pasahan nila ni Kapitan Jovin Bedic. Sinundan ito ni Carlyle Mitchell na tumalon upang maulo papasok ang bola sa ika-24 minuto at humirit ng isa pang goal si Lopez Mendy sa ika-30 minuto at tuldukan ang nakakahilong 10 minuto.


Isang mas agresibong Azkals ang lumabas para sa second half, subalit nanaig pa rin ang pagiging beterano ng Kaya. Matapos tulungan sina Mitchell at Lopez Mendy sa kanilang mga goal, tinulungan ni Daizo Horikoshi ang sarili at ipinasok ang pang-apat na goal sa ika-80 minuto at isara ang pinto para sa Azkals na tinalo rin ng Kaya sa 2021 Copa Finals noong Nobyembre.


Umakyat sa 10 puntos ang Kaya buhat sa tatlong panalo at isang tabla at lundagan ang United City Football Club na may 8 puntos (2-2-0). Nanatili sa pangatlo ang Azkals na may apat na puntos (1-1-2).


Magiging abala ang Azkals sa susunod na linggo at lalaro sila nang dalawang beses bago tumutok sa paglahok sa 31st Southeast Asian Games. Inaasahan na lalaro sa kanila ang beteranong si Stephan Schrock kontra sa Maharlika Manila FC sa Abril 25 at Dynamic Herb Cebu FC sa Abril 28.


Parehong kinailangan ng Mendiola at Stallion ang tagumpay upang mauwi ang buong tatlong puntos at pagandahin ang kanilang pag-asa na makapasok sa semifinals sa susunod na buwan. Halos pantay ang nakuha nilang pagkakataon na maka-goal, subalit pareho silang nagpamalas ng pisikal na depensa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page