top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 26, 2021




Nabuhay ang kampanya ng Los Angeles Clippers at tinalo ang mainit na Phoenix Suns, 106-92, sa Game Three ng Western Conference Finals ng 2021 NBA Playoffs kahapon sa Staples Center. Kahit bigo, lamang pa rin ang Suns sa seryeng best of seven, 2-1.


Bumuhos ng lakas ang Clippers sa second half kung saan binura nila ang 48-46 lamang ng Suns matapos ang first half upang itayo ang kanilang pinakamalaking lamang sa 4th quarter, 89-71, at 10 minuto sa orasan. Bahagyang nakalapit ang Phoenix, 83-89, subalit agad napigil ang banta ng limang magkasunod na puntos ni Reggie Jackson at dalawang free throw ni Paul George, 96-83.


Nanguna para sa Clippers si George na may 27 puntos at 15 rebound. Sumunod si Jackson na may 23 puntos habang double-double din si Ivica Zubac na 15 puntos at 16 rebound.


Bumalik sa aksyon si Chris Paul at agad naparamdam siya sa kanyang 15 puntos at 12 assist subalit nabitin sila. Tumulong ang bayani ng Game Two na si Deandre Ayton sa kanyang 18 puntos at dumagdag ng 15 si Devin Booker na naglaro na may maskara matapos mabasag ang ilong sa parehong laro.


Naputol ang siyam na sunod-sunod na tagumpay ng Suns simula sa huling tatlong laban sa dating kampeon Los Angeles Lakers, ang 4-0 na pagwalis sa Denver Nuggets at unang dalawang laro ng kasalukuyang serye. Ang Game 4 ay gaganapin ngayong Linggo sa Staples Center muli at hahanapin ng Clippers ang 2-2 na tabla.


Samantala, walang nasa isip ng Milwaukee Bucks kundi makabawi sa harap ng kanilang mga tagahanga ngayong araw sa Game Two ng East Finals sa Fiserv Forum laban sa ganadong Atlanta Hawks simula 8:30 ng umaga. Iiwasan ng Bucks na matalo ng pangalawang sunod sa bisitang Hawks na wagi sa Game One noong isang araw, 116-113.

 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 25, 2021




Gumawa ng bagong kasaysayan ang Kaya Football Club Iloilo at nakapasok sila sa group stages ng prestihiyosong 2021 AFC Champions League (ACL) matapos ang isang nakakapanabik na 1-0 panalo sa Shanghai Port ng Tsina Miyerkules ng gabi sa Leo Stadium. Inulo papasok ni midfielder Audie Menzi ang nag-iisang goal sa ika-17 minuto galing sa corner kick para sa pinakamalaking tagumpay buhat na maitatag ang koponan noong 1996.


Lumabas na si Menzi, ang pambato ng Benguet at Far Eastern University, ang sorpresa ng Kaya at dahil sa kanyang goal ay lalong umangat ang laro ng kanyang mga kakampi pagsapit ng second half. Kahit pinalaro ang kanilang mga reserba lang, naging mahirap na kalaban ang Shanghai at nagbanta ng ilang beses subalit napigil ito ni goalkeeper Michael Louie Casas upang hindi magbago ang resulta.

Hindi na uuwi ng Pilipinas at maghahanda na ang Kaya para sa kanilang opisyal na unang laban sa Grupo F ng ACL kontra punong abala BG Pathum United ng Thailand ngayong Sabado simula 6:00 ng gabi sa Leo Stadium muli. Ang BG Pathum ang kampeon ng 2020-2021 Thai League One at kasama sa kanilang manlalaro ang Philippine Azkals na si Kevin Ingreso.


Ang iba pang mga parating na laro ay laban sa Viettel ng Vietnam sa Hunyo 29 at defending ACL champion Ulsan Hyundai ng Timog Korea sa Hulyo 2. Magkikita muli ang apat na koponan sa isa pang round robin mula Hulyo 5 hanggang 11.


Dahil sa kanilang panalo, hindi na maglalaro ang Kaya sa 2021 AFC Cup at mananatiling bakante ang kanilang puwesto dahil walang kapalit na koponan galing Philippines Football League (PFL). Hindi din tiyak kung matutuloy ang nasabing torneo sa Hunyo 30 matapos umatras ang Singapore bilang punong abala ng mga laro sa ASEAN group stages.

 
 

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 24, 2021




Isinalpak ni Deandre Ayton ang bola na may 0.7 segundo sa orasan upang buhatin ang Phoenix Suns sa makapigil-hiningang 104-103 panalo sa bisitang Los Angeles Clippers sa Game Two ng Western Conference Finals sa pagpapatuloy ng 2021 NBA Playoffs kahapon sa Phoenix Suns Arena. Kumalas sa depensa at sinalo ni Ayton ang palobong pasa ni Jae Crowder para sa nagpapanalong dunk at ibigay sa Suns ang 2-0 lamang sa seryeng best of seven.


Nabawi ng Clippers ang lamang salamat sa buslo ni Paul George na may 21 segundong nalalabi, 103-102. Nawala ang bola sa kamay ni Devin Booker at namigay ng foul subalit namintis ni George ang kanyang dalawang free throw para bigyan ng pag-asa ang Phoenix na gumawa ng milagro sa huling 7.8 segundo.


Nagsabog ng 29 puntos si gwardiya Cameron Payne bilang kapalit na Chris Paul na patuloy ang pagliban dahil sa COVID-19 protocol. Sumunod sina Ayton na may 24 puntos at 14 rebound at Booker na may 20 puntos.


Nagtapos si George na may 26 puntos subalit lima sa 10 free throw lang ang kanyang naipasok. Kahit bigo, naipakita ng Clippers na kaya nilang umahon matapos matalo ng unang dalawang laban tulad sa mga nakaraang serye kontra Dallas Mavericks at numero unong Utah Jazz at maghahanda na sila para sa Game Three sa Staples Center ngayong Biyernes.


Magbubukas ang East Finals ngayong araw sa pagdalaw ng Atlanta Hawks sa Milwaukee Bucks simula 8:30 ng umaga. Maliban sa paglaro sa tahanan Fiserv Forum, paborito ang Bucks bunga ng dalawa nilang panalo sa tatlong tapatan sa Hawks noong regular season.


Samantala, ang Detroit Pistons ang unang pipili sa NBA Draft 2021 sa Hulyo 29 matapos mabunot sa NBA Draft Lottery. Nagkakaisa ang maraming koponan na si Cade Cunningham ng Oklahoma State University, isang 19 anyos na gwardiyang 6’8”, ang maaaring maging numero unong rookie ngayong taon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page