ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | December 23, 2021

Sa nakaraang episode ng It's Showtime nitong Martes (Disyembre 21), nanawagan si Vice Ganda sa madlang pipol kung papaano sila makakatulong sa mga nasalanta ng Bagyong Odette partikular na sa probinsiya ng Siargao at Cebu.
Sabi ni Vice, “Habang tayo’y nagkakasiyahan, alam kong marami tayong ginagawa, marami tayong naplano, pero as our lives go on, ‘wag nating kalimutan na may mga nangangailangan na mga Kapamilya natin ng tulong na mga nabiktima ng Bagyong Odette sa Cebu, sa Siargao, at sa napakaraming lugar sa Pilipinas. Kaya sana, magtulung-tulong po tayo, kailangan po tayo ng mga kababayan natin.
“Again, alam ko, Pasko ngayon, nagkakasiyahan tayo, pero isipin pa rin natin kahit papaano, isama natin sa mga plano natin ang mga kababayan nating nabiktima ng Odette.
“Kung may mga gusto hong mag-donate, puntahan n'yo ‘yung mga social media accounts namin sa Instagram, sa IG Stories ko. Ipinost ko du'n kung saan kayo puwedeng mag-donate [sa] ABS-CBN Foundation...
"At bilang panimula, 'yung TF (talent fee) ko ngayong araw, ibibigay ko sa Sagip Kapamilya para sa mga Kapamilya natin,” panawagan ni Vice.
Hinimok din ni Vice ang mga co-hosts na mag-alay din ng konting tulong para sa mga sinalanta ni Odette.
Agad namang tumugon si Amy Perez, “Kasama mo kami diyan, Meme [Vice].”
“Ayan, ipapadala po namin ‘yung aming tulong sa Sagip Kapamilya. Sana po, madlang pipol, kung may kakayahan po kayo, sumunod po kayo doon. Maraming-maraming salamat po,” pagwawakas ni Vice Ganda.






