- BULGAR
- May 26, 2023
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 26, 2023
Dear Chief Acosta,
Nitong taon ay nagsimulang pumasok ang anak ko na mag-isa papunta sa kanyang paaralan.
Bahagi ng kanyang araw-araw na biyahe ang pagsakay sa jeep. Nabanggit ng anak ko na napansin niya na marami sa mga tsuper ang naninigarilyo habang nagmamaneho.
Lubos akong nabahala rito dahil lumaking may karamdaman sa paghinga ang aking anak.
Kinatatakutan ko na baka sumpungin siya ng kanyang sakit sa baga dahil sa nalalanghap niyang usok ng sigarilyo mula sa tsuper ng sinasakyan niyang jeep. May sinasabi ba ang batas tungkol sa pagbabawal sa paninigarilyo ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan? Sana ay mapayuhan ninyo ako. Maraming salamat sa inyong tanggapan. – Jessica Rose
Dear Jessica Rose,
Sa pangkalahatan, ang paninigarilyo sa pampublikong lugar ay ipinagbabawal at pinaparusahan ng batas. Ito ay nakasaad mismo sa inilabas na Executive Order No. 26 (EO 26) ng Office of the President of the Philippines noong 16 Mayo 2017 na pinamagatang “Providing for the Establishment of Smoke-Free Environment in Public and Enclosed Spaces.” Alinsunod ito sa polisiya ng Estado na paniguraduhin ang pagtamasa ng bawat Pilipino sa malinis na hangin, kasama ng pagsusulong sa karapatang pangkalusugan at pagtatanim ng kahalagahan ng mabuting kalusugan sa kamalayan ng mga Pilipino.
Ang paninigarilyo ayon sa kautusan na ito ay tumutukoy sa akto ng pagkakaroon ng may sindi na produktong tabako, maging ang usok nito ay hinihithit man o ibinubuga. (Sec 1(I)) Nasusulat sa Section 3 ng EO 26 ang mga gawaing itinuturing na paglabag sa batas kung saan kasama ang “Smoking within enclosed public spaces and public conveyances, whether stationary or in motion…” Ibig sabihin, ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga saradong pampublikong lugar at pampublikong sakayan, ito man ay tumatakbo o nakapanatili.
Ang mga public conveyances o pampublikong sasakyan na nabanggit sa kautusan na ito ay tumutukoy naman sa mga uri ng transportasyon para sa pangkalahatang populasyon tulad ng mga “elevators, airplanes, ships, jeepneys, buses, taxicabs, trains, light rail transits, tricycles and other similar vehicles.” (Sec. 1 (j)) Malinaw sa mga nabanggit na ito na hayagang kabila ng ang mga jeep sa mga pampublikong sasakyan kung saan ipinagbabawal at itinuturing na paglabag sa batas ang paninigarilyo.
Dagdag pa rito, nakasaad din sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 9211 (RA 9211), na pinamagatang “Tobacco Regulation Act of 2003,” ang paninigarilyo sa mga lugar na itinalagang bawal manigarilyo ay itinuturing na gawaing may kaparusahan. (Sec. 1.1 Rule I, Title V) Ang sinumang lalabag dito ay magmumulta ng halagang mula P500 hanggang P10,000, depende sa dalas ng paglabag, at may kasamang parusa ng pagpapawalang bisa sa kanilang license to operate. (Sec. 2, Ibid)
Alinsunod din sa RA No. 9211, naglabas ng Memorandum Circular No. 2009-036 ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na siyang nakakasakop sa mga operators at tsuper ng mga pampublikong sasakyan nito. Ayon dito, lahat ng pinagkalooban ng permisong magpatakbo ng pampublikong sasakyan ay inuutusan na sundin ang pagbabawal sa paninigarilyo sa loob nito at maging sa mga terminal nito.
Ipinag-uutos din na kinakailangan maglagay ng No Smoking Signages sa mga nasabing sasakyan at lugar bilang paalala sa lahat ng mga mananakay na bawal manigarilyo rito.
Bilang pangwakas, mabuting ipaalam din na binibigyan ng EO 26 ng mandato ang mga kapulisan sa pagpapatupad ng mga kautusan dito, kasama ang panghuhuli sa mga lumalabag dito at pagsasampa ng kaukulang kriminal na kaso sa mga lalabag sa pagbabawal manigarilyo. (Sec. 9)
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




