top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 28, 2023



Kapag ang kasunduan ng magsasaka at may-ari ng lupa ay hati sila sa binhi na itatanim, gayundin sa abono na ilalagay bilang pataba sa mga pananim, ang relasyong nabuo sa pagitan nila ay hindi landlord-tenant kundi isang partnership.


Nakasaad sa Articles 1767 at 1771 ng New Civil Code of the Philippines ang mga sumusunod:


“Article 1767: By the contract of partnership two or more persons bind themselves to contribute money, property, or industry to a common fund, with the intention of dividing the profits among themselves.

Article 1771: A partnership may be constituted in any form, except where immovable property or real rights are contributed thereto, in which case a public instrument shall be necessary.”


Mula sa mga probisyon ng nabanggit na batas, makikita natin na ang nabuong relasyon sa pagitan ng magsasaka at may-ari ng lupa ay isang partnership. Ang kontribusyon ng bawat isa sa nasabing partnership ay lupa at kalahati ng binhi at abono o pataba ay mula sa may-ari ng lupa, habang ang kalahati ng binhi at abono o pataba at pagtatrabaho ay mula sa magsasaka. Anumang kikitain sa pagtatanim ay paghahatian nilang dalawa nang patas.


Bagama’t ang isang partnership ay dapat nakalagay sa isang nakasulat na kontrata kapag mayroong lupang nakasama sa kontribusyon, ang naging kasunduan ng magsasaka at may-ari ng lupa o sakahan ay mayroon pa ring epekto sa pagitan nila, at marapat lamang na maisakatuparan ang napagkasunduan nang may maayos na kalooban. Subalit dapat na masunod lamang ang mga napagkasunduan ng bawat panig, sapagkat kung mayroon pang karagdagang ginawa ang magsasaka na taliwas sa napagkasunduan, tulad ng pagpapatayo ng istruktura na hindi nalalaman ng may-ari ng lupa, maaaring ipatanggal sa nasabing magsasaka ang nasabing istraktura sa sarili niyang gastos dahil ang sinuman na magtayo ng isang istruktura sa lupa ng ibang tao na walang pahintulot ay tinataguriang “builder in bad faith.” At dahil ang pagpapatayo ay hindi pinahihintulutan, maaari itong ipaalis ayon sa Article 449 ng New Civil Code of the Philippines kung saan nakasaad na:


“Article 449. He who builds, plants or sows in bad faith on the land of another, loses what is built, planted or sown without right to indemnity.”


Kung mayroong paglabag sa kasunduan ay maaaring wakasan ang naging kasunduan bilang “partners” dahil sa mga paglabag sa mga napagkasunduan.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 27, 2023



Dear Chief Acosta,


Pumasa ang aking pinsan sa Nutrition and Dietetics Licensure Exam ngunit ayaw siyang bigyan ng Certificate of Registration ng Board of Nutrition and Dietetics. Ayon sa Board, diumano ay may ginawa siyang paglabag noong nakaraang exam. Tama ba ang kanilang ginawa? – Ysel


Dear Ysel,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Republic Act (RA) No. 10862 o mas kilala sa tawag na Nutrition and Dietetics Law of 2016. Nakasaad sa Section 21 nito na:


“Section 21. Grounds for Non-Registration. - The Board shall not register any successful examinee who has been:


(b) Adjudged guilty for violation of the General Instructions to Examinees by the Board.”


Ayon sa nasabing batas, maaaring hindi isyuhan o irehistro ang isang taong nakapasa sa Nutrition and Dietetics Licensure Examination kung mayroon siyang nilabag sa pangkalahatang tagubilin patungkol sa pagsusulit.


Nakasaad din sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas ang mga kapangyarihan at responsibilidad ng mga miyembro ng Board gaya ng sumusunod:


“Section 11. Powers, Functions, Duties and Responsibilities of the Board. The Board shall exercise executive, administrative, rule-making, and quasi-judicial powers in carrying out the provisions of RA 10862. It shall be vested with the following specific powers, functions, duties and responsibilities:


Licensure Functions:

(i) issue, suspend, revoke or reinstate the COR and Special/Temporary Permits for the practice of Nutrition and Dietetics.”


Samakatuwid, ang pangalan ng iyong pinsan ay maaaring hindi mairehistro kahit siya ay pumasa sa pagsusulit, batay sa desisyon ng board ukol sa ginawa niyang paglabag sa batas na nabanggit at iba pang alituntunin na may kinalaman sa Nutrition and Dietetics Licensure Exam.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | May 26, 2023


Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng Public Attorney’s Office (PAO), aming nakita kung gaano karaming mga bata ang naturukan ng nasabing bakuna. Nagkaroon ng napakatinding pagbabago sa kanilang pag-uugali. Isa sa mga ito ay si Ma. Vinna Mae Etang, anak nina G. Benjamin at Gng. Nancy Etang ng Pampanga.


Sa kanilang Salaysay, inilarawan nila ang ilan sa mga naganap na pagbabago sa asal ni Vinna noong siya ay nabubuhay pa:

“Nagkaroon siya ng mood swings, severe headache, at nireregla siya nang buo-buong dugo.


Naging palasagot na rin ang aming anak. ‘Yung dating mabait na bata ay naging paladabog.


Sumasagot na rin siya tuwing napagsasabihan. Kaya laking pagtataka namin dahil hindi naman siya dating ganito.”


ree

Si Vinna, 15, namatay noong Oktubre 7, 2020. Siya ang ika-158 na mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA). Noong Disyembre 22, 2015, siya ay isinailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, matapos na hilingin ito ng kanyang mga magulang. Siya ay tatlong beses na nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Una ay noong Marso 21, 2016, pangalawa ay noong Oktubre 18, 2016, at pangatlo ay noong ng Hunyo 16, 2017.



Ayon sa kanyang magulang na sina G. at Gng. Etang, si Vinna ay “Isang masayahin, aktibo, at masigla. Sa katunayan, siya ay naglalaro ng Arnis at naging champion noong Grade 5 at Grade 6. Naging Ms. Intramurals din siya sa kanyang eskwelahan. Samantala, hindi na siya isinama sa Caraga noong nalaman nilang nabakunan siya ng Dengvaxia.”


Mula taong 2017 hanggang sa namatay si Ma. Vinna Mae Etang noong Oktubre 7, 2020, narito ang kaugnay na mga detalye sa nangyari sa kanya:

  • Taong 2017 - Nagkaroon siya ng skin pigmentation at rashes. Pasulput-sulpot ito sa kanyang balat. Madalas na sumakit noon ang kanyang ulo.

  • Taong 2018 - Nagkaroon ng pagkakataon na dumudugo ang kanyang ilong. Mainit din ang kanyang pakiramdam kaya siya ay madalas na maligo. Noong siya ay Grade 8, naging madalas na kanyang pagiging bugnutin.

  • Taong 2020 - Nagpatuloy ang pagiging bugnutin niya.

  • Pebrero 2020 - Nagdugo muli ang kanyang ilong, nagkaroon siya ng rashes at buo-buong menstruation. Hindi siya dinala sa ospital dahil nawawala naman ang rashes niya.

  • Setyembre 14 - Dumugo ang kanyang gums, at nilagnat din siya. Si Vinna ay dinala sa dentist, at binigyan siya ng antibiotics dahil ‘di umano siya puwedeng bunutan ng ngipin dahil maga ang kanyang gums. Binanggit ni Gng. Nancy sa dentista na mayroong Dengvaxia vaccine si Vinna, at sinabi niya na napansin niyang mayroong pigsa si Vinna. Iniuwi rin nila si Vinna matapos na naresetahan ng antibiotics.

  • Setyembre 15 - Nagpatuloy ang kanyang lagnat at ang kanyang pigsa ay naging kulay violet na at kumalat na sa kanyang tuhod, hita at paa. Dinala siya sa clinic dahil sa patuloy na pagdurugo ng kanyang gums. Kumalat din ang dark blue spots sa kanyang kamay, paa at braso. Ayon sa doktor, mayroong problema sa dugo si Vinna, at pinayuhan sina Gng. Nancy na pumunta sa hematologist na ginawa naman nila. Isinailalim siya sa laboratory test at negative siya sa Dengue. Subalit kailangan umano niyang masalinan ng dugo. Sa kasamaang palad, hindi siya nasalinan dahil walang pang-down ang kanyang magulang sa nasabing ospital. Dahil sa kawalan ng pera, iniuwi nila si Vinna at lalong lumala ang kanyang kalagayan dahil sa pagdurugo ng kanyang gums.

Isinailalim muli siya sa laboratory tests. Naging negatibo siyang muli sa Dengue subalit mababa diumano ang kanyang platelet count kaya kinakailangan na masalinan na siya ng dugo. Noong nasa ospital ay nagpatuloy ang paglabas ng buo-buong dugo sa kanyang pwerta. Binigyan siya ng pampaampat subalit hindi ito naging epektibo. Dumumi lang siya ng itim. Nang isailalim muli siya, napag-alaman na mayroon diumano siyang Amoebiasis. Patuloy pa rin ang pagdurugo mula sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

  • Oktubre 7 - Siya ay binawian ng buhay. Ayon sa kanyang Death Certificate, ang ikinamatay umano niya ay Disseminated Intravascular Coagulopathy (Immediate Cause); Blood Dyscrasia (Antecedent Cause); Acute Leukemia (Underlying Cause); at Sepsis (other significant conditions contributing to death).

“Napakasakit sa amin ang biglang pagpanaw ng aming anak na si Vinna. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna nito sa aming anak, at sa iba pang mga bata. Sinabi nila na mabisa ito upang hindi madapuan ng dengue ang aming anak subalit ito pa ang naging sanhi ng kanyang kamatayan. Nasaan ang sinasabi nilang proteksyon ng bakunang Dengvaxia? Sa napakaikling panahon na nasa ospital siya, binigyan naman siya ng gamot ngunit hindi parin bumuti ang kanyang kalagayan. Bagkus ay mas lalo pa itong lumala.”

Ang mga naganap na pagbabago sa pag-uugali ni Vinna ay sanhi pala ng pagdurugp.


Ayon sa doktor, nagdurugo diumano ang kanyang mga organs. Nakasisindak ang kamatayang sinapit ni Vinna, gayundin ang pagkasawi ng maraming biktima na katulad niya. Nakalulungkot isipin na ang pagbabago ng kanyang ugali ay sanhi ng mga sakit na nararamdaman niya sa kanyang katawan. Ang mga sakit na dulot ng pamamaga at pagdurugo ng kanyang mga organs marahil ang nagpabago sa dating mabait na bata.


Nakita ang pagdurugo sa kanyang mga organs nang siya ay suriin kaya malinaw na dumanas si Vinna nang labis habang tinitiis niya ang sakit na dulot ng pagdurugo ng kanyang mga organs. Patunay na ang sinapit ng kamatayan ng tao ay mabisang ebidensya na totoo ang nangyari sa kanya. Ito ay kasama sa aming mga armas sa patuloy naming pagharap sa hukuman bilang mga pagtanggol sa tinaguriang Dengvaxia cases.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page