- BULGAR
- Jun 22, 2023
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 22, 2023
Dear Chief Acosta,
Pumanaw kamakailan ang tiyuhin ko na namasukan bilang drayber para sa isang pribadong kumpanya ng pampasadang sasakyan. Mayroon pang naiwang sahod ang tiyuhin ko para sa mga araw na nakapasok pa siya bago siya binawian ng buhay. Dahil mayroon pang naiwang bayarin sa ospital, hiniling ng tiyahin ko, asawa ng tiyuhin ko, sa kumpanya na makuha na ang nasabing sahod. Ang sabi diumano sa kanya ay dapat mayroon pa munang extrajudicial settlement bago i-release sa kanya ang natitirang sahod ng aking tiyuhin dahil mayroon silang anak. Para na rin diumano sa kasiguruhan ng kumpanya. Tama ba iyon? Maaari bang manghingi ng tulong sa opisina ninyo sakaling mayroon pang karagdagang kailangang legal ang tiyahin ko? Salamat. - Lhydia
Dear Lhydia,
Ang naaangkop na probisyon ng batas sa iyong katanungan ay ang Artikulo 105 ng Labor Code of the Philippines na nagsasaad ng mga sumusunod:
“ART. 105. Direct payment of wages. - Wages shall be paid directly to the workers to whom they are due, except:
a. In cases of force majeure rendering such payment impossible or under other special circumstances to be determined by the Secretary of Labor and Employment in appropriate regulations, in which case, the worker may be paid through another person under written authority given by the worker for the purpose; or
b. Where the worker has died, in which case, the employer may pay the wages of the deceased worker to the heirs of the latter without the necessity of intestate proceedings. The claimants, if they are all of age, shall execute an affidavit attesting to their relationship to the deceased and the fact that they are his heirs, to the exclusion of all other persons. If any of the heirs is a minor, the affidavit shall be executed on his behalf by his natural guardian or next-of-kin. The affidavit shall be presented to the employer who shall make payment through the Secretary of Labor and Employment or his representative. The representative of the Secretary of Labor and Employment shall act as referee in dividing the amount paid among the heirs. The payment of wages under this Article shall absolve the employer of any further liability with respect to the amount paid.”
Alinsunod sa nabanggit na probisyon ng batas, mali ang sinabi ng supervisor ng iyong namayapang tiyuhin na dapat ay mayroon munang extrajudicial settlement of estate bago maibigay ang naturang natitirang sahod. Bagkus, mismong ang batas na ang nagsasabi na maaari itong ibigay sa mga tagapagmana ng namayapang manggagawa.
Kinakailangan lamang ay magsumite ang mga ito ng sinumpaang salaysay na pinapatotohanan nila ang kanilang relasyon sa namayapa na sila lamang ang mga tagapagmana nito.
Para sa karagdagang legal na tulong, payo at/o representasyon kaugnay sa nabanggit mong suliranin, bukas ang aming tanggapan upang magbigay ng angkop at agarang serbisyo. Maaaring direkta at personal na magsadya ang iyong tiyahin o ang kanyang anak sa alinman sa aming mga PAO district office upang sila ay makausap ng isa sa aming mga abogado. Karaniwang matatagpuan ang aming district offices sa loob o malapit sa munisipyo, kapitolyo, city hall, o mga hall of justice ng bawat bayan, siyudad o probinsya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




