top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 17, 2023


Dear Chief Acosta,


Nagsumbong ang pamangkin ko sa akin na siya diumano ay sekswal na inabuso.


Noong una ay ayaw niya pang sabihin ang lahat ng nangyari, ngunit sa tulong na rin ng matalik niyang kaibigan ay naglakas-loob siyang sumama na magpasuri sa doktor at idetalye ang lahat ng nangyari sa kanya. Kamakailan ay nabalitaan niya na ipinagkakalat diumano ng lalaki na nang-abuso sa kanya na sila ay magnobyo ng pamangkin ko. Mariing itinanggi ito ng pamangkin ko. Bagaman naging “crush” diumano niya ang naturang lalaki ay hindi umabot sa punto na naging sila dahil nalaman ng pamangkin ko na mayroon nang dalawang pinagsasabay na kasintahan ang lalaking iyon. Pinipilit diumano siya ng lalaking iyon na maging sila at nang sabihin ng pamangkin ko na talagang ayaw niya, doon na diumano siya pinuwersa na makipagtalik. Sinubukang manlaban ng pamangkin ko ngunit sadyang malakas diumano ang lalaking iyon. Matapos ang malagim na pangyayari ay binalaan siyang huwag magsusumbong kundi ay papatayin diumano siya at ang kanyang pamilya. Ang nais ko lamang malaman ay kung mayroong laban ang pamangkin ko kung sakaling ituloy niya ang kanyang reklamo, gayong ang ipinapalabas ng lalaking iyon ay magkasintahan sila. Sana ay malinawan n'yo ako. - Barbie


Dear Barbie,


Ang anumang sekswal na gawain, kabilang na ang pakikipagtalik, ay kinakailangan na mayroong malayang pagsang-ayon ng parehong partido. Ang nasabing panuntunan ay angkop sa bawat isa sa atin, kahit sa mga partido na nag-iibigan tulad ng mga magkasintahan, mga nagsasama, at sa mga mag-asawa.


Ang pagkakaroon ng relasyon bilang magkasintahan o kaya naman ay mag-asawa ay hindi nangangahulugan na wala nang kalayaang mamili ang sinumang partido rito sa nais niyang gawin sa aspetong sekswal. Bagkus, mananatiling kanya at kanya lamang ang desisyon sa aspeto na ito. Kung hindi niya malayang ibibigay ang kanyang pagsang-ayon at ipipilit ng kanyang kasintahan o asawa na gawin ang anumang sekswal na gawain, maaaring panagutin ang huli sa ilalim ng ating batas kriminal, tulad ng Republic Act No. 8353 o ang “Anti-Rape Law of 1997,” Republic Act No. 9262 o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004,” at iba pang angkop na probisyon ng ating Revised Penal Code.


Sa sitwasyon na ibinahagi mo, maaaring maghain ng reklamo ang iyong pamangkin kung sadyang siya ay sekswal na inabuso. Kahit na kakilala pa niya o napusuan niya ang lalaking nais niyang ireklamo, ang mahalagang tanong: Malaya ba siyang sumang-ayon na makipagtalik sa lalaking iyon? Kung hindi, totoong may relasyon man sila o wala, maaari niyang isulong ang paghahain ng kaso kaugnay sa ginawang pang-aabuso sa kanya nang sa gayon ay makamit niya ang hustisya. Nais naming bigyang-diin na kinakailangan na consensual o kapwa nila ninais at malayang sinang-ayunan ang anumang gagawin nila sa isa’t isa. Bilang karagdagang kaalaman, nais naming ibahagi ang paliwanag ng ating Korte Suprema, sa panulat ni Kagalang-galang na dating Mahistrado Mariano C. Del Castillo, sa kasong People of the Philippines vs. Reynaldo Olesco (G.R. No. 174861, April 11, 2011):


“In rape, the ‘sweetheart’ defense must be proven by compelling evidence: first, that the accused and the victim were lovers; and, second, that she consented to the alleged sexual relations. The second is as important as the first, because this Court has held often enough that love is not a license for lust.


In any event, the claim is inconsequential since it is well-settled that being sweethearts does not negate the commission of rape because such fact does not give appellant license to have sexual intercourse against her will, and will not exonerate him from the criminal charge of rape. Being sweethearts does not prove consent to the sexual act. Thus, having failed to satisfactorily establish that “AAA” voluntarily consented to engage in sexual intercourse with him, the said act constitutes rape on the part of the appellant.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 16, 2023


Ang “acquired immunodeficiency syndrome” o AIDS ay isang kondisyon na inilalarawan ng kumbinasyon ng palatandaan at sintomas ng “human immunodeficiency virus” o HIV na nakuha ng isang indibidwal mula sa ibang tao.


Ito ay umaatake at pinahihina ang natural na depensa ng katawan (immune system) na nagiging sanhi kung bakit nagkakaroon ng matitinding impeksyon sa isang taong mayroon nito na kalaunan ay maaaring maging sanhi ng kanyang kamatayan.


Nang dahil sa dumarami ang bilang ng mga mamamayang mayroong ganitong uri ng kondisyon sa kalusugan ay minarapat ng pamahalaan na magpasa ng batas na naglalayon na palawigin ang kaalaman ng karamihan kung ano ang dahilan, at kung papaano naipapasa at mapipigilan ang pagkalat o pagkahawa sa kondisyong ito sa pamamagitan ng isang komprehensibong pagpapalaganap ng impormasyon mula sa estado.


Ang kampanyang ito ay magpapaunlad ng values formation na ang focus ay nasa pamilya bilang isang basic social unit. Isasagawa ito sa lahat ng paaralan, training centers, lugar na pinagtatrabahuan o workplace at sa komunidad. Ang batas na ito ay Republic Act (R.A.) No. 8504 o mas kilala sa titulong “Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998.”


Nakasaad sa Section 2 ng nabanggit na batas ang mga sumusunod:


(b) The State shall extend to every person suspected or known to be infected with HIV/AIDS full protection of his/her human rights and civil liberties. Towards this end:

1. compulsory HIV testing shall be considered unlawful unless otherwise provided in this Act;

2. the right to privacy of individuals with HIV shall be guaranteed;

3. discrimination, in all its forms and subtleties, against individuals with HIV or persons perceived or suspected of having HIV shall be considered inimical to individual and national interest;

4. provision of basic health and social services for individuals with HIV shall be assured.

(c) The State shall promote utmost safety and universal precautions in practices and procedures that carry the risk of HIV transmission.

(d) The State shall positively address and seek to eradicate conditions that aggravate the spread of HIV infection, including but not limited to, poverty, gender inequality, prostitution, marginalization, drug abuse and ignorance.

(e) The State shall recognize the potential role of affected individuals in propagating vital information and educational messages about HIV/AIDS and shall utilize their experience to warn the public about the disease.”


Ating makikita mula sa mga probisyong ito na ang mga indibidwal na mayroong AIDS ay hindi dapat na makaranas ng diskriminasyon nang dahil lamang sa meron sila nito. Sa halip na diskriminasyon ay gagawin silang kabahagi ng pagpapalaganap ng mga mahahalagang impormasyon sa pamamagitan ng pagbahagi ng kanilang karanasan nang sa gayon ay makatulong na mabigyan ng babala ang ibang tao ukol sa AIDS at kung papaano maiiwasan ang pagkahawa at paglaganap nito.


Ang sapilitang HIV testing bilang isang kondisyon para makapasok sa trabaho o eskuwelahan, makapanahan, makapasok at manatili sa isang bansa, makabiyahe sa ibang lugar, makakuha ng probisyon para sa medical service, at ng iba pang uri ng serbisyo ay itinuturing na labag sa batas (Section 16, Id).


May mga pagkakataon lamang kung saan hinihimok ng estado ang boluntaryong pagpapasuri ng mga indibidwal na mayroong mataas na banta ng pagkakaroon ng HIV. Gayunman, kailangang mayroong informed consent mula sa taong sasailalim sa testing, o mula sa kanyang magulang o tagapangalaga sa kaso ng isang menor-de-edad. Itinuturing na mayroong legal na pagsang-ayon para sa HIV testing sa kaso ng donasyon ng katawan ng tao, organ, tissue o dugo kapag:


a. ang isang tao ay boluntaryo at malayang magbibigay ng kanyang dugo, organ o tissue para sa pagsasalin, pag-aaral, o pag-transplant;

b. ang isang tao ay nagsagawa ng legacy ayon sa Section 3 ng R.A. No. 7170 (Organ Donation Act of 1991);

c. ang isang tao ay nagbigay ng donasyon sa ilalim ng Section 4 ng R.A. No. 7170 (Section 15, id).


Ang lahat ng health professionals, medical instructors, workers, employers, recruitment agencies, insurance companies, data encoders, at ng iba pang may hawak ng medical records, file, data, o test results ukol sa kaso ng HIV ay inaatasang obserbahan ang strict confidentiality sa paghawak ng lahat ng impormasyong medikal, partikular ang katauhan, pagkakakilanlan at estado ng taong mayroong HIV (Section 30, id).


Ang sinumang gagawa ng diskriminasyon laban sa isang taong mayroong HIV ay maaaring maparusahan ng pagkabilanggo ng mula 6 na buwan hanggang 4 na taon, at pagbabayad ng multa na hindi hihigit sa P10,000.00. Bilang karagdagan, babawiin ang permit at lisensya ng eskuwelahan, ospital at iba pang institusyon na mapatutunayang nagsagawa ng diskriminasyon laban sa isang HIV positive at lumabag sa iba pang polisiya sa ilalim ng batas. (Section 42, id)


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 15, 2023


Dear Chief Acosta,

Mahalaga bang maipakita na ang biktima ng panggagahasa ay nagtamo ng mga sugat o galos?


Sekswal na inabuso kasi ang kaibigan ko. Walang makikita na panlabas na sugat o galos sa mukha, mga kamay, braso, at binti niya. Tinutukan siya ng malaking patalim at sapilitang ipinasubo sa kanyang bibig ang ari ng nang-abuso sa kanya. Mayroon din diumanong bote na ipinasok sa ari niya. Hindi na siya nakapanlaban sa takot na patayin na lamang siya. Gustung-gusto niyang maghain ng reklamo ngunit nangangamba siya na mauwi sa kawalan ang gagawin niyang hakbang dahil lamang sa wala siyang mga sugat na tinamo. Sana ay mapayuhan n'yo ako kung maaari niya bang ilaban iyon. - Gilbert

Dear Gilbert,

Sa ilalim ng Republic Act No. 8353, o mas kilala bilang “The Anti-Rape Law of 1997,” ang sekswal na pang-aabuso ay hindi lamang nangyayari sa sitwasyon na hinalay o ginahasa ang biktima sa pamamagitan ng pagpasok ng ari ng nanggahasa sa ari ng biktima.


Mayroon ding rape kung ipinasok sa bibig ng biktima, maging sa anal orifice nito ang ari ng nanggahasa o anumang bagay nang walang pagsang-ayon nito. Malinaw na nakasaad sa naturang batas na:

“Article 266-A. Rape: When And How Committed. - Rape is committed:


1) By a man who shall have carnal knowledge of a woman under any of the following circumstances:

a) Through force, threat, or intimidation;

b) When the offended party is deprived of reason or otherwise unconscious;

c) By means of fraudulent machination or grave abuse of authority; and

d) When the offended party is under twelve (12) years of age or is demented, even though none of the circumstances mentioned above be present.

2) By any person who, under any of the circumstances mentioned in paragraph 1 hereof, shall commit an act of sexual assault by inserting his penis into another person's mouth or anal orifice, or any instrument or object, into the genital or anal orifice of another person.”

Mababanaag din na hindi hinihingi sa nabanggit na probisyon ng batas ang pagkakaroon ng panlabas na sugat o galos ng biktima. Ipinaliwanag na rin ng ating Korte Suprema, sa panulat ni Honorable Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, sa kasong People of the Philippines vs. Joselito Salazar (G.R. No. 239138, February 17, 2021), na ang panlabas na pisikal na kapinsalaan sa biktima, tulad ng mga sugat o galos, ay hindi mahalaga kung siya ay nakaranas ng matinding pananakot o intimidasyon mula sa nanggahasa sa kanya:

“In rape by force, threat, or intimidation, the prosecution must establish that there is no consent or voluntariness on the part of the victim, and that the accused employed force, threat, or intimidation to consummate the crime.


As an element of rape, force must be “sufficient to consummate the purposes which the accused had in mind.” On the other hand, “intimidation must produce fear that if the victim does not yield to the bestial demands of the accused, something would happen to her at that moment or even thereafter as when she is threatened with death if she reports the incident.”


In cases where the accused used a knife to threaten the victim, this Court held that this strongly suggests force, or at least intimidation, which is clearly adequate to bring the victim to submission.


Intimidation must be considered in light of the victim's perception and judgment. It is enough that it produces fear in the victim's mind.


In rape cases, victims are not burdened to show physical resistance when they are intimidated. Intimidation is addressed to the victim's perception and is, therefore, subjective.”

Batay sa mga nabanggit na batas at desisyon, maaaring isulong ng iyong kaibigan ang paghahain ng reklamo laban sa taong nanggahasa sa kanya kung sadyang siya ay sekswal na inabuso, kahit hindi siya nagtamo ng panlabas na sugat o galos sa mukha, mga kamay, braso, at binti niya.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page