top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 11, 2023


Dear Chief Acosta,


Napansin ko na ang aking kapitbahay ay may kinakasama na mukhang bata pa. Nang minsan kong nakasabay ang nasabing babae ay tinanong ko siya kung ilang taon na siya at nabanggit niya na siya ay 16 taong gulang lamang. Sila diumano ay nagsasama sapagkat sila ay pinilit na ipagsama ng kanilang mga magulang kapalit ng kanyang pagpapaaral sa nasabing babae. Hindi ba ito pang-aabuso sa bata? Mayroon bang batas na nagbabawal dito? - Jasmine


Dear Jasmine,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Republic Act (R.A.) No. 11596 o “An Act Prohibiting the Practice of Child Marriage and Imposing Penalties for Violations Thereof”. Layunin ng nasabing batas na ihinto at pigilan ang anumang kasal sa pagitan ng isang bata at matanda. Ayon sa batas, ang isang bata (child) ay isang tao na may edad na mababa sa 18 taong gulang o kahit na labing-walong taong gulang o higit pa, ay walang kakayanan na pangalagaan ang kanyang sarili mula sa pang-aabuso, pagpapabaya, pagmamalupit, at diskriminasyon dulot ng kanyang pisikal o mental na kondisyon. Ipinagbabawal din ng nasabing batas ang pagsasama o cohabitation ng isang bata at nakatatanda. Ito ay nasa Seksyon 4 ng nasabing batas na nagsasaad na:


“(c) Cohabitation of an Adult with a Child Outside Wedlock. – An adult partner who cohabits with a child outside wedlock shall suffer the penalty of prision mayor in its maximum period and a fine of not less than Fifty thousand pesos (P50,000.00): Provided, however, That if the perpetrator is a public officer, he or she shall likewise be dismissed from the service and may be perpetually disqualified from holding office, at the discretion of the courts: Provided, finally, That this shall be without prejudice to higher penalties that may be imposed in the Revised Penal Code and other special laws.”


Higit pa rito, ang mga paglabag sa nasabing batas ay kinokonsiderang isang “public crime.” Ito ay nangangahulugan na ang sino man, kahit na isang “concerned citizen” ay maaaring maghain ng reklamo laban sa paglabag ng nasabing batas. Ayon sa Seksyon 5 ng nasabing batas:


“Section 5. Public Crimes. – The foregoing unlawful and prohibited acts are deemed public crimes and be initiated by any concerned individual.”


Base sa mga nasabing probisyon, maaaring kasuhan ang iyong kapitbahay ng paglabag sa R.A. No. 11596 dahil sa ginagawa niyang pakikisama bilang asawa sa isang menor-de-edad. Bilang isang “concerned citizen,” maaari mong i-report ang iyong kapitbahay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) o direktang ihain ang reklamo sa Office of the City Prosecutor na nakasasakop sa inyong lugar.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 10, 2023


Dear Chief Acosta,


May nakausap akong isang ahensya para maglaan sa aking gusali ng mga security guards. Hinanapan ko sila ng mga dokumento na makapagpapatunay na sila ay may lisensya upang magpatakbo ng kanilang negosyo. Sinabihan nila ako na hindi nila maipapakita sa ngayon ang nasabing lisensya ngunit ang gamit nilang lisensya ay ipinagkaloob sa kanila noong Marso ng taong 2017. Ang ahensya ba ay may valid pa na lisensya? Salamat sa inyo. - Robyn


Dear Robyn,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 6 at 7 ng Republic Act No. 11917, o mas kilala sa tawag na “The Private Security Services Industry Act,” kung saan nakasaad na:


“Section 6. License to Operate. — A license to operate issued by the Chief PNP is required to operate and manage a PSA and PSTA: Provided, That an LTO for PSTA shall be granted only to a training school, institute, academy, or educational institution which offers courses prescribed and approved by the PNP or training programs accredited by TESDA.


Section 7. Period of Validity of LTO. — The LTO issued to PSA and PSTA shall be valid for a maximum period of five (5) years, subject to renewal: Provided, That the Chief PNP may set a shorter validity period for LTO with applicable fair and reasonable fees adjusted accordingly.”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, nangangailangan na may lisensya upang makapagpatakbo ng isang ahensya ng mga security guards at ang nasabing lisensya ay ipinagkakaloob ng Chief ng Philippine National Police (PNP). Gayundin, ang nasabing lisensya ng pagpapatakbo ng ahensya ng mga security guards ay valid lamang sa loob ng limang taon, maliban na lamang kung ito ay ma-renew.


Sa nasabing mong sitwasyon, lagpas na sa limang taon ang gamit na lisensya ng umano ay ahensya ng mga security guards na kausap mo at kung hindi ito nakapag-renew ng lisensya sa loob ng itinakdang panahon, ang lisensya nito ay paso na. Hindi na ito valid.


Nais din naming ipaalam sa inyo na kung meron mang paglabag sa kahit na anong probisyon ng nasabing batas, maaaring patawan ng karampatang parusa na pagbabayad ng multa o pagkakakulong ang taong lumabag dito alinsunod sa Seksyon 16 ng batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 9, 2023


Dear Chief Acosta,


Ikakasal na ang aking kapatid na babae at gusto sana namin malaman kung obligado ba siyang gamitin bilang last name ang apelyido ng kanyang mapapangasawa. Balak sana kasi niyang gamitin pa rin ang aming apelyido para madaling makilala ng mga tao na siya ay anak ng aming yumaong ama. Obligado ba siyang palitan ito? Maraming salamat. - Boyet


Dear Boyet,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Article 370 ng New Civil Code kung saan nakasaad na:


“Article 370. A married woman may use:

(1) Her maiden first name and surname and add her husband’s surname, or

(2) Her maiden first name and her husband’s surname, or

(3) Her husband’s full name, but prefixing a word indicating that she is his wife, such as “Mrs.”


Dagdag pa rito, tinalakay ng Korte Suprema sa kaso ng Remo vs. The Honorable Secretary of Foreign Affairs (G.R. No. 169202 March 5, 2010), kung saan sinabi ni Kagalang-galang na Mahistrado Antonio T. Carpio na:


“Clearly, a married woman has an option, but not a duty, to use the surname of the husband in any of the ways provided by Article 370 of the Civil Code. She is therefore allowed to use not only any of the three names provided in Article 370, but also her maiden name upon marriage. She is not prohibited from continuously using her maiden name once she is married because when a woman marries, she does not change her name but only her civil status. Further, this interpretation is in consonance with the principle that surnames indicate descent.”

Ayon sa batas, ang isang babaeng ikinasal ay puwedeng gamitin ang mga sumusunod na pangalan: (1) ang kanyang first name at surname, at idagdag ang apelyido ng asawa, o (2) ang kanyang first name at surname ng kanyang asawa, o (3) gamitin ang buong pangalan ng kanyang asawa at magdagdag ng isang prefix na mapapakita na siya ay kasal tulad ng “Mrs.” Gayunpaman, hindi naman siya required na magpalit ng pangalan.


May karapatan ang isang babaeng ikinasal na manatili at patuloy na gamitin ang kanyang apelyido sa pagka-dalaga, kung ito ang kanyang nais.


Para sagutin ang iyong katanungan, base sa mga nabanggit, maaaring gamitin pa rin ng babaeng ikinasal ang kanyang maiden name dahil hindi siya obligadong magpalit o gamitin ang apelyido ng kanyang asawa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page