top of page
Search

by Info @Editorial | September 13, 2024



Editorial

Gagamit na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng artificial intelligence (AI) sa pagbibigay ng taya ng panahon sa bansa.


Ito ay upang higit umanong mapabilis ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko sa taya ng panahon na sa ngayon ay halos tatlong oras, pero kapag ginamit na ang teknolohiya ay maaaring tuwing 15 minuto ay maisasapubliko agad ang weather forecast.


Malaki rin umano ang maitutulong ng AI sa pagbibigay ng taya ng panahon sa susunod na 14 na araw kaysa sa kasalukuyang hanggang limang araw lamang.


Ayon pa sa PAGASA, may 11 na lamang na doppler radar ang gumagana buhat sa dating 19 radars dahil karamihan ay nasira na at dapat nang palitan. Kailangan umano ng PAGASA ng 21 doppler radars upang magamit sa pagkilatis ng pag-ulan sa buong bansa para mabigyang impormasyon ang mamamayan mula sa epekto nito at dapat paghandaan.


Sa makabagong panahon, ang teknolohiya ay patuloy na nagiging kasangga sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay. Posibleng maging isa sa mga pinakakapaki-pakinabang na inobasyon sa sektor ng meteorolohiya ang paggamit ng AI. 


Umaasa tayo na ang hakbang na ito ay hindi lamang mahalaga, kundi magdadala ng mas maraming benepisyo sa publiko. Kung magiging mas tumpak at mabilis ang ulat ng panahon, mas magiging handa ang bansa mula sa anumang banta ng kalamidad o sama ng panahon.


Gayunman, sa kabila ng mga benepisyo, mahalaga ring maisaalang-alang ang ilang aspeto ng paggamit ng AI sa PAGASA. 


Una, ang kailangan ng mga sistema ng AI ay ang patuloy na pagsasanay gamit ang mga makabago at tumpak na datos. Dapat tiyakin na ang data na ginagamit para sa training ng AI ay maaasahan at may kalidad upang hindi makalikha ng maling impormasyon. 


Pangalawa, ang transparency at accountability ay kinakailangan upang masiguro ang tiwala ng publiko. Ang mga algorithm ng AI ay dapat na maipaliwanag sa publiko upang mapanatili ang integridad ng mga ulat sa panahon.


Ang patuloy na pag-invest sa AI at iba pang teknolohiya ay isang malinaw na hakbang patungo sa pagpapabuti ng serbisyo-publiko. Maaari rin itong magbigay ng mga insights na magagamit sa mga long-term climate studies, na mahalaga sa pag-unawa at pagpaplano para sa mga epekto ng climate change.


Sa huli, ang pagsasama ng AI sa meteorolohiya ng bansa ay isang magandang halimbawa ng kung paano maaaring magtulungan ang teknolohiya at agham upang lumikha ng mas ligtas at mas maayos na lipunan. 

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | September 13, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Loreto ng Cabanatuan, Nueva Ecija.


Dear Maestra,


Madalas kong mapanaginipan ang father ko na inuutusan niya akong pumunta sa bukid namin.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Loreto


 

Sa iyo, Loreto,


Hindi mo binanggit kung buhay pa o patay na ang father mo. Kung buhay pa ang father mo, ang ibig sabihin ng panaginip mo ay magiging maganda at maayos ang binabalak mo. Pero kung patay na ang father mo, ito ay babala na madadamay ka sa kaguluhan. Gayunman, isa sa malapit mong kamag-anak ang tutulong sa iyo. 


Ang pinapunta ka sa bukid ng father mo ay may iba’t ibang kahulugan. Kung naglalakad ka lang papunta sa bukid, at nakakita ka ng magagandang tanim na kulay berde, ito ay nangangahulugan na matutupad mo na lahat ng iyong pangarap. Yayaman at maaabot mo na rin ang tugatog ng tagumpay.


Kung sa panaginip mo ay wala pang tanim ang bukid at inaararo pa lang, ito ay senyales na kailangan mo munang magpunyagi at magsikap bago mo makamit ang iyong mga pangarap.


Samantala, kung namamahinga ka lang, nakahiga sa damuhan, at relax na relax sa bukid, ito ay senyales na magkakaroon ka ng bagong kaibigan.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna




ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | September 13, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Paano ba malalaman kung mayaman ang mapapangasawa ng isang tao? Naitanong ko ‘yun, dahil may manliligaw kasi ako ngayon na isang Chinese na mayaman.

  2. Maestro, gusto sanang malaman kung siya na kaya ang mapapangasawa ko kahit na ramdam ko na hindi naman siya masyadong seryoso?

 

KASAGUTAN

  1. Unang-una, kapag ang birth date ng isang babae ay 5, 14, at 23, lalo na kung ito ay August 23 o October 14, sila ang tipikal o pangkaraniwan na nakakapag-asawa ng mayaman. Mas makukumpirma pa ito kung maganda o tuwid ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) na sinabayan din ng tuwid at magandang Guhit ng Lalaki o Influence Line na tinatawag din nating Guhit ng Magaling o Guhit ng Mayamang Lalaki  (Drawing A. at B. K-K arrow b.) lalo na kung nagkataon pang tuwid ang Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow c.) sa kaliwa at kanang palad ng nasabing babae.

  2. Kapag may ganyan ang isang tao, tiyak na siya ay makakapag-asawa ng mayaman. Tulad ng nakikita ko sa palad mo, ikaw ay nagtataglay ng tuwid na Fate Line (arrow a.), na sinabayan pa ng Guhit ng Lalaki (arrow b.) at tuluyang naging isang guhit na lang ang Fate Line at Guhit ng Lalaki (arrow c.) na dumiretso pa sa Bundok ng Tagumpay o Bundok ng Saturno (arrow d.), sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Tulad ng nasabi na, ito ay malinaw na tanda na kahit na hindi masyadong seryoso ang sinasabi mong manliligaw, at kahit na hindi ka niya ligawan ng seryoso o magbago ang isip niya, sa isang ganito ring sitwasyon sa ibang pagkakataon, tunay ngang kagaya ng ibang mga babae na madalas magreklamong bakit daw sila lapitin ng mga lalaking may asawa na. Sa parte mo naman, kagaya ng naipaliwanag na, magiging lapitin ka naman ng mga lalaking mayaman hanggang sa isang pagkakataon, sa hindi mo sinasadya at halos hindi mo na rin inaasahan, isang lalaking mayaman ang magiging boyfriend mo at  tuluyan mo na ring mapapangasawa at makakasama habambuhay.


DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos, Karen, seryosohin ka man o hindi ng kasalukuyan mong manliligaw, wala kang dapat panghinayangan, lalo na kung sakaling mawala siya sa iyo. Sapagkat tulad ng naipaliwanag na, kahit sinong lalaki, kahit seryoso o hindi seryoso, tiyak ang magaganap -  matutupad ang nakatakda at ito ay mangyayari at tuluyang magaganap sa taong 2027, sa edad mong 28 pataas, makakapag-asawa ka na ng mayamang lalaki, at siya rin ang magiging dahilan ng iyong pagyaman (Drawing A. at B. H-H arrow e.). 



RECOMMENDED
bottom of page