ni Janiz Navida @Showbiz Special | November 6, 2026

Photo: IG _frankiepangilinan & _reallysharoncuneta
May mga netizens na naghihintay na ipagtanggol ni Megastar Sharon Cuneta ang pangalawang anak na si Frankie Pangilinan dahil grabe na ang natatanggap na bashing matapos mag-viral sa social media ang ilang video clips ng mga song performances nito.
Sa pagkakatanda namin, unang kumanta si Kakie as front act sa first day ng Back at the Museum concert ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano sa Music Museum last October 1.
At nu’ng kantahin niya ang ilang songs ng inang si Mega sa 42nd PMPC Star Awards for TV last October 25, especially ‘yung Bituing Walang Ningning, talaga namang inulan ng panlalait si Kakie, na komento ng maraming netizens ay “trying hard”, “sintunado”, “kinakapos ng hininga” at may nagsabi pang “boses-palaka”.
Pero sa kabila ng matitinding panlalait ng mga bashers, napanood namin ‘yung isang video reel na kuha sa concert ni Gary V. kung saan kumakanta si Kakie ng Mr. DJ at nakita naming kilig na kilig at todo-papuri pa si Ate Shawie sa galing kumanta ng anak.
Obviously, hindi siya apektado kung may mga kababayan tayong hindi nagustuhan ang boses ni Kakie, dahil para sa kanyang standard, pasado ang anak.
Well, that’s motherly love talaga.
Pero, ‘wag din tayong pakasiguro, dahil knowing Ate Shawie, may mga palaban moments din ‘yan sa socmed kapag mga anak na niya ang tinitira, ha?
Post, binara ng netizens, sabihin daw sa mga utol… JAKE: ‘PINAS, MALA-HK SANA KUNG WALANG BUWAYA SA GOBYERNO
SPEAKING of bashing, kahit may katwiran naman at maganda ang intensiyon ni Jake Ejercito sa kanyang sinabi nang maikumpara niya ang Pilipinas sa Hong Kong, na-bash pa rin ang anak ni former Pres. Joseph “Erap” Estrada.
Nag-running kasi si Jake sa Hong Kong at may naging post siya sa Facebook three days ago na ang caption niya: “Safe streets, lots of public spaces, smooth roads.
Could’ve been us kung walang buwaya sa gobyerno.” May hashtag itong #RunUno.
Sa comment section, may ilang um-agree kay Jake pero may isang sinopla ang hirit ng half-brother nina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. JV Ejercito.
Sabi ng isang male netizen, “Tell that to your brothers boy! #nepobaby”
May isa namang nag-suggest na i-tag niya si Sen. JV sa kanyang post.
Dagdag pa ng isa, “Pakisabihan nga si JV Ejercito n’yan.. baka matauhan.. Hahaha!”
Good thing na hindi patola si Jake at walang sinagot sa pang-aasar ng mga netizens or else, tiyak na lalaki pa ang issue.
HINDI lang pala si Darren Espanto na laking-Canada ang maipagmamalaki ng mga kababayan nating Pinoy, kundi pati ang kapangalan niyang Filipino-Chinese singer-actor na si Daren Dyhengco.
Nagsimulang kumanta si Daren at the age of 3 matapos lumipat ang kanyang pamilya sa Vancouver noong 1994. Tatlong languages ang alam niya – Filipino, English at Fookien, dahil parehong nagsasalita ng Chinese ang kanyang mga lolo at lola.
Pero na-realize lang niya na gusto niyang maging singer nang sumalang siya sa voice recital when he was 9 yrs. old. At take note, ha, One Moment in Time lang naman ni Whitney Houston ang kinanta niya that time.
Nag-aral si Daren sa Burnett School sa Canada at naging bahagi ng mga musical at dula, na siyang humubog sa kanya bilang isang triple-threat performer. Buong-loob pa nga siyang nagtatag ng isang high school glee club kung saan siya nagsilbing vocal coach. Ang mom niya ang nag-akay sa kanya sa mundo ng mga musical.
Noong 2009, bumalik si Daren sa Maynila at nag-aral ng high school sa Xavier School.
Itinanghal ni Daren ang kanyang unang concert noong Disyembre 4, 2019 sa Music Museum. Ang show ay para sa kanyang lola sa ina na si Tita Yabut Chan, na pumanaw noong Disyembre 2018. Ang kanyang lola ang nagpakilala sa kanya sa mundo ng pag-awit. Naging espesyal na panauhin niya sa entablado sina Chad Angeles at Janina Gonzales na parehong nakabase sa Maynila.
Noong 2024, lumipat si Daren sa Toronto, kung saan nagbukas para sa kanya ang mga pagkakataong umarte sa teatro. Mag-isa siyang nakatira roon ngayon pero pabalik-balik pa rin siya sa Manila.
Naging part siya ng original stage play na The Day Before Christmas pero ang kanyang first musical ay ang Elf na ginanap sa Vancouver noong Christmas 2018.
Nagkaroon din siya ng mga palabas na nag-tour sa buong Canada, tulad ng Prison Dancer noong 2023, na ipinalabas sa Edmonton at Ottawa. Gumanap siya bilang ang kathang-isip na bidang lalaki na si Christian, na nakuha niya sa pamamagitan ng audition.
"Noong panahong iyon, parang huminto na ako sa teatro," kuwento ni Daren. "At nagtatrabaho ako bilang personal trainer sa isang gym. Sinabihan ako ng trainer ko na mag-audition. Ang musical ay base sa nag-viral na Thriller video ng mga bilanggo sa Cebu na ginawang isang kuwento. Sa tingin ko ay may plano silang dalhin ang musical dito."
Ginawa rin ni Daren ang Mabuhay, isa pang orihinal na Canadian-Filipino musical na itinanghal sa Winnipeg, kasama si Maanne Dionisio na nakabase rin sa Canada.
Lumabas din siya sa ilang produksiyon sa telebisyon kabilang ang tanyag na serye ng ABC na A Million Little Things (2018) at napanood sa mga pelikulang gaya ng Inward Edward (2017) at Silent Battles (2025).
Last October 30, itinanghal ni Daren ang second concert niya sa Maynila titled Music and Dreams, na ginanap sa Music Museum. Sumuporta sa kanya bilang mga special guests sina Roselle Nava at Maanne Dionisio.
After his concert, gusto nang balikan at ipagpatuloy ni Daren ang career niya rito sa ‘Pinas.

