- BULGAR
- Jun 19, 2025
ni Nitz Miralles @Bida | June 19, 2025
Photo: Kylie Padilla - IG
Ramdam ang kilig ni Kylie Padilla nang mag-tweet ng “Hihihi! trivia - I helped choreograph my sisters’ power stances #kilig. I swear I could be a fight director lol (laugh out loud) #SANG’GRE.”
Ang tinukoy ni Kylie ay ang eksena nila nina Sanya Lopez, Gabbi Garcia at Glaiza de Castro sa pilot episode ng Sang’gre kung saan nakipaglaban sila sa isang higante.
Pinuri ng mga viewers ang eksenang ‘yun na katulong pala si Kylie sa execution.
Ikinatuwa ng mga fans ng aktres ang tweet nito and at the same time, nalungkot sila dahil limited ang mga eksena ni Kylie sa fantaserye. Namatay kasi ang karakter niyang si Amihan na isinisisi kay Aljur Abrenica.
Natuwa na rin ang mga fans na kasama si Kylie sa pilot episode at pinakaaabangan nito ang eksena nila ni Angel Guardian dahil maganda.
Saka, mapapanood pa rin ng kanyang mga fans ang aktres dahil airing na sa June 23 ang My Father’s Wife (MFW). Hindi nga lang Sang’gre ang role niya, kundi totoong tao.
Naka-post na sa Instagram (IG) nina Kim Chiu at Paulo Avelino ang script ng bago nilang TV project mula sa ABS-CBN Studios at Dreamscape Entertainment na The Alibi (TA).
Mystery-suspense-romance drama ang concept ng series to be directed by FM Reyes and Jojo Saguin.
Kasama ring ipinost ng dalawa ang IDs ng gagampanan nilang karakter. Parehong may press ID ang kanilang mga karakter at tama ba kami na news reporter pareho ang role nina Paulo at Kim?
May kaba factor ang tagline na, “Every detail counts. May hindi sila sinasabi... and we’re about to find out.”
Excited at tuwang-tuwa ang KimPau fans dahil natupad ang wish nilang magkaroon ng bagong TV series ang favorite love team nila at gusto nila, hindi adaptation.
Ito na ‘yun, kaya naman naghahanda na ang mga fans at sana raw, malapit na ang ‘soon’ na sinabi dahil miss na nilang mapanood ang dalawa.
May mga nagko-congratulate na sa KimPau hindi pa man airing ang TA dahil sigurado silang maghi-hit ito sa dami ng kanilang supporters.
Inaabangan din ng mga fans ang mga ayuda (nakakakilig na photos at updates) na manggagaling sa dalawa kapag nagsimula na ang taping.
Sina Piolo Pascual, Cedrick Juan at Paulo Avelino ang mga binanggit ng director na si Ben Yalung na kino-consider niya na gumanap sa role at karakter sa biopic ni Archbishop Teofilo Camomot.
Ang nasabing pelikula ang magsisilbing comeback movie ng nagbabalik na Cine Suerte owned by Direk Ben.
Nag-agree ang writer ng film project na si Celso de Guzman na bagay nga sa tatlo ang gumanap na ‘Archbishop Camomot’, ang pari na nanggaling sa Carcar, Cebu City at sinasabing “he could be the next Filipino saint.”
Kapag si Piolo ang napili sa movie na may working title na Camomot, 2nd priest role na niya ito dahil pari rin ang role niya sa Mallari. Second priest role rin ito ni Cedrick dahil pari rin ang role niya sa Gomburza. Si Paulo naman ay gumanap na heneral sa Goyo.
Sey ni Direk Ben, makikipag-usap sila sa 3 aktor para i-offer ang project and hopefully, maging maayos ang negosasyon.
Sisimulan agad ang shooting kapag may napili na at tatapusin ang pelikula in 3 months.
Tinatayang aabot sa P10 million ang production cost at baka madagdagan pa.
Ire-release ang Camomot in cinemas nationwide at sa ibang bansa na marami ang Katolikong Pilipino.
Nabanggit din ni Direk Ben na padadalhan niya ng copy ng movie si Pope Leo para mapanood nito.
Si Direk Ben din ang producer ng Camomot at may naka-line-up na siyang susunod na film project.
“All religious films ang gagawin ng Cine Suerte. After ng conversion ko into devout Catholic, iniwan ko na ang paggawa ng action and sexy films,” sabi nito.
Naka-line-up gawin ng Cine Suerte ang part 2 ng Kristo at ang life story ni Sister Teresita “Teresing” Castillo na witness sa Lipa Apparitions. Si Julia Montes naman ang napipisil ni Direk Ben na gumanap bilang ang novice na si Teresing.
Ang maganda sa Cine Suerte, kumita man o hindi ang pelikula nila, tuloy pa rin ang kanilang pagpoprodyus.
“We make movies for evangelization, not for money. Gusto naming ilapit ang mga tao sa Diyos,” sabi ni Direk Ben.






