ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | March 18, 2022

Una naming narinig ang pangalang Hipon Girl kay Willie Revillame dahil kinuha niyang co-host sa programa niyang Wowowin si Herlene Nicole Budol na tubong-Angono, Rizal dahil natutuwa siya sa dalaga.
Pagkatapos ng hosting stint ni Hipon Girl sa Wowowin ay wala na kaming nabalitaan hanggang sa nalaman naming siya ang lead actress sa digital series na Ang Babae sa Likod ng Face Mask na idinirek ni Victor Villanueva.
"Talaga?” ito ang nasa isip namin, pero nang mapanood namin ang trailer ng romantic-comedy series nina Herlene at Kit Thompson na mapapanood sa YouTube channel ng Puregold, napa-wow kami.
Meron pala talagang tagong galing sa comedy itong si Hipon Girl kaya tuwang-tuwa sa kanya si Willie.
Sa mediacon ng Ang Babae sa Likod ng Face Mask ay inamin ni Herlene na, “Ginalingan ko po nang sobra! Ginawa ko po ‘yung best ko!”
Hindi nagdalawang-isip si Herlene nang ialok sa kanya ito ng executive at creative producer na si Chris Cahilig dahil first time niyang magbida, choosy pa ba siya?
“Siyempre po, wala akong karapatang tumanggi. Siyempre, blessings ‘yan. Tuwang-tuwa po ako na na-bless po ako na maging bida sa isang series,” masayang sabi ng dalaga.
Nabanggit din ni Chris sa mediacon na marami siyang ipinakita sa Puregold executives headed by Marketing Manager Ms. Ivy Piedad, pero si Herlene daw ang napili nilang lahat para sa nasabing rom-com series.
Nagustuhan nila ang acting ability ni Herlene bilang baguhan dahil hindi halatang first timer.
Sabi pa ni Herlene “Humingi rin po ako ng tulong at saka ayoko pong magalit sila sa ‘kin on set kaya talagang ginagalingan ko sa lahat ng ginagawa ko.
“Humihingi ako ng mga payo talaga bago po ako sumalang. Nagkakabisa po ako ng script, diyan po ako mahina talaga. Napag-aaralan naman po lahat ng bagay kaya kung gusto mo po, may paraan.”
Sa Ang Babae sa Likod ng Face Mask, gaganap si Herlene as Malta na nagtatrabaho bilang cashier na ginagawa ang lahat para sa inang si Madam Baby, played by Mickey Ferriols.
Maraming nabibighani kay Malta kapag naka-face mask kaya naman marami ang gusto siyang makilala. Kaso 'pag inalis na niya ang suot na face mask ay nagpupulasan na ang mga lalaki kaya nade-depressed ang dalaga.
Sabi nga niya, sobrang relate siya sa role niya dahil aminadong hindi nga siya katulad ng ibang super-ganda, kaya okay na okay sa kanya ang pagsusuot ng face mask.
Nagulat siya nang mapanood ang trailer dahil surprise pala ito sa kanya ng production na isasabay na lang sa mediacon.
“Grabe, ang ganda! First time ko rin siyang nakita. Pinapanood ko siya, nakangiti lang ako the whole way. Actually, medyo naluha ako nu’ng pinapanood ko. Sobrang tuwa ko dahil ang ganda talaga, kakaiba!
“It’s so fresh to see this, you know, and I just wanna thank siyempre my directors, si Direk Vic and Direk Chris. Grabe! 'Di ko na-expect na ganito pala!” masayang sabi ng dalaga.
Maging ang leading man niyang si Kit ay nagulat din sa trailer na ang ganda at pinuri niya si Herlene dahil ang galing daw nito.
May karapatan namang magsabi si Kit na magaling ang leading lady niya dahil may acting awards na siya nang una siyang mapansin sa 2014 Cinemalaya Film Festival para sa pelikulang #Y for special citation for ensemble acting at ang pelikulang Belle Douleur (2019) kung saan nanalo siyang Best Actor 2021 sa Panorama Asia in 54th World Fest Houston International Film Festival.
Going back to Herlene ay sobrang natutuwa siya kay Kit dahil ang guwapo na, mabait pa at napapanaginipan nga raw niya.
Isa kami sa mag-aabang ng Ang Babae sa Likod ng Face Mask sa YouTube channel ng Puregold simula sa Marso 26 sa ganap na 6 PM. Kasama rin sa series sina Kiray Celis, VJ Mendoza at Hasna Cabral.

