ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | January 26, 2026

Photo: Willie Revillame - WIlyonaryo
Super successful ang bagong show na Wilyonaryo ng TV host-actor na si Willie Revillame.
Well, hindi naman nakapagtataka dahil may 17 million followers ito sa Facebook.
Sa ginanap na presscon kamakailan ay natanong ang mahusay na TV host tungkol sa pagiging istrikto nito pagdating sa trabaho.
Kuwento ni Willie, “Kahit magalit kayo sa akin, very strict ako. Magkakamali ang DJ, sasabihan ko, ‘Ini-rehearse mo na kanina ‘yan.’
“Bakit ako, ako ang nag-iisip, ako lahat, ‘di ako nagkakamali kasi isinasapuso at isinasaisip ko ‘yung trabaho ko.
“One minute late, you’re out. Dancers, ‘di na nakakapasok sa GMA ‘yan.
“Ano’ng oras ang call time ninyo, 10:00 AM? ‘Pag dumating nang 10:01 AM, pauwiin mo ‘yan. ‘Di n’ya gusto ‘yung trabaho n’ya.”
Sa pagsasalita ni Willie, gusto raw niyang matutunan ng kanyang staff ang disiplina.
Kuwento niya, “Ito, ha? Incident talagang nangyari ‘to. Tinanong ko ‘yung janitor, ‘Taga-saan ka?’ Sumagot, ‘Taga-Batangas po.’
“‘Ano’ng oras ka pumupunta rito?’ Sabi n’ya, ‘Nandito na po ako ng six kasi seven o’clock po
ako.’ Bibiyahe s’ya nang tatlong oras.
“‘Magkano ang suweldo mo?’ Sagot n’ya, ‘Minimum po, P550.’
“Eh, magkano ang dancers? P2,000. Tapos, male-late ka ng one minute. Eh, itong janitor na mahirap lang, gumigising nang maaga.
“Very professional ako. Ayaw ko na nagkakamali kasi marami na kaming pagkakamali sa nangyari sa aming mga programa.”
In fairness, isa si yours truly sa buhay na patotoo ng tunay na ugali ni Willie pagdating sa kanyang mga empleyado.
Halimbawa na lang ang aking kaibigan na sekretarya ni Willie na si Tita Tess. Nang magkasakit si Tita Tess, hindi siya pinabayaan ni Willie. Sinuportahan ito sa ospital at umabot ng P7M ang nagastos ni Willie para gumaling lang si Tita Tess.
Isa pa niyang natulungan ay ang kanyang cameraman na nasa public hospital nang magkasakit at ipinalipat niya sa St. Luke’s.
Mayroon din siyang empleyado na mahigit 20 years nang masayang nagtatrabaho sa kanya, ‘di ba naman, Ms. Vangie Ruiz?
Anyway, abangan ang Wilyonaryo sa #WilTV Channel 10 ng Cignal o sa website.
Kung mapipili ang tamang kombinasyon mo, may tsansa kang manalo ng P1 milyon. At kung tamang letra sa tamang posisyon ang naipasa mo, maaari ka pang manalo ng P10,000. At kung may tamang kulay naman ay maaari kang manalo ng P20,000.
Para makasali sa buhos ng suwerte, mag-register na sa wilyonaryo.com.
Happy healthy birthday, Kuya Wil, at harinawa, umariba to the max ang iyong Wilyonaryo show para boom, ka-boom muli ang showbiz natin na matinding sinalanta ng COVID-19.
‘Yun na!
NAGPALIWANAG ang mahusay na aktor na si Sen. Robin Padilla sa kanyang Facebook (FB) page kung bakit nagbatian sila ni former Philippine National Police Chief Nicolas Torre III.
Saad ni Sen. Robin, “Bakit daw kami nagbabatian at nag-uusap ni MMDA Chairman Torre.
“Pambihira talaga. Bagama’t aso ang tingin n’yo sa amin dahil sa aming loyalty sa aming mga amo, hindi ibig sabihin na aso rin ang ugali namin.
“Ako ay Muslim, at ang greatest commander ng mga Muslim sa akin ay sa panahon ni Salahudin Ayubi, ang matalik na kalaban ni King Richard I (the Lionheart) ng England at ni King Baldwin IV (the Leper) ng Jerusalem.
“Ngunit kahit mortal na magkakalaban sa panahon ng Crusade, religious war ng mga Muslim at Kristiyano, nanatili ang paggalang nila sa bawat isa. Katunayan, pinadalhan pa ni Salahudin ng manggagamot ang dalawa nang nagkaroon ng karamdaman dala ng sakit si King Baldwin at sugat sa labanan si King Richard.
“Sabi nga ni King Priam kay Achilles sa pelikulang Troy, ‘Even enemies can show respect.’”
In fairness, likas din kay Sen. Robin Padilla ang pagiging marespeto.




