ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | Oct. 5, 2024
Lalo yatang naghigpit ngayon si Coco Martin sa staff and crew kasama na ang lahat ng artista sa FPJ’s Batang Quiapo (BQ) dahil ipinapa-drug test niya ang lahat at kailangang isumite ito sa Lunes, Oktubre 7, or else, hindi makakapag-taping.
Sa pagkakaalam namin ay sumusunod talaga si Coco sa requirement, kahit noong sa serye pa niyang FPJ’s Ang Probinsyano, bilang siya ang direktor at producer din dahil ayaw niya ng may aberya sa taping.
Open book naman na may ilang staff and crew na talagang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot para manatiling gising, lalo na ‘yung mga tumatawid sa ibang programa o pelikula.
Bale ba, ang higpit sa oras ni Direk Coco dahil 12 hours lang talaga ang oras ng trabaho na katwiran niya, para makapagpahinga nang maayos ang lahat at hindi sabaw pagdating sa araw ng taping.
At dahil mahaba ang 12 hours na pahinga kaya 'yung iba ay tumatawid para makaraket, kaya siguro gumagamit ng droga.
Anyway, sa FPJ’s BQ ay talagang mahigpit daw ngayon ang aktor, direktor at producer sa drug test niya, para sure na safe ang lahat.
Kuwento ni Nanay Cristy Fermin sa programa nila ni Rommel Chika na Cristy Ferminute (CF) 92.3 Radyo5 True FM kahapon nang tanghali ay bilib siya kay Coco.
“Nakakatuwa talaga si Coco Martin dahil sumusunod s’ya sa lahat ng naaayon sa batas o hindi. Isipin mo, ipina-drug test n’ya lahat ng kanyang production people na ‘pag sa October 7, Lunes, ay hindi nai-submit ang kanilang drug test (result), ‘di puwedeng magtrabaho.
“Dapat lang talaga na binibigyan ng disiplina, lalo na ngayon sa mga panahong ito, ano ba ang kalaban ng mga produksiyon ng kahit sino kahit ordinaryong tao? Droga, ‘di ba?” sey ni ‘Nay Cristy.
“Yes, nadi-delay ang lahat at nagkakagulo ang set ‘pag may ilan sa mga kasamahan nila ang may bisyo, kaya dapat lang para maiwasan ang gulo sa anumang set,” sabi naman ni Rommel Chika.
Pinatotohanan naman ito ng isa sa cast ng BQ na si Rosanna Roces dahil nag-post siya sa kanyang Facebook (FB) account na nakuha na niya ang drug test result niya mula sa Hi-Precision Diagnostics.
Ang caption ni Osang: “Drug Test Done for CCM PRODUCTION.”
May isa pa siyang ipinost na parehong negatibo sa droga at ang caption: “By God’s Grace... 10 years sober.”
Natuwa kami sa post na ito ni Osang na 10 years na siyang maayos at ipinangako naman niya ito na hinding-hindi na siya babalik sa dati dahil hiniling niya sa Diyos na bigyan siya ng isa pang pagkakataon.
TV host, maraming ginulat…
JESSY, UMAMING WALA SA PLANO NI LUIS ANG TUMAKBONG VG NG BATANGAS
“LOVE you, Wowow (term of endearment), thank you for being there,” ang sagot ni Luis Manzano sa mahabang post ng kabiyak niyang si Jessy Mendiola-Manzano sa Instagram (IG) account nito nu'ng Huwebes nang gabi.
Ginulat kasi ni Luis ang lahat nang bigla siyang mag-file ng Certificate of Candidacy (COC) bilang bise-gobernador ng Batangas katuwang ng inang si Ms. Vilma Santos-Recto.
Matagal nang hinihimok ang TV host na kumandidato noon pa bilang mayor at congressman sa Batangas, pero ang lahat ng ito’y haka-haka lang.
Kaya nang mabalitang kakandidato siya ay 50-50 ang naniwala at nang may picture na silang tatlo kasama ang inang si Ate Vi at kapatid na si Ryan Christian Recto na hawak ang COC application ay saka lang naniwala ang lahat.
Si Ryan ay kakandidato bilang kongresista sa 6th District ng Batangas.
Samantala, narito ang post ni Jessy, “This wasn’t part of our plan but God had other plans for us.
"Isa ka sa pinakamasipag, maalaga at mapagbigay na tao na kilala ko. Kahit noon pa man, palagi mong iniisip (ang) kapakanan ng ibang tao. Mahilig kang tumulong at makinig sa iba kahit pa walang kapalit na ano pa man, hindi mo gusto na binabanggit 'yung pangalan mo o ipinapaalam pa sa taong tinutulungan mo.
“Minsan tumatanggap ka ng trabaho kahit na pagod na pagod ka na dahil may pinangakuan kang tutulungan. Alam namin ‘yan at kahit lahat ng mga katrabaho mo, alam nila kung gaano ka na mapagbigay. Ang puso mo ay napakalinis at ‘yun ang isa sa rason kung bakit kita minamahal.
“Alam kong hindi ito parte ng plano natin pero 'andito ako para suportahan ka kahit ano pa man ang mangyari. Isang malaking pagbabago ito sa buhay natin at alam kong mabuting pagbabago ito. Marami kaming nakasuporta sa 'yo, Love.
“I am extremely proud of you for choosing this path, the path to help make a change and extend help to others, you are made for this.
“Mararanasan na ng iba ang alagang “LUCKY” na ilang taon ko na ring nararanasan. Ang SWERTE namin sa 'yo. Mahal na mahal ka namin, maraming salamat @luckymanzano sa buong-pusong paglilingkod. Maunlad na Batangas, para sa bagong Pilipinas. #TalinoatPuso #OneBatangas #ViLucky #ViceGovernorLUCKY #SWERTEngBatangas.”