ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | June 8, 2022

"The Silent Superstar" ang tawag ngayon kay Jodi Sta. Maria, pero sabi lang niya, "Shhh."
Bakit nga ba siya tinawag na Silent Superstar? Kasi naman, halos lahat ng teleseryeng ginawa niya ay second sa most viewed program ng ABS-CBN at siyempre, number one ang FPJ’s Ang Probinsyano na halos pitong taon nang umeere sa Setyembre, pero magtatapos na sa Hulyo, 2022.
Going back to Jodi ay inamin niyang nagpaalam na siya kay Zanjoe Marudo at sa direktor niya sa The Broken Marriage Vow na si Andoy Ranay dahil sa sobrang hirap ng karakter niya bilang si Dra. Jill Ilustre.
Inamin ng aktres na sa lahat ng teleseryeng nagawa niya ay dito sa Filipino adaptation ng TBMV siya nahirapan nang todo kaya pakiwari niya ay nasagad o naubos na siya at wala nang ipapakita pa sa susunod na project.
Naikuwento ito ni Jodi sa #TBMVfinalemediacon nitong Lunes sa ABS-CBN Studio 2 na habang may pa-piging silang buong team ng show ay nagpaalam nga siya.
Aniya, “This role has really pushed me to the edge. Kumbaga, pushed me to my limit, parang heto na ‘to, hanggang dito na ‘to.
“I clearly remembered, after we all watched the trailer, ‘yung launch ng trailer, may pa-piging doon sa gilid, so kumukuha ng pagkain, we were all happy siyempre na finally nakita na namin ‘yung glimpse ng ginawa namin. But parang I just told Z (Zanjoe) and Direk Andoy, sabi ko, 'Ito na ‘yung huling project ko.' Sabi ko, 'After TBMV, ayoko na.' ‘Yan ‘yung sinabi ko, ito na ‘yung last.
“Hindi ko alam kung unang-una, meron pa ba akong maibibigay sa susunod na project na feeling ko na lahat na, ibinigay ko na rito. Hindi talaga naging madali. Feeling ko, heto na ‘yun, wala na akong ibang magagawa after this. Sabi ko nu’ng time na ‘yun sa pa-pigingan.”
Binalikan ng tanong ang aktres ng host ng mediacon na si MJ Felipe kung may pagbabago sa desisyon niya.
“Yes it has. Pagkalabas ko ng locked-in (taping), I realized that I was so tired. I was physically, emotionally, and mentally exhausted from playing the role of Dra. Jill kasi feeling to talaga, wala na, eh. Nasagad talaga.
“Sabi ko nga, 'pag kumukuha ako ng bond paper, magta-try akong gumawa ng isang bagong character (pero) wala, wala talaga. Feeling ko, lahat ng creative juices ko, na-cut-off.
“So, ang naisip ko, kung artist ka at ganito ka kaubos, ano pa ang puwede mong gawin? All I really needed lang pala was a break, to recharge, to relax, to just kalma,” paliwanag ni Jodi.
‘So, after 6 months, game na?" tanong ulit ni MJ.
Natawa naman nang husto ang aktres at, “'Yan ang aabangan nilang exciting part, hahaha!”
Dagdag pa, “Wala pa talagang concrete na plano kung ano’ng mangyayari sa akin after The Broken Marriage Vow. ‘Yun lang muna ang masasabi ko.”
Huling tatlong linggo na lang ang The Broken Marriage Vow at sabi ni Direk Connie Macatuno ay papunta pa lang ang kuwento sa exciting part na mas matitindi ang mapapanood na eksena kaya huwag bibitaw mula Lunes hanggang Biyernes sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z Channel 11, at TV5. It is also available on iWantTFC and Viu.
At base sa napanood naming trailer during the finale mediacon ay mukhang may matinding mangyayari kina David (Zanjoe) at Lexy (Sue Ramirez) at siyempre with Dra. Jill (Jodi). Kasama rin sina Zaijian Jaranilla, Bianca Manalo, Art Acuña, Rachel Alejandro, Jake Ejercito at Ketchup Eusebio sa serye.

