ni Nitz Miralles @BIDA | November 29, 2026

Photo: PBB Collab 3.0
Hindi umepekto ang panawagang boycott sa Pinoy Big Brother (PBB) Collab 3.0 dahil dumagsa pa rin ang mga fans sa Bahay ni Kuya sa ginanap na bentahan ng merchandise na weekly task ng mga housemates.
Nangyari ito kahapon at sa mga larawang lumabas, makikita ang maraming taong nakahandang bumili ng mga merchandise.
Sey ng mga netizens:
“Sa kabila ng matinding panawagan ng boycott, mas todo ang tiwala at suporta ng mga fans sa housemates.”
“Mga walang isang salita lang ang nanawagan ng boycott.”
“Todo-bash sila, tapos pumunta pa rin d’yan, pang-content din nila.”
Kung may nanawagang i-boycott ang PBB, mas marami ang nakasuporta sa show at hindi sila titigil sa panonood hanggang sa finale. Marami rin ang nanawagan sa ABS-CBN at GMA na ibalik ang livestream ng reality show. Mas maganda at mas exciting daw manood.
Anyway, may nahanap na namang isyu ang mga gustong i-boycott ang PBB. Kaya raw reminder lang ang ibinigay ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa programa dahil isa sa mga Board Members ng ahensiya ay may anak na housemate. Ang tinukoy ng basher ay si Race Matias, na anak ni former Quezon City Mayor Herbert Bautista. Ang mom naman ni Race ay si Eloisa Matias na isa sa mga Board Members ng MTRCB.
Si Race pala, kasama sina Mikee Quintos at Victoria Vargas, ay tinatawag na ‘nepo babies’ dahil may political connections.
Payo sa kalalakihan…
“LOVE YOUR WIFE” — DENNIS
NAGSIMULA na ang promo ni Dennis Trillo para sa 2026 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Amir, kung saan hindi lang siya lead actor, co-producer din sila ng asawa niyang si Jennylyn Mercado under their film production company, ang Brightburn Entertainment.
Second produced movie na ito nina Dennis at Jennylyn. The first one was Green Bones, na hindi lang box-office hit, it was also critically acclaimed. Co-produced ang movie ng GMA Pictures at GMA Public Affairs.
Sa interview sa 24-Oras, nabanggit ni Dennis na ang magandang mensahe o takeaway ng movie ay ang pagpapahalaga sa pamilya.
Aniya, “Lalo na sa mga anak. Kung paano ang pagiging protective sa mga anak at kung paano ihahanda ang mundong ito sa mga susunod sa ‘yo, lalo na sa mga anak mo.”
Parang ang lalim ng binanggit ng aktor na mensahe ng Amir. Sabi naman nito, kapag napanood na ang pelikula, malalaman kung ano ang mensaheng gustong iparating sa mga moviegoers.
Ang ganda ng poster ng movie. Sina Dennis at Argus Aspiras lang ang makikita (hindi lang kami sure kung official poster na ito). Pangalan din lang nila ang nakasulat above the film’s title at kapansin-pansin na una sa billing at above the title ang pangalan ni Director Zig Dulay at nina Ricky Lee at Anj Atienza na sumulat ng story. The rest of the cast, below the title na. Wala naman sigurong magrereklamo.
Anyway, may paalala si Dennis sa mga lalaking may asawa, at makinig kayo.
Sey niya, “Love your wife because pregnancy changes her body, childbirth tests her strength, and motherhood demands parts of her that nobody else sees. Appreciate her not just for the children she gave you, but for the woman she still is.”
MUKHANG malapit nang ikasal sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz dahil may pa-hashtag na sila na #WeddingBellsSoon at #KasalanNa.
Naikuwento ni Rayver sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) na bago siya pumunta sa bahay nina Julie para magpaalam sa parents nito, kinausap niya ang picture ng mom niya na nakasabit sa kuwarto niya.
Sabi ni Rayver, samahan daw siya ng kanyang mom sa pagpapaalam.
Naiyak na ang aktor, naluha si Julie at naunang umiyak si Boy Abunda.
“Sana, nandito ka, kasi gusto ko, sama-sama tayo...” sabi ni Rayver at napaluha na.
Ulila na si Rayver at ang mga kuya niyang sina Omar at Rodjun, pero hindi siya pababayaan ng kanyang pamilya. Very close ang magkakapatid at close rin sila sa kanilang mga kamag-anak.
May nag-comment lang na kapag ikinasal sina Julie at Rayver, magkikita-kita ang Cruz clan at marami sila.

