ni Beth Gelena @Bulgary | November 7, 2026

Photo: IG _darrenespanto & _ciannedominguez
Hot topic sa social media ang Pinoy Big Brother Collab 3.0 (PBBC3.0) housemate at It’s Showtime host na si Cianne Dominguez dahil sa kanyang body odor issue.
Marami kasing video clips na lumalabas na tila nababahuan umano ang ibang housemates at may mga side comments pa.
Sa outside world, hindi naman pinalampas ng singer na si Darren Espanto ang pambabatikos ng mga netizens sa kaibigan. Sa halip na makisabay sa mga negatibong komento, nagpahayag siya ng suporta sa pamamagitan ng pagkomento sa social media post ng Star Magic.
Diretsahang isinulat ni Darren ang hashtag na #HindiMabahoSiCianne bilang pagtatanggol sa co-host ng noontime show.
Kinondena kasi ng Star Magic ang mga personal attacks online, hindi lamang kay Cianne kundi pati na rin kay Shea Valerio at iba pang housemates ng PBBC3.0.
Binigyang-diin ng talent agency na bahagi man ng reality television ang magkakaibang opinyon at kritisismo, hindi ito dapat maging dahilan para manakit o manghiya ng kapwa.
“We believe that while public opinions and criticisms are part of reality television, they should never be an excuse for hate or cruelty,” pahayag ng Star Magic.
Hinimok din ng ahensiya ang mga netizens na maging responsable sa paggamit ng social media at pairalin ang respeto at malasakit.
“We encourage everyone to practice responsible social media engagement and remember that differences in opinion should always be met with respect and compassion,” dagdag pa ng agency.
Sa ginawa ni Darren, ipinakita niyang hindi kailangang manahimik kapag may kapwa artistang nakararanas ng pambabatikos, lalo na kung nauuwi na sa personal ang pang-iinsulto.
Korean actor na idol ni Anne… PARK BO GUM, LICENSED HAIRDRESSER NA
VERY vocal ang actress-host na si Anne Curtis na number one fan siya ng Korean actor na si Park Bo Gum. Kaya naman, tiyak na lalo siyang hahanga sa aktor na hindi lamang sa husay umarte at taglay na karisma pinahahanga ang kanyang mga fans, kundi maging sa hairstyling.
Isa na kasing licensed hairdresser si Bo Gum matapos maipasa ang national certification examination sa South Korea (SoKor).
Kinumpirma mismo ng South Korean television network na tvN (Total Variety Network) ang pagkakaroon ng lisensiya ng aktor.
Kapansin-pansin ang tagumpay na ito dahil hindi basta-basta ang naturang pagsusulit, na ayon sa ulat ay may passing rate lamang na 20 hanggang 30 percent.
Sa unang season ng reality show na The Village Barber (Bogum’s Magic Curl), nasubaybayan ng mga manonood ang pagsisikap ng Korea actor na makakuha ng lisensiya bilang hairdresser. Gayunman, hindi siya pinalad sa unang pagkakataon matapos bumagsak sa practical perm test.
Pero hindi niya hinayaang maging hadlang ang kabiguan. Sa kabila ng pagiging abala sa kanyang mga showbiz commitments, nagpatuloy siya sa pag-aaral at paghahanda hanggang sa tuluyang makuha ang inaasam na lisensiya sa ikalawang pagsusulit.
May background na rin sa pag-aayos ng buhok ang aktor dahil natuto siyang maggupit noong nagseserbisyo siya sa South Korean Navy bilang bahagi ng kanyang mandatory military service mula Agosto 31, 2020 hanggang Pebrero 21, 2022.
Lalong nadagdagan ang paghanga ng mga fans kay Bo Gum dahil ipinakita niyang handa siyang matuto ng bagong kasanayan at magsimula bilang baguhan kahit isa na siyang sikat na artista.
Well, dalawang beses nang nagkita nang personal sina Anne at Park Bo Gum.
Unang nagkita ang dalawa noong Hunyo 22, 2019 sa SM Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay City. Si Anne ang napiling host ng unang Manila fan meeting ng K-Drama actor na bahagi ng Good Day Asia Tour.
Muli silang nagkita noong Mayo 31, 2025 sa Bangkok, Thailand, para sa global premiere ng K-drama na Good Boy, kung saan nakapanayam ni Anne ang aktor.
Mas exciting tuloy ang inaabangang pagbabalik ng The Village Barber para sa ikalawang season na magsisimula sa tvN sa Nobyembre 29. Muli niyang makakasama ang mga Korean actors na sina Lee Sang-yi at Ko Kyung-pyo sa pagpapatakbo ng kanilang salon.
Sa pagkakataong ito, hindi na lamang basta trainee si Bo Gum dahil maaari na niyang ipamalas ang kanyang mga kasanayan sa paggugupit, pag-aayos at pagkukulot ng buhok ng kanilang mga kostumer.
Marami namang Pinoy fans ang humanga sa kakaiba niyang talent.
Ano kaya ang reaksiyon ni Anne sa bagong career ng kanyang idol?

