ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | February 03, 2022
PALPAK NA ADVISER NI BBM, DAPAT SIBAKIN–Dapat sibakin na ni presidential candidate, former Sen. Bongbong Marcos ang kanyang mga advisers kasi palpak ang payo ng mga ito, tulad nang sundin ni BBM ang payo na huwag dumalo sa interview ni Jessica Soho, pinagtatawanan siya ng publiko, nag-trending tuloy ang #Duwag.
Next naman nang payuhan din siya na patulan ang death threat na mula sa TikTok at nagpasaklolo pa sa Department of Justice, National Bureau of Investigation at Philippine National Police ay pinagtawanan na naman siya ng mamamayan kasi pati ang banta sa TikTok ay pinapatulan.
Normal lang sa mga pulitiko ang magkaroon ng banta sa buhay, pero ‘yung papatulan pa ay sa totoo lang, katawa-tawa talaga ‘yan, boom!
◘◘◘
PASTOR NA SABIT SA SEX AND CHILD TRAFFICKING, ININDORSO ANG KANDIDATURA NINA SARA, JINGGOY AT ROQUE–Kung inaakala nina vice-presidential candidate, Mayor Sara Duterte at senatorial candidates, former Sen. Jinggoy Estrada at former Presidential spokesman Harry Roque, Jr. na malaki ang maitutulong ng pag-endorso sa kanila ni Pastor Apollo Quiboloy ay nagkakamali sila.
Marami ang galit kay Quiboloy nang sumabit ito sa kasong sex and child trafficking sa United States (US), kaya asahang madadamay ang mga kandidatong kanyang iindorso, period!
◘◘◘
MMDA AT DEPED, WALANG MALASAKIT SA BUHAY NG MGA ESTUDYANTE–Pinagpaplanuhan na ng Metro Manila Development Authority at Department of Education na magpairal ng face-to-face classes ngayong ibinalik na sa Alert Level 2 ang Metro Manila.
Napakawalang malasakit naman ng MMDA at DepEd kasi libu-libo pa ang tinatamaan ng COVID-19 sa National Capital Region, tapos magpapairal na sila ng face-to-face classes, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
YORME, HANGAD ANG ENDORSEMENT NI P-DUTERTE KAYA TODO-SIPSIP SA PANGULO–Sakaling siya raw ang maging pangulo, sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na bibigyan niya ng proteksiyon si P-Duterte laban sa umuusig dito na International Criminal Court.
Talagang hinahangad ni Yorme na makuha ang endorsement ni P-Duterte kaya todo-sipsip siya sa pangulo, boom!

