ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | July 26, 2026
ISSUE #405
Ang isa sa mga malungkot na katotohanan, lalo na sa kasalukuyang panahon, ay sadyang naglipana na ang kasamaan at kapahamakan sa ating lipunan.
Mayroong mga pagkakataon na kahit walang ginagawang masama ang isang tao, nalalagay pa rin siya sa kapahamakan, at ang iba pa nga ay nauuwi sa kanilang kamatayan.
Tulad na lamang ng sinapit ni Sanny Boy, ang biktima sa kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito, hango sa kasong may pamagat na People of the Philippines vs. John Romar Ayuhan, Rudymar Ayuhan Caballes and Wilbert Palingayan Becera (Criminal Case No. R-CDO-22-01169-CR, September 19, 2024).
Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng mga kaganapan sa insidente na nagwakas sa buhay ng isang inosenteng biktima at alamin kung nakamit niya ang hustisyang laan para sa kanya.
Si Sanny Boy ay naglalakad malapit sa tindahan sa isang barangay sa Cagayan de Oro City, bandang alas-10:00 ng gabi, noong ika-18 ng Disyembre 2021.
Batay sa salaysay ni Dennis na kasama umano ni Sanny Boy noong oras na iyon, mayroon silang nakasalubong na tatlong katao. Diumano, nagtanong si Sanny Boy sa isa sa tatlo kung kilala nila ang nagngangalang Bacala.
Maliban sa hindi pagtugon ng pinagtanungan ni Sanny Boy, bigla na lamang umano siya nitong sinaksak sa kanang binti gamit ang isang kutsilyo. Tumakbo umano si Sanny Boy sa kabilang bahagi ng kalsada, subalit hinabol pa rin siya ng tatlo, habang si Dennis naman ay tumakbo umano patungo sa bahay ng isang nagngangalang Tatay Ali.
Gayunman, hindi na umano pinayagang lumabas si Dennis. Kinaumagahan, pinuntahan diumano si Dennis ni PEMS Donasco sa bahay ni Tatay Ali at inalam sa kanya ang naganap na insidente.
Ayon pa kay Dennis, nakasuot ng puting t-shirt, asul na shorts at itim na sombrero ang taong sumaksak kay Sanny Boy, habang ang kasamahan nito ay nakasuot ng puting shorts, ang isa ay naka-gray na t-shirt at ang isa na umiika-ika ay nakaitim na t-shirt. Diumano ay nagtamo ng matinding pinsala si Sanny Boy na naging dahilan upang siya ay bawian ng buhay.
Ang tatlong pinaratangan sa pananalakay at pagkakapaslang kay Sanny Boy ay sina John, Rudymar at Wilbert. At ang tatlo ay naharap sa kasong Murder.
Batay sa Paratang na inihain laban sa kanila sa Regional Trial Court (RTC) ng Cagayan de Oro City, nagsabwatan at nagtulungan ang tatlo, nang mayroong pagtataksil at gamit ang kanilang higit na lakas, sa pananalakay kay Sanny Boy. Partikular na palihim at biglaang sinaksak ni John si Sanny Boy sa kanang binti nito gamit ang isang kutsilyo.
Nang makatakbo palayo si Sanny Boy ay hinabol siya ng tatlo, na naging sanhi upang lubha na magdugo ang kanyang tinamong sugat at dahilan upang makaranas ang biktima ng hypovolemic shock na siyang naging sanhi ng kagyat niyang kamatayan.
Tumayo bilang saksi para sa Tagausig sina Dennis at PEMS Donasco.
Ang mga akusado ay ipinrisinta ni Manananggol Pambayan M.N.A. Tamparong ng PAO-Cagayan de Oro City. “Not guilty” ang kanilang naging pagsamo sa hukuman ng paglilitis.
Inialok ni John sa hukuman ng paglilitis ang kahilingang gawaran ng parusa para sa krimen na Homicide. Ang nasabing alok ay sinang-ayunan ng Tagausig. Kaugnay nito, nagbaba ng desisyon ang RTC at hinatulan si John na nagkasala nang higit pa sa makatuwirang pagdududa para sa krimeng Homicide. Pagkakakulong ng anim (6) na taon at isang araw hanggang labing-apat (14) na taon ang parusa na ipinataw kay John.
Nagpatuloy naman ang paglilitis sa mga kapwa-akusado na sina Rudymar at Wilbert.
Batay diumano sa isinagawang imbestigasyon ni PEMS Donasco, nakita sa CCTV footage na tumatakbo ang tatlong katao at na sila ay sinundan pa ng dalawang katao. Sa karagdagan pa niyang pagsisiyasat, may natagpuan diumano na mantsa ng dugo sa sasakyan na nakaparada sa daan kung saan hinahabol ng salarin at ng kanyang mga kasamahan ang biktima. Kalaunan ay natagpuan diumano ang biktima sa loob ng terminal ng bus. Tila roon diumano naghanap ng mapagkukublihan ang biktima. Sa terminal na iyon na rin siya natagpuan na wala nang buhay.
Pormal na inialok ng Tagausig ang kanilang mga dokumentaryo na ebidensya, na tinanggap ng hukuman ng paglilitis. Naghain naman ng motion for leave to file demurrer to evidence ang Depensa, na ipinagkaloob ng hukuman ng paglilitis. Gayunman, walang inihain na demurrer to evidence ang Depensa.
Sa pagdinig noong ika-18 ng Hulyo 2024, inihayag ni Manananggol Pambayan M.N.A. Tamparong na hindi na magpiprisinta pa ng ebidensya ang Depensa.
Matapos ang maingat na pag-aaral sa kaso laban kina Rudymar at Wilbert, nagbaba ng Desisyon ang RTC na sila ay pinawawalang-sala sa pamamaslang kay Sanny Boy.
Bagaman napatunayan na bigla na lamang sinalakay at sinaksak si Sanny Boy at ang tinamo niyang pinsala ang naging sanhi ng kanyang pagpanaw, hindi naman nakumbinsi ang hukuman ng paglilitis na mayroong partisipasyon sa krimen sina Rudymar at Wilbert.
Naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis na sa salaysay ng saksi na si Dennis ay iisang tao lamang ang kanyang nakita na sumalakay at sumaksak kay Sanny Boy – ito ay si John, na kalaunan ay umamin at umako sa responsibilidad sa naganap na krimen.
Bagaman nakita umano sa mga CCTV footages na mayroong tatlong katao na tumatakbo kasunod ng isang tao, wala nang nakita pang pananalakay sa puntong iyon. Kung kaya’t para sa hukuman ng paglilitis ay hindi naitaguyod na sinalakay at sinaksak ng mga kapwa akusado ni John na sina Rudymar at Wilbert ang pumanaw na biktima.
Ipinaalala ng hukuman ng paglilitis na ang pagpapatunay, nang higit pa sa makatuwirang pagdududa, ng pagkakakilanlan ng salarin ay kasing halaga ng pagpapatunay na naganap ang krimen.
Sa kasong ito, ayon sa hukuman ng paglilitis, walang katibayan o anumang pagpapatunay na nakilala sina Rudymar at Wilbert na mismong sumalakay at sumaksak kay Sanny Boy o nagplano ng kamatayan ng naturang biktima.
Ang malinaw lamang para sa hukuman ng paglilitis ay ang pag-amin ni John sa krimen, dahilan upang maabsuwelto ang kanyang dalawang kapwa-akusado.
Binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis na karapat-dapat ipawalang-sala ang bawat akusado kung ang kanilang pagkakasala ay hindi napatunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. Hindi ganap na katiyakan ang kinakailangan, bagkus pagpapatunay ng mayroong moral na katiyakan ay sapat upang sila ay mahatulan ng pagkakasala.
Sa kaso laban kina Rudymar at Wilbert, nabigo ang Tagausig na itaguyod ang kanilang pagkakakilanlan kaugnay sa naganap na krimen nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. Kung kaya’t minarapat ng hukuman ng paglilitis na sila ay ipawalang-sala. Ang nasabing Desisyon ng RTC Cagayan de Oro City na nilagdaan noong ika-19 ng Setyembre 2024 ay hindi na inapela o kinuwestyon pa.


