ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | February 23, 2026
ISSUE #385
Sa pagitan ng dilim ng madaling-araw at ng katahimikang inaasahan sa oras na iyon, may mga sandaling ang karahasan ay bigla na lamang sumisingit, hindi para magbigay-liwanag, kundi para mag-iwan ng sugat na matagal bago maghilom. Sa ganitong mga pagkakataon, mabilis ang bulungan, mabilis ang tudlo, at minsan, mas mabilis pa ang hatol ng tao kesa hatol ng hukuman.
Ngunit sa harap ng batas, ang galit at hinala ay hindi maaaring maging kapalit ng ebidensya. Sapagkat, sa bawat akusasyong may bigat, nandu’n din ang isang prinsipyong hindi dapat mabasag: ang presumption of innocence, o ang pagpapatunay sa kasalanan nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Batay sa kasong People of the Philippines vs. Cabrera, et al., Criminal Case Nos. 2987 at 2988, na dininig ng Regional Trial Court, Branch 42, Virac, Catanduanes, at sa panulat ni Honorable Presiding Judge Lelu Contreras, sinuri ng hukuman kung naitaguyod ba ng tagausig ang kasong Murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code (as amended) laban sa mga akusado.
Bilang pagbabahagi, ayon sa magkahiwalay na impormasyon na inihain, noong ika-30 ng Setyembre 2001, bandang 12:25 ng hatinggabi, sa Bayan ng Panganiban, Lalawigan ng Catanduanes, ang mga akusadong sina Alyas “Boy Araw,” Alyas “Dick,” at Alyas “Geng Geng,” na umano’y nagkakaisa ng layunin at magkakatulong ay sinasabing bigla at treacherously o pataksil na umatake sa mga biktimang sina “Pilo” at “Pards.”
Sa unang kaso (Crim. Case No. 2987), isinasaad na si Pilo ay inatake at sinaksak gamit ang matalim na patalim at/o binato, na nagdulot ng mga sugat na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay. Sa ikalawang kaso (Crim. Case No. 2988), si Pards naman ay sinasabing sinaksak sa leeg gamit ang patalim, na naging sanhi rin ng kanyang pagkamatay.
Pagkaraang maisampa ang mga kaso, nanatiling at large ang mga akusado, at sa kabila ng mga warrant, na-archive ang mga kaso. Makalipas ang mahabang panahon, si “Dick” lamang ang naaresto, dahilan upang muling buhayin ang kaso laban sa kanya, habang sina “Boy Araw” at “Geng Geng” ay hindi pa rin nahaharap sa paglilitis.
Sa paglilitis, iniharap ng tagausig ang mga saksi, kabilang ang isang testigong kamag-anak ng biktima (na sa rekord ay nagbigay ng salaysay tungkol sa pangyayari), mga pulis/imbestigador, at isang doktor na nagbigay-linaw sa mga natuklasang sugat batay sa post-mortem findings at anatomical sketch.
Mahalaga sa teorya ng tagausig ang testimonya ng pangunahing saksi na nagsabing sa usapin ng biktimang si Pilo, may pahayag siyang nakita umano niya si “Dick” na nambato at tumama iyon sa likod ng ulo ng biktima; at sa usapin ng biktimang si Pards, nandu’n umano siya sa pangyayari at nakita siyang sugatan at tumatakbo palapit ito, ngunit tulad ng tinalakay ng hukuman, hindi niya nakita kung sino ang mismong umatake sa biktima.
Sa kabilang banda, si “Dick” ay ipinagtanggol ng Public Attorney’s Office, sa pamamagitan ni Atty. Merlin Abada. Matapos maisara ng tagausig ang presentasyon at pormal na maihain sa hukuman ang ebidensya, ang depensa ay naghain ng Motion for Leave to File Demurrer to Evidence—isang remedyo sa ilalim ng Rules of Court na ginagamit kapag, kahit tanggapin pa ang ebidensya ng tagausig sa pinakamabuting pagbasa nito, kulang pa rin ito upang maghatid ng hatol na pagkakasala.
Matapos ang paglilitis at sa pagbusisi ng hukuman, malinaw na hindi lamang “ang sinabi” ng saksi ang tanong, kundi kung ang sinabi niya ay matibay, tugma, at hindi salungat sa mga pisikal na ebidensya gaya ng medico-legal findings, at higit sa lahat, kung ang kabuuan ng ebidensya ay umuugnay kay “Dick” sa dalawang pagpaslang nang may moral certainty.
Sa kaso ni Pards, mahalagang punto ang lumitaw: bagama’t nakita ng testigo si Pards na tumakbong sugatan, hawak ang bahagi ng kanyang leeg, hindi niya nakita kung sino ang sumaksak o umatake rito. Sa madaling sabi, may patunay na may biktima at may sugat, subalit sa tanong na “sino,” walang positibong pagkakakilanlan na nag-uugnay kay “Dick” sa mismong pananaksak o pagpatay kay Pards.
Ayon sa hukuman, sa kasong Murder, hindi sapat na may naganap na krimen; kailangan ding mapatunayan na ang akusado ang may gawa, hindi lang “posibleng may kinalaman.”
Sa kaso naman ni Pilo, umasa ang tagausig sa pahayag na nakita diumano si “Dick” na nambato. Ngunit dito pumasok ang mas mabigat na usapin, tugma ba ito sa sugat na iniulat ng medico-legal findings?
Batay sa mga tala o record ng kaso na lumitaw sa pagtatanong ni Public Attorney Abada at sa paliwanag ng doktor sa anatomical sketch at findings, lumabas ang kritikal na punto na ang sugat sa likod ng ulo ay incised wound (hiwa), na ayon sa doktor ay nagmumukhang gawa ng matalim na bagay, hindi tipikal na pinsalang inaasahan kung malaking bato ang tumama. Ang ganitong pagkakaiba ay hindi simpleng detalye, sapagkat kung ang “nakitang pagbato” ang pangunahing ugnay kay “Dick,” ngunit ang sugat na inuugnay rito ay hindi akma sa mekanismong sinasabi, pumapasok ang makatuwirang pagdududa kung totoo bang ganu’n ang nangyari, o kung tama ba ang pagkakakilala sa salarin.
Pinagtibay rin ng hukuman ang prinsipyo na ang conspiracy o pagsasabwatan ay hindi maaaring ibatay sa hinala o sa katotohanang “magkakasama” ang mga tao sa isang punto ng oras. Kailangang may malinaw na patunay ng pagkakaisa ng layunin at sabayang kilos tungo sa krimen. Sa mga puwang sa pagkakakilanlan ng salarin (lalo na sa kaso ni Pards) at sa inconsistency ng mekanismo ng pinsala (sa kaso ni Pilo), hindi nabuo ang antas ng katiyakang hinihingi upang ipataw ang pinakamabigat na hatol.
Sa kabuuan, nakita ng hukuman na ang ebidensya ay hindi umabot sa moral certainty. At kapag ang patunay ay kulang, ang batas ang nagsasalita — hindi maaaring tumuloy sa hatol na pagkakasala.
Dahil sa kakulangan ng ebidensyang mag-uugnay kay “Dick” sa pagpaslang kay Pards, at dahil sa mga salungat na detalye sa mahalagang bahagi ng salaysay kaugnay ng mga sugat ni Pilo, pinagbigyan ang demurrer at pinawalang-sala si “Dick” dahil sa kabiguang patunayan ng tagausig ang pagkakasala nito nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Sa huli, ang daing ay hindi iisa ang pinanggagalingan. May daing ang lipunang naghahanap ng panagot, may daing ang pamilyang naulila, dahil ang katarungan ay tila nananatiling nakabitin habang ang dalawa pang akusadong sina “Boy Araw” at “Geng Geng,” ay nananatiling at large o hindi pa nadadakip.
Ngunit may daing din ang isang taong nadawit at hinarap ang bigat ng paratang sa loob ng ilang taon, na sa ilalim ng ating sistemang kriminal, hindi maaaring ikulong ang kalayaan sa puwang ng haka-haka. Sapagkat, kung ang ebidensya ay may bitak, ang batas mismo ang nag-uutos ng pagpapalaya, habang ang paghahanap ng ganap na hustisya para sa mga biktima ay patuloy na naghihintay sa pagharap ng mga nananatiling nagtatago.


