top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 11, 2023



Pagdating sa pagkakaroon ng dekalidad na edukasyon at pagsasanay para sa mga guro, katuwang natin ang pamahalaan upang matupad ang ating mga plano at adhikain para sa pangalawang magulang ng kabataang mag-aaral.


Ganap nang ipinatutupad ang ating batas na Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), na naisabatas noong nakaraang taon. Bahagi ito ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 ng gobyerno.


Pinatatatag ng naturang batas ang Teacher Education Council (TEC) sa pamamagitan ng mas maigting na ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC). Sa ilalim ng batas, mandato ng TEC na magtalaga ng pamantayan para sa mga teacher education programs upang matiyak ang ugnayan ng mga ito mula kolehiyo hanggang sa aktuwal na pagtuturo.


Ang mga guro ang may pinakamahalagang papel sa edukasyon, ngunit nakababahala ang mababang passing rate sa Licensure Examination for Teachers. Mula 2014 hanggang 2022, pumalo lang sa 34 porsyento ang average passing rate para sa mga LET takers sa Elementary level. Sa Secondary level naman, umabot lang sa 40 porsyento ang average passing rate.


Lumabas din sa Philippines Public Education Expenditure Tracking and Quantitative Service Delivery Study (PETS-QSDS) ng World Bank na hindi sapat ang kakayahan ng mga guro para ituro ang malaking bahagi ng K to 12 curriculum. Maliban sa English elementary teachers, ang pangkaraniwang guro sa elementarya at high school ay hindi nakasasagot nang tama sa kalahati ng mga subject content tests.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education at co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), tinitiyak ng inyong lingkod na magpapatupad pa tayo ng iba pang mga reporma sa sektor ng edukasyon. Nilikha ng Republic Act No. 11899 o ng Second Congressional Commission on Education Act ang EDCOM II upang repasuhin ang sektor ng edukasyon sa bansa.


Kasama rin sa layunin nito ang pagrerekomenda ng mga tiyak at napapanahong mga reporma upang isulong ang pagiging globally competitive ng Pilipinas sa parehong education at labor markets.


Alam natin na kasabay ng layuning iangat ang kalidad ng edukasyon para sa ating mga kabataan, mahalaga rin na matutukan natin ang edukasyong natatanggap ng ating mga guro. At ngayong meron na tayong batas para sa pag-angat sa kalidad ng teacher education, kailangang tiyakin natin na maipatutupad ito nang maayos dahil ang mga mag-aaral ang lubos na makikinabang dito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 10, 2023


Ngayong unang buwan ng bagong taon, isa sa mga tinututukan ng Committee on Basic Education sa Senado ay ang maigting na pagsusuri at pagrepaso sa sistema ng edukasyon sa bansa. Ito ay sa pamamagitan ng Second Congressional Commission on Education o ang EDCOM II, kung saan ang inyong lingkod ay nagsisilbing co-chairperson.


Mahalaga ang magiging papel ng Komisyong ito sa pagtugon ng bansa sa krisis sa sektor ng edukasyon, bagay na lalo pang mas naging mapanubok nang dumating ang COVID-19 pandemic.


Sa EDCOM II, susuriin ang pagtupad sa mandatong nakasaad sa batas na lumikha ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Bukod dito ay magsasagawa rin ang EDCOM II ng national assessment na magrerekomenda ng mga konkreto at napapanahong reporma upang gawing globally competitive ang Pilipinas sa parehong education at labor markets.


Nilikha rin ng Republic Act No. 11899 ang Education, Legislation and Policy Advisory Council upang bigyan ng payo ang Komisyon. Noong nakaraang Disyembre ay tinukoy na ang mga miyembro ng Advisory Council.


Kabilang sina Pasig City Mayor Vico Sotto at Taguig City Mayor Lani Cayetano bilang policy advisors mula sa local government units (LGUs). Sina dating Ateneo de Manila University President Fr. Bienvenido Nebres at dating University of the Philippines College of Social Sciences and Philosophy dean Dr. Maria Cynthia Rose Bautista, ang magiging policy advisors mula sa akademya. Sina Ginoong Alfredo Ayala at Dr. Chito Salazar naman ang magiging kinatawan ng pribadong sektor. Habang sina dating TESDA director-general Irene Isaac at Private Education Assistance Committee Executive Director Doris Ferrer ang magsisilbing policy advisors mula sa government education agencies.


Ang Synergeia Foundation at Civil Society Network for Education Reforms (E-Net Philippines) ang magiging kinatawan ng mga civil society organizations at development partners na may kinalaman sa edukasyon. Ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS) naman ang magsisilbing research arm ng Komisyon.


Patuloy tayong magpapanukala at magsusulong ng mga repormang tutugon sa krisis na bumabalot sa sektor ng edukasyon. Samahan ninyo ang inyong lingkod sampu ng ating mga stakeholders sa adhikaing ito upang patuloy na matugunan ang mga pangangailangan ng kabataang mag-aaral at matiyak na hindi sila mapag-iiwanan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 5, 2023


Sa panahon ngayon na laganap ang pagnanakaw ng personal na impormasyon sa online at kakulangan sa data privacy sa internet, nakababahala ang sinabi mismo ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary John Ivan Uy, na kulang ang cybersecurity experts natin sa bansa upang masawata ang cybercriminals. Sinabi ng kalihim na meron lamang tayong 200 certified cybersecurity experts kung ikukumpara sa 3,000 ng Singapore.


Kaya plano ng DICT ang pag-aalok ng short-course training programs para sa mga nalilinya sa industriyang ito, kabilang na ang software engineers.


Ang suhestiyon ng inyong lingkod, simulan sa basic education ang pagtuturo ng mga kaalaman tungkol sa cybersecurity.


Kamakailan ay iniulat ng cybersecurity company na Kaspersky Security Network na noong 2021, mahigit 50 milyong web threats ang napigilan sa Pilipinas na pang-apat sa mga bansang itinuturing na top targets ng mga cybercriminals. Lumabas din sa naturang ulat na ang mga cyberthreat sa bansa ay umakyat na sa 433 porsyento mula 2017 hanggang 2021.


Kailangan din nating maitaas ang enrollment rate sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) sa senior high school na posible ring pagmulan ng future cybersecurity experts. Meron lamang 612,857 na mga mag-aaral sa senior high school sa STEM o katumbas lamang ng 16 porsyento ng senior high school enrollment.


Pagdating halimbawa sa coding, naniniwala ang inyong lingkod na dapat ituro ito sa junior high school para magkaroon ng karanasan ang ating mga mag-aaral at pagdating nila sa senior high school, maaari na silang makagawa ng mga mas advanced o komplikadong gawain pagdating sa larangan ng cybersecurity. Sa kolehiyo, maaari na silang magkaroon ng specialization.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, inihain natin ang Senate Bill No. 476 o ang Equitable Access to Math and Science Education Act na naglalayong magpatayo ng math and science high school sa lahat ng probinsya sa bansa.


Sama-sama nating isulong ang paghubog sa mas marami pang magiging eksperto ng cybersecurity at simulan natin sa basic education.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page