top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 5, 2023

Isa sa mga balakid kung bakit nahihirapang makahanap ng trabaho ang mga K-12 graduates ng technical-vocational-livelihood (TVL) track ay ang requirement na dapat mayroon silang certification sa senior high school.


Sa mga pagdinig na ating ginawa sa Senado, ipinaliwanag ng Department of Education (DepEd) na ang bayad para sa certification ang isang dahilan kung bakit hindi sila nakakakuha nito.


Kaya isinusulong ng inyong lingkod bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education na maglaan ng pondo sa 2024 national budget para sa certification ng mga senior high school na kumuha ng technical-vocational-livelihood (TVL) track.


Sa madaling salita, akuin na lang ng gobyerno ang pagbabayad sa requirement na certification. Dahil dito ay tataas din ang tsansa ng mga graduate ng TVL na makapasok sa trabahong nais nilang pasukan, kagaya ng ipinangako ng K to 12 program.


Nasa 1.52 bilyong piso ang kinakailangan para sa naturang certification ng humigit-kumulang 400,000 na mga mag-aaral ng TVL mula senior high school.


Bukod sa makakatulong ang libreng certification sa kanila na makakuha ng agarang trabaho, matutugunan din nito ang tila “dead end” para sa mga magsisipagtapos ng senior high school.


Kapansin-pansin ang mababang certification rate ng ating mga graduates ng senior high school na kumuha ng TVL track. Sa 486,278 senior high school graduates na kumuha ng TVL track para sa School Year (SY) 2019-2020, ang kumuha lamang ng national certification ay nasa 127,796 at 124,970 ang pumasa. Pero kahit na umabot sa 97.8 porsyento ang passing rate sa mga kumuha ng national certification, lumalabas na umabot lang sa 25.7 porsyento ang certification rate sa mga TVL graduate sa nabanggit na school year.


Bumaba pa noong SY 2020-2021 ang certification rate sa 473,911 ng kabuuang TVL graduates. Para sa school year na nabanggit, 32,965 ang kumuha ng national certification, at 31,993 o 97.1 porsyento ang nakapasa sa national certification. Ngunit lumalabas na 6.8 porsyento lamang ang certification rate para sa taong iyon.


Samantala, isa sa mga itinutulak ng inyong lingkod ang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367). Dito iminumungkahi ang ugnayan sa pagitan ng DepEd at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para gawing libre ang national competency assessments ng mga senior high school graduates ng DepEd. Gagawaran ng National Certificates (NCs) ang mga makakapasa ng mga assessment na ito bilang pagkilala sa kanilang mga skills and competencies batay sa mga pamantayang itinakda ng TESDA.

Layon din ng Batang Magaling Act ang paglikha sa National at mga Local Batang Magaling Council upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, local government units, mga paaralan, at mga katuwang sa industriya para tugunan ang mismatch sa skills ng K to 12 graduates at pangangailangan ng labor market.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 31, 2023

Bilang paghahanda sa pagpapatupad ng MATATAG K to 10 curriculum sa susunod na taon, mahalaga na ngayon pa lang ay paigtingin na ang mga angkop na pagsasanay at edukasyon ng ating mga mag-aaral at guro lalo na’t nakasalalay sa kanila ang tagumpay at epektibong pagpapatupad ng bagong kurikulum.


Inaasahang magsisimula ang rollout ng MATATAG K to 10 curriculum sa School Year (SY) 2024-2025 para sa Grade 1, Grade 4 at Grade 7. Matapos nito, ang iba pang mga grade levels sa mga susunod na school year hanggang 2028.


Mainam rin na ngayong school year isasagawa ang pilot implementation ng MATATAG K to 10 curriculum sa mga piling paaralan upang lalo pang maayos ang curriculum.


Sa pagsisimula ng klase para sa SY 2023-2024 sa mga pampublikong paaralan, inaasahang hudyat na rin ito ng pag-angat sa kakayahan o performance ng mga mag-aaral, lalo na pagdating sa foundational skills tulad ng literacy at numeracy. Ayon sa World Bank, umabot na sa 91% noong Hunyo 2022 ang learning poverty sa bansa.


Kaya naman sa kabila ng pagpapatupad ng DepEd ng mga learning recovery programs tulad ng National Learning Camp, mahalaga na tutukan nating maigi ang nahihirapang mga estudyante sa pag-aaral lalo na pagdating sa kanilang foundational skills.


Sa ilalim ng iminumungkahi nating Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Senate Bill No. 1604), isinusulong dito ang masusing pagbuo at pagpapatupad ng national learning recovery program upang matugunan ang pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19, kabilang na ang learning loss. Kasama sa mga target ng programa ang mga mag-aaral na hindi naabot ang minimum proficiency levels sa Language, Mathematics at Science.


Sa ilalim din ng panukala ay makatatanggap ang mga mag-aaral ng mga sistematikong tutorial sessions at mga intervention plan.


Sa madaling salita, titiyakin na makatatanggap ang mga estudyante ng sapat na oras para sa pag-aaral, matututunan nila ang mahahalagang learning competencies, at makakahabol sila sa kanilang mga aralin.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 29, 2023

Mahalaga na magpatuloy ang edukasyon anumang hamon ang dumating sa buhay ng ating mga kabataang mag-aaral. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, isinusulong ng inyong lingkod ang makabago at alternatibong paraan ng pagtuturo, kabilang na ang online learning.


Matatandaan na inihain natin ang Digital Transformation of Basic Education Act (Senate Bill No. 383) noong nakaraang taon, kung saan layon nitong isulong ang digital transformation sa sektor ng edukasyon sa bansa. Sa ilalim ng panukalang batas, bibigyan ng mandato ang Department of Education (DepEd) na patatagin ang kakayahan sa Information and Communication Technologies (ICT) ng mga public at private schools upang magpatupad ng distance learning.


Nakasaad din sa naturang panukala na tutulungan ng Department of Science and Technology (DOST) ang DepEd at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa paggamit ng agham, teknolohiya, at inobasyon sa pag-aaral at pagtuturo.


Bukod dito, ihahanda rin ang sektor ng edukasyon sa Fourth Industrial Revolution o pag-usbong ng digitalization, connectivity, artificial intelligence (AI) at teknolohiya. Sa pamamagitan nito, maisusulong ang malawakang pagbabago sa paraan ng edukasyon at pagkatuto ng mga mag-aaral.


Kaya kung maantala man ang klase, halimbawa, sa loob ng dalawang linggo, mainam na mayroon nang alternatibong paraan ng pagtuturo. Kailangan maging handa tayo sa anumang sitwasyon upang patuloy na makapagturo ang ating mga guro at patuloy na matuto ang ating mga mag-aaral. Ito ang realidad na dapat nating harapin.


Kamakailan lang ay inihain din natin ang Proposed Senate Resolution No. 689, upang suriin naman ang kahandaan ng ating mga paaralan para sa Academic Year 2023-2024.


Layunin ng gagawing pagsusuri ang pagiging epektibo at ang mga hamong kinakaharap ng pagpapatupad ng face-to-face classes at pag-aaral gamit ang mga alternative delivery modes. Kabilang din sa konsiderasyon ang banta ng El Niño at ang panawagang ibalik sa Abril at Mayo ang bakasyon ng mga bata.


Kailangan natin ng pormal na polisiya, lalo na ng mga iminumungkahing panukalang batas, upang hindi maantala ang pag-aaral ng mga kabataan at patuloy na makapagturo ang ating mga guro.


Magkakatuwang tayo sa pagkamit ng mataas na antas ng edukasyon tungo sa maunlad at makabagong kinabukasan.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page