top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 7, 2023

Nakasalalay sa ating teachers ang tagumpay ng sektor ng edukasyon, ngunit patuloy silang dumaranas ng iba’t ibang mga pagsubok sa pagtupad ng kanilang tungkulin.


Kaya naman para matugunan ang mga bago at patuloy na mga hamong kinakaharap ng mga public school teachers, inihain ng inyong lingkod ang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493) na layong amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670). Lumipas na kasi ang 57 taon mula noong maisabatas ito kaya kailangan nang i-revise at gawing mas angkop sa pangangailangan ng mga guro sa kasalukuyang panahon.


Maraming panukalang pagbabago ang nilalaman ng Senate Bill No. 2493 para matiyak na naitataguyod, nabibigyan ng proteksyon, at nirerespeto ang karapatan at kapakanan ng mga guro sa mga pampublikong paaralan.


Kasama rito ang mga sumusunod: ang pagbibigay ng calamity leave, mga educational benefits, at longevity pay; mga kondisyon sa pagbibigay ng special hardship allowance; mas maayos na criteria pagdating sa sahod; proteksyon ng mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses; at iba pa. Iminumungkahi rin natin na ipantay ang mga sahod, benepisyo, at work condition ng mga probationary teachers sa entry-level teachers.


Nakasaad din sa panukala na babawasan ang oras ng pagtuturo ng mga public school teachers.


‘Yung dating anim na oras, isinusulong ng inyong lingkod na gawing apat na lang. Pero sa mga pagkakataong kinakailangan, maaaring magtrabaho ng hanggang walong oras ang mga guro. Sa ganitong sitwasyon, makakatanggap sila ng dagdag na omentong magiging katumbas ng kanilang regular na sahod at may dagdag na 25 porsyento ng kanilang basic pay.


Sa ilalim din ng panukalang batas, ipinagbabawal ang pagbibigay ng mga non-teaching task sa mga guro. Kung ang isang teacher naman ay naka-leave, pahihintulutan ang pag-hire ng substitute teacher.


Bukod dito, ipagbabawal ang pagtanggal sa mga permanent teachers nang walang sapat na dahilan at due process. Maaaring maibalik sa trabaho at makatanggap ng backwages ang mga permanent teachers na naaalis sa trabaho sa hindi makatarungang paraan. Titiyakin din ang confidentiality ng disciplinary actions sa mga guro. Layon din ng panukalang batas na magkaroon ng ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at Public Attorney’s Office (PAO) upang mabigyan ng serbisyong legal ang mga gurong humaharap sa mga reklamo at demanda na may kinalaman sa kanilang trabaho.


Bubuo naman ang DepEd ng Code of Ethics para sa mga guro sa public schools.


Ipagbabawal din ang anumang uri ng diskriminasyon at itataguyod ang gender equality.


Kung maisabatas ang panukalang ito, patuloy na maisusulong ang ating adbokasiya na matugunan ang pangangailangan ng mga guro at maitaguyod ang kanilang kapakanan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 5, 2023

Patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang kultura ng pagbabasa sa pamamagitan ng digitalization.


Kailangan nating harapin ang realidad na malawakan na ang paggamit natin ng digital technology.


Kung gusto natin ng agarang impormasyon sa panahon ngayon, madali lang nating nakukuha ito sa pamamagitan ng cellphone. Kaya, paano natin ngayon pagsasama-samahin ang digitalization, paggamit ng teknolohiya, at access sa mga aklatan o library?


Base kay Dr. Dolores Carungui, Chief Librarian ng Reference Division ng National Library of the Philippines (NLP), puwede nang ma-access ang online public access catalog sa website ng NLP at sa iba pang mga school at public libraries. Ang online public access na ito ay maaari ring magamit para humanap ng mga digital copies ng iba’t ibang mga resources, kabilang na ang mga electronic resources para sa mga bata. Dagdag pa niya, may humigit-kumulang na isang milyong pahina ang dumaan na sa digitization.


Nito lang Nobyembre 2023, may 1,660 na pampublikong mga aklatan ang naiuugnay sa NLP.


Meron ding 56 na mga provincial library, tatlong congressional library, tatlong locally-funded projects, isang regional library na matatagpuan sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), 116 na aklatan sa mga siyudad, 611 sa mga munisipalidad, at 870 na mga barangay reading center.


Balak namang gawin ng inyong lingkod na bahagi ng panukala ang pagtiyak ng access sa catalog na ito. Titiyakin natin ang access sa mga aklatang ito upang isulong ang kultura ng pagbabasa, gawing komprehensibo ang pagsulong natin nito, at tiyaking magagamit ng mas marami ang parehong pisikal at digital na kopya ng mga materyal.


Sa ilalim ng inihain nating panukalang batas na National Reading Month Act (Senate Bill No. 475), isasagawa sa buwan ng Nobyembre ang mga pambansang programang may kinalaman sa pagbabasa. Dito, binibigyan ng mandato ang Department of Education (DepEd) na siyang magiging pangunahing ahensya sa pagbuo ng mga polisiya at estratehiya na magsusulong ng pagbabasa. Maihahanda rin nito ang mga kabataan sa panghinaharap pagdating sa pagbuo ng polisiya at iba pang paraan upang makatulong sa kaunlaran ng ekonomiya, lipunan, at kultura.


Upang palawakin ang access sa mga libro at iba pang mga learning materials, iminungkahi rin natin na tiyakin ng mga Public Telecommunications Entities (PTEs) ang libreng access sa mga learning management systems applications ng DepEd. Kabilang dito ang mga web-based applications, online educational platforms, digital libraries, at iba pang mga online knowledge hubs ng DepEd. Sa ilalim ng panukala natin, hindi papatawan ng data charges ang pag-download at pag-upload sa mga application na ito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 30, 2023

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, isa sa mga pinakamahalagang ipinanukala ng inyong lingkod ay para sa training o pagsasanay ng mga guro na kakailanganin bilang paghahanda sa ganap na pagpapatupad ng MATATAG K to 10 curriculum.


Nirekomenda natin ang halagang P1.7 bilyon para sa paghahanda ng ating mga teacher sa MATATAG curriculum simula School Year (SY) 2024-2025. Inaprubahan ng Senado rito ang P1.5 bilyon sa ilalim ng Committee report ng Senate Committee on Finance sa General Appropriations Bill (House Bill No. 8980).


Humigit-kumulang 200,000 na mga guro sa Key Stage 1 at iba pang grade levels ang magiging saklaw ng pagsasanay na ito. Unti-unti namang ipapatupad itong curriculum simula School Year (SY) 2024-2025 para sa Kindergarten, Grade 1, 4, at 7.


Isang mahalagang hakbang ang MATATAG K to 10 curriculum sa pagpapaangat sa performance ng mga mag-aaral. Bago pa man inilunsad ang MATATAG K to 10 curriculum, pinuna na ng mga eksperto na masyadong maraming itinuturo sa mga bata sa ilalim ng K to 12 basic education curriculum. Nagiging sagabal ito upang matutunan nila ang mga essential competencies tulad ng literacy at numeracy.


Kung babalikan natin ang naging resulta ng ilang large-scale international assessment tulad ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), bigo ang mga mag-aaral ng bansa na matutunan ang mga basic competencies. Sa 79 na bansang lumahok sa naturang pag-aaral, Pilipinas ang pinakamababa sa Reading at pangalawang pinakamababa sa Mathematics at Science.


Matapos ang dalawang taong pag-aaral, ngayon ay 3,600 na lamang ang natirang competencies sa MATATAG K to 10 curriculum, mas mababa ng 70 porsyento sa higit na 11,000 sa dating curriculum. Ayon sa Department of Education (DepEd), tinututukan ng MATATAG K to 10 curriculum ang mga pundasyon ng kaalaman tulad ng literacy, numeracy, at socio-emotional skills.


Bahagi rin ng naturang curriculum ang peace competencies.


Patuloy nating hinihimok ang Teacher Education Council (TEC) na iangkop ang teacher training at education sa MATATAG K to 10 curriculum. Sa ilalim ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), pinatatag ang TEC upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC), at siguruhing nakahanay sa isa’t isa ang pre-service at in-service teacher education and training.


Kaugnay nito, minamandato sa TEC na magtakda ng mga pamantayan para sa mga teacher education programs.


Tungkulin din ng TEC na magtalaga at magtatag ng mga Teacher Education-Centers of Excellence (COE) sa lahat ng mga rehiyon sa bansa. Ang mga Teacher Education-COEs ay mga pampubliko at pribadong mga kolehiyo, paaralan, o ahensya na may mahusay na track record sa teacher education at pinagmumulan ng mga mahuhusay na graduate.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page