top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 30, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Muling isinusulong ng inyong lingkod na paigtingin ang pakikilahok ng mga local government unit (LGU) sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon at para maipatupad ang panukalang decentralization sa education governance.


Nakasaad ang mungkahi ng inyong lingkod sa 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155), kung saan imamandato sa mga local school board ang pagdisenyo at pagpapatupad ng mga polisiya sa paghahatid at pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Susukatin ang tagumpay ng mga programang ito sa participation rate ng mga mag-aaral, sa bilang ng mga dropout at out-of-school youth, at marka sa mga national test at iba pang assessment tools. Layon din ng naturang panukala na palawakin ang local school board upang makalahok ang iba pang education stakeholders.


Kasunod ng pagdalaw ng Second Congressional Commission (EDCOM II) on Education sa Vietnam, nakita natin ang halimbawa ng bansang ito pagdating sa pamamalakad ng sektor ng edukasyon. Bagama’t ang kanilang Ministry of Education and Training (MOET) ang nagpapasya ng mga polisiya para sa buong bansa, ang People’s Committee sa mga probinsya ang may pananagutan para sa mga resulta. Ang mga nasabing komite rin ang nagbabantay sa kalidad at nagpapatupad ng mga programa sa edukasyon.


Ang local school board ay isa nang magandang mekanismo upang magpatupad ng devolution sa mga lokal na pamahalaan dahil bahagi nito ang alkalde at superintendent. Pero itinutulak din natin na palawakin ang responsibilidad ng mga local school board at tiyakin na may pananagutan sila. Ang ating panukala ay isang paraan upang ibaba sa lokal na lebel ang edukasyon gamit ang mga mekanismong meron na tayo.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, iminumungkahi rin natin na palawakin ang paggamit ng Special Education Fund (SEF) na nagmumula sa dagdag na isang porsyentong buwis sa real property.


Kahit nakasaad na sa Local Government Code of 1991 (Republic Act No. 7160) na maaaring gamitin ng local school board ang SEF sa operasyon, pagpapanatili, pagpapatayo, at pagkumpuni ng school buildings, isinusulong natin ang pagpapalawak sa paggamit ng SEF para sa sahod ng mga guro at non-teaching personnel, sahod ng preschool teachers, at honoraria at allowances ng mga teacher at non-teaching personnel para sa karagdagang serbisyo sa labas ng regular na oras ng pagtuturo.


Kabilang din sa ating mungkahi na gamitin ang SEF para sa capital outlay ng mga pre-school, at sa operasyon at maintenance ng mga programa sa Alternative Learning System (ALS).


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 23, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Patuloy na ipinaglalaban ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) training at certification para sa mga guro ng technical-vocational livelihood (TVL) sa senior high school.


Para sa kaalaman ng lahat, ang training at certification ng mga guro ng TVL ay bahagi ng pag-angat ng kalidad ng TVL training at kahandaan ng mga senior high school graduate sa trabaho. Sa ilalim ng 2024 national budget, nakatanggap ang Department of Education (DepEd) ng 50 milyong piso para sa training at certification ng mga senior high school teacher sa ilalim ng TVL track.


Bukod dito, makakatulong ang training at certification ng TVL teachers upang tiyaking akma sa mga pamantayan ng TESDA ang TVL track ng senior high school.


Kasabay ng pag-angat natin sa kalidad ng pagsasanay para sa mga senior high school learners, pati na sa kanilang kahandaang magtrabaho, isinusulong din natin ang angkop na training at certification para sa TVL teachers ng DepEd. Kaya naman iminungkahi ng inyong lingkod ang paglalaan ng pondo para mabigyan ang ating senior high school TVL teachers ng kaukulang pagsasanay mula sa TESDA.


Bilang mambabatas, umaasa tayo na makakatulong ang certification ng senior high school learners sa ilalim ng TVL track na makakuha ng dekalidad na mga trabaho. Batay sa pagsusuri ng ating tanggapan, 50 porsyento ng mga senior high school graduate sa ilalim ng TVL track ang may trabahong maituturing na elementary occupation kabilang ang mga tagalinis, domestic helpers, car at window washers, at street sweepers.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, isinulong ng inyong lingkod na mapondohan sa ilalim ng 2024 national budget ang libreng assessment at certification ng mga mag-aaral ng senior high school sa TVL track.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 21, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Ang bawat isa ay may karapatang magkaroon ng edukasyon.


Mula noon hanggang ngayon, kabilang sa ating ipinaglalaban bilang mambabatas ang mga karapatan ng mga out-of-school children and youth (OSCY) na nagnanais na magkaroon ng maayos na edukasyon at makapagtapos ng pag-aaral. Ang OSCY ay mga indibidwal na hindi bahagi ng pormal na setup ng pag-aaral sa mga paaralan. Hindi sila pumapasok sa public at private schools, ngunit nais matuto pero walang kakayahan o hindi maaaring makapasok sa karaniwang eskwelahan dulot ng iba’t ibang karanasan o sitwasyon sa kanilang buhay.


Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na 10.7 milyon ang OSCY. Kaya mariin nating pinapaalalahanan ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng isang agresibong back-to-school campaign para matugunan ang mataas na bilang ng mga OSCY.


Iniulat din ng PSA na sa 10.7 milyong OSCY, ang 68.5 porsyento rito ay may edad 20 hanggang 24. Pumalo naman sa 15.6 porsyento ang may edad 15 hanggang 19, nasa 12 porsyento ang may edad lima hanggang siyam, habang 3.7 porsyento ay 10 hanggang 14 taong gulang. Kaya naman, lubos na hinihikayat ng inyong lingkod ang mga OSCY na mag-enroll sa Alternative Learning System (ALS) upang hindi mapag-iwanan at magkaroon ng magandang kinabukasan. Tinatawag natin itong parallel learning system dahil nakakapaglaan ito ng alternatibong paraan mula sa ordinaryong setup ng edukasyon sa loob ng klasrum.


Ang Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510), na pinangunahan nating isulong, ay may mandatong gawing institusyonal ang mga out-of-school children in special cases at mga adult learner na mabigyan ng pangalawang pagkakataon sa basic education, kabilang ang may kapansanan, mga nakatatanda, indigenous peoples, learners with disabilities, children in conflict with the law, learners in emergency situations o mga sakuna, at iba pa.


Layunin ng ALS na hasain ang mga mag-aaral pagdating sa basic at functional literacy at life skills. Mandato rin ng naturang batas ang pagkakaroon ng ALS Community Learning Centers sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, mahalagang natitiyak natin na naaabot ang mga kabataang wala sa mga paaralan at nabibigyan sila ng pagkakataong makatanggap ng edukasyon.


Ang mga kabataan ang pundasyon ng kinabukasan ng ating bansa, ang pag-asa ng bayan tungo sa mabuting buhay, at ang puwersa ng lipunan na magpapaunlad sa susunod na henerasyon.  Kailangang matugunan ang anumang hadlang upang masulit ang kanilang karapatang maging masaya, produktibo, at tagumpay sa mga pangarap sa buhay, tulad ng pagtatapos sa pag-aaral.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page