top of page
Search

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Oct. 29, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Isinusulong ng inyong lingkod ang promotion ng mga guro upang mabigyan sila ng mas maraming oportunidad para sa kanilang career development at professional advancement.


Sa nagdaang pagdinig ng subcommittee ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na tumalakay sa panukalang batas tungkol sa Career Progression System for Public School Teachers, nanindigan tayong kailangan nating ipaglaban na dapat nakabatay ang kanilang natatanggap sa kanilang kakayahan at hindi sa quota.


Nagiging sagabal kasi ang quota sa pagpapaunlad ng karera ng mga guro. Hindi sila umaangat dahil sa quota. Kahit na meron tayong career progression kung meron namang quota, kaso, hindi natin makakamit ang layunin natin. Mahalaga na iayon natin ang promotion sa kakayahan ng mga guro at hindi nga sa quota.


Sinuri ng tanggapan ng inyong lingkod ang career progression system bago nilagdaan ang Executive Order No. 174 na nagtatag sa expanded career progression system para sa public school teachers. Batay sa pagsusuri ng ating tanggapan, 14 porsyento lamang ng mga Teacher III ang napo-promote bilang Master Teacher I at inaabot ng 10 hanggang 15 taon bago mangyari ang promotion. Lumabas din sa ginawang pagsusuri na pitong porsyento lamang ng mga Teacher III ang napo-promote bilang Head Teacher, at limang porsyento lamang ng mga Teacher III at Master Teacher IV ang nagiging punong-guro. 


Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), nagkaroon ng quota system sa ilalim ng Position Classification and Compensation Scheme (PCCS) (DBM Manual on PCCS, Chapter 6, 2004).


Umaabot sa 92 porsyento ang mga Teachers I hanggang III sa ilalim ng Department of Education (DepEd). Batay din sa pagsusuri ng ating tanggapan, apat sa 10 (44 porsyento) ng mga Teacher II ang umabot sa mahigit 10 taon sa serbisyo, habang halos pito sa 10 (65 porsyento) mga Teacher III ang umabot sa mahigit 10 taon sa serbisyo.


Inihain natin ang Career Progression System for Public School Teachers Act (Senate Bill No. 2827) upang gawing institutionalized ang Career Progression System for Public School Teachers. Layon ng naturang panukala na palawakin ang oportunidad ng mga guro para sa career path sa teaching, school administration, o supervision.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Oct. 24, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Isinusulong ngayon ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 2840 na layong ireporma ang professionalization ng mga guro. 


Sa naturang panukala, plano nitong amyendahan ang Republic Act No. 7836 o ang Philippine Teachers Professionalization Act, na inamyendahan naman ng Republic Act No. 9293. Kabilang sa pangunahing mungkahing pagreporma ay karagdagang kuwalipikasyon at kadalubhasaan para sa mga miyembro ng Board for Professional Teachers, pagbabawal ng conflict of interest, at mga daan para sa aplikasyon ng registration bilang mga propesyonal na guro.


Bilang kapalit ng pagkuha ng licensure examination para mairehistro na isang propesyonal na guro, maaaring magsumite ng portfolio na nagpapakita ng pag-abot sa professional standards sa pagtuturo ang mga graduate mula sa mga accredited na Teacher Education Centers of Excellence. Kailangan ay hindi bababa sa 80% ang kanilang passing rate sa nakalipas na limang taon.


Pinapayagan din ng panukalang batas ang registration ng mga indibidwal na kuwalipikadong kumuha ng licensure exam nang hindi ito aktwal na kinukuha, basta’t meron silang hindi bababa sa 10 taon na karanasan sa pagtuturo bago ipatupad ang batas. Sa loob ng tatlong taon na pagpapatupad ng batas, dapat silang mag-apply ng registration at pag-isyu ng certificate of registration at professional identification card sa pamamagitan ng pagsusumite ng portfolio ng karanasan sa pagtuturo. Ito ay gagamitin para sa masusing pagsusuri ng natamong kaalaman at kadalubhasaan na katumbas ng professional standards.


Ang mga nagnanais maging guro na tatlong beses bumagsak sa licensure examination ay kinakailangang sumailalim sa refresher course sa isang Commission on Higher Education (CHED)-recognized Teacher Education Institution (TEI) sa loob ng isang taon bago muling kumuha ng pagsusulit. Sa ilalim ng panukala, may mandato ang Professional Regulation Commission (PRC) na isumite agad ang mga tanong at sagot sa licensure exam sa Teacher Education Council (TEC) pagkatapos ng pagsusulit. Kapag nailabas na ang resulta, kailangang ipalabas na rin ng PRC ang mga tanong sa pagsusulit at ang performance ng mga TEI, kasama na ang ulat ng ratings ng mga kandidato sa bawat bahagi ng pagsusulit.


Sa ilalim pa ng panukalang batas, ang Department of Education, CHED, TEC, Early Childhood Care and Development Council, Association of Local State Colleges and Universities, Philippine Association of State Universities and Colleges, at isang accredited na asosasyon ng mga guro ay magrerekomenda ng tig-isang nominee sa Board for Professional Teachers kung saan ang limang miyembro nito ay pipiliin ng Pangulo.


Ang panukalang batas na ito ay nagtatakda na ang mga Board Members ay dapat may hawak na hindi bababa sa master’s degree, mas mainam kung mayroong doctorate degree, mula sa isang kilalang kolehiyo, institusyon, o paaralan. 

Puwede ring maging Board Members ang mga faculty members mula sa TEIs na nagtuturo ng mga kurso sa professional education, general education, o anumang larangan ng espesyalisasyon sa loob ng 10 taon.


Kumpiyansa ako na sa pagsusulong ng bill na ito, maitataas natin ang antas ng propesyonalismo ng ating minamahal na mga guro. Sa pamamagitan ng mga repormang nakapaloob dito, tiyak na mapapalakas ang kalidad ng edukasyon sa bansa at matutulungan ang mga guro na makamit ang kanilang buong potensyal.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Oct. 22, 2024



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Magandang balita ang ating hatid ngayong ganap nang batas ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12028). 


Isinulong ito ng inyong lingkod sa ilalim ng Senate Committee on Basic Education mula pa nang pumutok ang pandemya ng COVID-19 upang makatulong sa pagsugpo sa krisis sa edukasyon sa ating bansa. 


Sa ilalim ng bagong batas, ipapatupad ang ARAL Program na magbibigay ng national learning interventions na nakaangkla sa mga sumusunod na pamantayan: mga sistematikong tutorial sessions, maayos na intervention plans at learning resources na binuo ng ating curriculum experts at reading specialists at naaayon sa learner-centered approach, epektibo at angkop na mga paraan ng pagtuturo para sa mga tutor at mag-aaral, at iba pa. 


Layon ng batas na matulungan ang mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 10 mula sa public schools na bumalik o babalik sa paaralan matapos mahinto sa pag-aaral. Kasama rin ang mga bata na hindi umaabot sa minimum proficiency levels na kinakailangan sa reading, mathematics, at science, pati na ang mga hindi pumapasa sa mga test sa loob ng isang buong school year. 


Sakop ng naturang programa ang essential learning competencies sa ilalim ng K to 12 Basic Education Curriculum. Tututukan nito ang reading at mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at ang science para naman sa Grade 3 hanggang Grade 10.


Pagtutuunan ng pansin ang reading at mathematics upang linangin ang critical at analytical thinking skills ng mga estudyante. 


Kasama rin sa tututukan ng ARAL program ang pagpapatatag ng foundational skills ng mga mag-aaral sa Kindergarten, lalo na ng kanilang literacy at numeracy competencies. 


Sa ilalim ng programa, maaaring maging tutors ang mga guro, para-teachers, at pre-service teachers. Mabibigyan ng dagdag na umento ang mga guro na magsisilbi bilang tutors alinsunod sa mga angkop na probisyon ng Magna Carta for Public School Teachers at sa mga pamantayan ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM). 


Ayon din sa guidelines ng DBM, ipagkakaloob ang karagdagang bayad sa mga guro kung nagampanan na nila ang kanilang tungkuling magturo sa classroom sa loob ng anim na oras. Ang dagdag na bayad sa mga guro ay hindi naman lalagpas sa halagang katumbas na bayad sa dalawang oras batay sa Prime Hourly Teaching Rate. 


Babayaran naman ang mga para-teacher na magsisilbing tutors mula sa pondo ng DepEd o sa Special Education Fund (SEF) ng local school board. Nakasaad din sa batas na ituturing na relevant teaching experience ang pagiging tutor ng pre-service teachers sa pag-a-apply nila sa plantilla positions sa DepEd. Sa tulong ng ating mga katuwang sa edukasyon, sisiguraduhin nating makakahabol sa kanilang mga aralin ang mga kabataang mag-aaral. 


Saludo tayo sa lahat ng education stakeholders na umalalay sa atin upang maunawaan ang kalagayan sa loob ng mga silid-aralan at mabuo ang mga polisiya na siyang tutugon sa mga suliranin nito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
RECOMMENDED
bottom of page